Ikaw, Ako, at Ang Dating Tayo (Short Story)

169 0 0
                                    

Ikaw, Ako, At Ang Dating Tayo

            Bakit nga ba tayong mga tao naiisip lang natin kung gaano ka-importante sa atin ang isang bagay o ang ibang tao kung kailan wala na ito sa atin? Bakit ba lagi na lang tayong nagsasabi ng mga bagay na hindi naman natin kayang tuparin? “Habang buhay kitang mamahalin”? Tapos iiwan mo kinabukasan, ganun lang ba talaga kahaba ang “habang buhay” ng isang tao? “To infinity and beyond”? Tapos hihiwalayan mo pagkatapos ng pitong buwan dahil pakiramdam mo nakaka-sagabal ka lang sa mga pangarap niya? Isa itong storya ng dalawang kabataan, si Aileen at si Michael, kung paano sila nagtapos at kung paano bumangon ulit pagkatapos ng lahat ng kasinungalingan ng mga tao matapos ang isang hindi malilimutang pag-iibigan.

            “Hindi kita iiwan as long as mahal mo ko” ang mga salitang paulit-ulit na naririnig ni Aileen sa kanyang utak tatlong buwan matapos siyang iwan ni Michael. “Napaka-sinungaling mo talaga” bulong niya sa sarili habang nakahiga sa kama at tumitingin sa kanyang cellphone na para bang may hinihintay siyang tawag. “Bakit pa ba ako umaasa? Siya na nang-iwan, hindi ko na dapat habulin pa… Kaya nga tinawag na X kasi isa siyang pagkakamali sa buhay ko” dumapa na siya at pinilit matulog.

Kinabukasan ay ang kanyang pangalawang linggo sa kolehiyo at masasabi na din naman niya na naka-buo din siya ng isang samahan na matatawag niyang mga tunay na kaibigan sina Ian, Josh, Yano, Cris, Mari, at Ellie. “Good morning sa inyo!” bati ni Aileen sa lahat na para bang hindi niya pinoproblema si Michael kagabi. “Bakit pugto ang mga mata mo? Umiyak ka ba?” tanong sa kanya ni Ellie, ang pinakatahimik sa kanilang lahat at ang pinagsasabihan niya ng lahat ng problema niya. Umupo si Aileen sa tabi niya sabay buntong hininga “Naalala ko na naman kasi siya kagabi” nakatingin lang siya sa sahig ng kanilang silid aralan, pero nararamdaman niya na nakatingin sa kanya si Ellie na para bang may gustong sabihin. “Sabi niya kasi babalik siya eh” dagdag ni Aileen tumahimik siya saglit at unti unti niyang nararamdaman ang pagbuo ng mga luha sa kanyang mga mata pero pinigilan niya ito, tumingin siya kay Ellie at ngumiti pero nakatingin lang ang kaibigan sa kanya. “Hindi ko siya kilala personally, at hindi ko din naman alam ang buong kwento, pero kung gusto mong umiyak nandito ako para sandalan mo” ngumiti na lang si Aileen sa sinabi ng kaibigan, hindi na niya gustong umiyak ulit. “Pagod na kasi ako… Kung hindi na siya babalik eh di keribels! Siya ang nawalan, hindi ako” tumawa siya ng maikli, paulit ulit na lang niyang sinasabi yun sa kahit sino, ayaw niyang umiyak sa harap ng ibang tao pero pag siya na lang mag-isa lumalabas lahat ng hirap, lahat ng sakit na nararamdaman niya. Dumaan ang isang araw na katulad din ng ibang mga araw niya. Diretso siya laging umuwi pagkatapos ng klase dahil wala din naman siyang pinupuntahan.

Pagkadating niya sa bahay dumiretso siya sa kanyang laptop at naglog-in sa Facebook. Katulad ng dati meron pa din na isang parte niya ang nagsasabing “Sana mag-PM SIYA.” Hanggang sa hindi nag-tagal ay may lumabas na isang chatbox. Bumilisang tibok ng puso niya sa kanyang nakita, “Hi! Kamusta? :)” sabi ni Michael sa kanya. “Ok naman, ikaw?” sagot ni Aileen, kinakabahan siya, hindi mapakali ang mga kamay niya na para bang may gustong idagdag sa mga sinabi niya. “Ok naman din! Kamusta naman ang college? Marami ka na bang friends?” parang nai-imagine ni Aileen ang itsura ni Michael habang sinasabi ang mga bagay na yun, kilala niya kasi ito bilang isang masayahin na tao, laging nakangiti bagay na bagay sa kanyang mga sinkit na mata pero sa unang tinign ay masasabi na ang kanyang pisikal na itsura ay kabaligtaran sa kung paano siya tingnan ni Aileen dahil sa matipunong katawan nito. “Yeah, bakit ka nga pala napa-PM?” naisipan niyang may tunog ng pagtataray ang kanyang tanong kaya agad niya itong sinundan ng isang smiley face. “Wala naman, sorry nga pala” bumilis ulit ang tibok ng puso niya, pakiramdam niya masasaktan siya sa mga susunod na mangyayari. “Bakit ka nags-sorry?” “Sa lahat ng ginawa ko sa’yo…Hindi ko alam kung bakit ko nagawa yun...” sabay sunod ng isang sad face. “Ok lang, at least hindi ka nangako ng forever katulad ng iba… I know how you hated that word” totoong ganun nga si Michael, ni minsan walang pinanghawakan si Aileen na forever para sa kanila dahil hindi naniniwala si Michael sa salitang yun, isang smiley face ang lumabas at isang pangako “Pero babalik ako, hintayin mo lang na maayos ko ang buhay ko, hintayin mo ‘ko please?” naluha si Aileen sa nabasa, nasabi niya sa sarili niyang “sana nakikita mo ako ngayon… sana nakikita mo kung gaano kasakit lahat yung maiwan nang hindi mo alam ang dahilan, yung maghintay sa isang tao na hindi mo naman alam kung kailan babalik” pero imbis na yun yung sabihin ito na lang ang nasabi niya “Hindi ko sinisigurado sa’yo, pero maghihintay ako hangga’t kaya ko pang maghintay” yun na siguro ang huli nilang pag-uusap. Merong mga gabi na iniisip ni Aileen kung ano yung mga dati nilang ginagawa ni Michael nung sila pa, nagtagal sila ng mahigit sa pitong buwan at sa loob ng pitong buwan na yun iilang beses pa lang sila nagkakasama dahil sa distansya nila sa isa’t isa, nakatira kasi si Michael sa Maynila habang si Aileen naman ay sa probinsya dahil lang sa mga kaibigan kaya sila nagkakilala at sa isang bagay na hindi niya inaasahan na mararanasan ni Michael. Siya kasi yung taong sa sobrang bait ay napapapunta sa mga maling babae, madalas siyang maloko ng mga nagiging karelasyon niya kaya nung naging sila ni Aileen, ginawa halos lahat ng magagawa niya para hindi maparamdam kay Michael na gusto niya lang ‘tong paglaruan. Lagi silang magkausap kahit sa telepono man lang, magkasabay silang kumain, sabay din silang matulog minsan nga hindi na pinabababa ni Michael ang telepono kay Aileen bago sila matulog para hanggang panaginip pakiramdam nila na magkalapit lang sila, sa umaga naman ay gumigising ng maaga si Michael para tawagan at gisingin si Aileen para makapag-handa ito sa kanyang klase. Kapag naman nag-aaway sila hindi rin nagtatagal ay nagbabati din, ayaw kasi ni Michael na nag-aaway silang dalawa, kung kinakailangan niyang lunukin ang pride niya para kay Aileen, kahit umiyak gagawin niya magka-ayos lang silang dalawa.

Lumipas ang ilang buwan at napagod si Aileen sa paghihintay at nagkaroon ng bagong nobyo sa loob ng isa sa kanyang mga kaibigan, si Yano. Hindi madali ang relasyon nilang dalawa dahil isang malaking kabaligtaran siya ng lahat ng meron si Michael, madalas niyang sabihan si Yano na isip bata at iresponsable, at lahat ng bagay na hindi niya minsan nakita sa dating minamahal. Nagulat na lamang siya isang araw nang bigla ulit siyang kamustahin ni Michael sa Facebook, “Ito… Ok lang” sagot ni Aileen, “Ok nga lang ba talaga?” at napa-amin si Aileen na hindi ok ang lahat, na nahihirapan siya sa kung anong ugali ang meron kay Yano, lahat sinabi niya kay Michael na para bang mag-bestfriend silang dalawa. “Yan ang sinasabi ko sa’yo eh… Kung hinintay mo sana ako eh di hindi ka nagkakaganyan ngayon… Suggestion ko sa’yo hiwalayan mo na yan kung nahihirapan ka na, tingnan mo… Tayo ba naging ganyan dati? Hindi naman di ba? Maghanap ka ng taong kasing mature mo para hindi ka nahihirapan, para hindi ka nasasaktan.” As usual napaluha na naman si Aileen magkahalong panghihinayang at lungkot ang naramdaman niya sa mga sinabi ng dating nobyo, pero ano pa bang magagawa niya nandyan na at natatakot na siyang bawiin pa. Hindi rin nagtagal ay nabalitaan niyang nagka-girlfriend na ulit na bago si Michael at hindi niya maiwasang ikumpara ang sarili niya dito hanggang isang araw nangyari na ulit ang bagay na matagal na niyang hinihintay… Ang pagtawag ni Michael sa kanya, problemado ito sa kanyang bagong nobya at naghahanap ng taong mapaglalabasan ng sama ng loob. “Hindi siya katulad mo… Wala siyang tiwala, napaka-babaw magalit, lahat na lang pinagselosan kahit ang mga kaibigan kong babae buti pa ikaw nung tayo lagi mong naiintindihan, wala kang pinagselosan… Sana ikaw na lang siya…” Gusto niya sanang bumalik sa kanya pero hindi na pwede… Parehas na silang may magkaibang buhay, kaya’t mas pinili na lang niyang makasama si Yano pagkatapos ng lahat ng nangyari.

Ikaw, Ako, at Ang Dating Tayo (Short Story)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon