M A S A R A P

22 1 2
                                    

"Kamusta naman ang lasa?" Pang-uusisa nito sa iyo.

"Masarap." Sagot mo. Sumubo ka pa ulit ng ulam at nag-aprub sign.

"Can't blame you. Masarap talaga ang tsibog nila dito. Pamatay ang lasa."

Natawa ka sa eksaheradang komento nito. "Pamatay talaga?" Hiniwa mo ang karne sa maliliit na piraso, binuhusan mo ng sarsa at inilagak sa bibig. Marahan kang ngumuya at ninamnam ang kinakain. Kaunti na lang at masisimot mo nang lahat iyon. "Hmm.. Sarap talaga. Kumain ka rin."

"Okay lang. Sawa na 'ko d'yan."
Nang dumating ka at ng nobyo mo doon kanina ay nandoon na nga ang babae. Nakapuwesto sa sulok. Tila may' hinihintay. Mukhang malungkot pa habang pinagmamasdan ang pagbuhos ng ulan sa labas na kitang-kita naman dahil sa ang pader ay yari sa salamin.

Kaya nang biglang nagka-emergency ang nobyo mo at umalis ay nilapitan mo ito. Sa huli ay naki-share ka na nga ng mesa rito. Masyado kasing tahimik sa restawran na iyon. Kung nangyaring wala ang babae ay iisipin mong binayaran ng nobyo mo ang buong lugar nang sa ganoon ay masolo n'yo ang lugar buong araw.

"Ikaw bahala.."

"Mukhang na-enjoy mo nang husto 'yan, a."

"Bakit naman hindi? Mukhang mapapadalas pa nga yata ako rito." Binalingan mo ito. "Ikaw ba, madalas ka rito?"

"Palagi ako rito."

"Ahh.. loyal costumer ka pala nila rito."

Tipid itong ngumiti.

"Pero hindi ka ba naku-curious?"

"Naku-curious sa'n?"

"Itong adobo nila, nuknukan ng sarap. Ano kaya ang secret ingredient nito, 'no?"

"Ako, alam ko."

"Talaga? Ano?"

"Lason."

Kasabay ng pagbaba nito ng tingin ay siya namang paghinto sa pag-inog ng iyong mundo.

"Lason...?" Napabulinghit ka ng tawa. "Ito talaga, patawa."

"Hindi na interesado si Gael sa 'yo... kaya 'yan, ipinadidispatsa ka na niya sa mga tauhan niya."

"A-anong?" Napahawak ka sa iyong leeg. Unti-unting nagiging mahirap para sa iyo ang paghinga.

"Sa gan'yang paraan din niya kinitil ang buhay ko nang nalaman niyang magkakaanak na kami dati."

Napahawak ka sa iyong sinapupunan. Mayamaya ay napansin mo na lang ang pagpasok ng dalawang lalaking kapwa basa at putikan. At malakas ang hinala mong ikaw ang sadya ng mga ito.

"Dito na natin hintaying lumupaypay 'yan. Tutal hindi na makakatakbo 'yan dahil mapaparalisa na rin 'yan mayamaya."

"Sabagay, p're, nakahanda na rin naman ang hukay niyan sa likuran. At kahit papaano ay hindi siya malulungkot dahil makakatabi niya 'yong nauna sa kanya."

© 2019 EjMuhree

#SobrangShortStory

Alingawngaw (#Dagli)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon