PROLOGUE

1.9K 75 5
                                    

SALUBONG ang kilay ni Bobby nang makita ang paparating na si Calipper. Nasa lobby siya ng isang hotel at halos isang oras na siyang naghihintay sa pagdating ng kaniyang nobya. Tiningnan niya ang oras sa suot na relong pambisig at tsaka napabuntong-hininga.

"I'm here, Bob!" nakangiting sigaw ni Calipper sa boyfriend. "Sorry, I'm late. Naipit sa traffic ang taxi na sinakyan ko. Sorry talaga." paumanhin nya. Sinalubong niya ng halik sa pisngi ang nobyo pero umiwas ito.

"Halika na, kanina pa tayo hinihintay nina Mama at Papa." Mariin niyang hinawakan sa braso ang nobya at mabilis na naglakad na parang halos ay kaladkarin nya na ito.

"Aray! teka lang, nasasaktan ako," mahinang sabi ni Calipper. Iniiwasan niyang makatawag sila ng atensyon sa ibang mga taong naroroon. "Ano bang problema mo?"

Huminto sa paglalakad si Bobby at hinarap siya. "Anong problema ko? Tinatanong mo kung anong problema ko? Ikaw!"

"A-anong---?" hindi makapaniwala niyang tanong. Napakaimposible naman ng taong ito na ang simpleng pagdating niya ng late ay gagawin na nitong isang malaking issue. 

"Hindi ba in-inform naman kita na male-late ako? Sinabi ko naman sa'yo habang nasa taxi ako na traffic kaya malamang na ma-late ako sa usapan natin. Sinadya ko ba iyon? Ginusto ko bang mangyari iyon? Kasalanan ko ba iyon?"

"Alangan namang kasalanan ko, ako na nga itong napanis kakahintay sa'yo," pangangatuwiran pa ni Bobby. "Hindi ka lang naman ngayon bumiyahe. Araw-araw bumibiyahe ka papunta sa trabaho mo. Alam mo kung gaano kagrabe ang sitwasyon ng traffic dito sa Pilipinas.” 

"Eh, 'di sana umalis ka sa bahay n'yo nang mas maaga." Tinalikuran siya  nito at muling naglakad. Wala siyang nagawa kung hindi sumunod dito. Wala silang imikan habang naglalakad papunta sa parking lot kung saan nakaparada ang kotse ni Bobby.

Nang marating nila ang parking area ay agad na sumakay si Bobby at hindi man lang pinagbuksan ng pinto si Calipper. Tahimik na sumakay na lang ang babae para hindi na lumala ang sitwasyon. Mabilis na pinatakbo ni Bobby ang sasakyan papuntang South. Kailangan nilang magmadali. Kung hindi ay wala na silang aabutan sa 30th wedding anniversary celebration ng mga magulang niya. Kanina habang hinihintay niya sa hotel si Calipper ay tumawag na ang mama niya at sinabing naroon na rin ang isa niyang kapatid na lalaki na mas bata sa kanya kasama ang asawa at isang anak nito. Sila na lang ni Calipper ang hinihintay.

Sa bayan ng Malvar sa Batangas nakatira ang kanyang mga magulang kaya kung susumahin ay halos dalawang oras din ang biyahe. Malaking tulong na rin ang SLEX na kanilang tatahakin para mas mapabilis ang biyahe.

Tahimik lang silang dalawa habang bumibiyahe. Para bang wala isa man sa kanila ang gustong magsalita. Binuksan ni Bobby ang stereo at nagpatugtog. Pumailanlang ang isang love song.

Palihim na sinulyapan ni Calipper ang nagmamanehong nobyo. Gusto na niya itong kausapin pero nangangamba siyang baka suplahin lang siya nito. 

Hindi niya alam kung ano ang nangyayari sa boyfriend niya. Hindi naman mainitin ang ulo nito pero nitong mga nakaraang araw ay parang ang bilis nitong magalit. Kahit sa kaunting pagkakamali lang niya at maging sa maliliit na bagay na hindi nito nagugustuhan ay umiinit kaagad ang ulo nito.

Sa minsang lihim na pagsulyap niya kay Bobby ay kasabay namang sumulyap din ito sa kanya kaya sandali silang nagkatinginan. Sabay din silang nagbawi ng tingin. Nag-focus na lang si Bobby sa pagmamaneho. Siya naman ay nagkunwari na lang na inaantok kaya sumandal na lang siya sa upuan at ipinikit ang kanyang mga mata. 

Hindi namalayan ni Calipper na nakarating na pala sila sa kanilang pupuntahan. Nakita na lang niyang pumarada ang kotse sa tapat ng isang malaking bahay. Sa itsura nito ay iisipin mong mayaman ang pamilyang nakatira rito.

Nang makapasok sila sa malaking bahay ay sinalubong sila ng isang babaeng siguro ay nasa early 50s ang edad. Malawak ang ngiti nito at agad na niyakap si Bobby. "Kanina pa namin kayo hinihintay, Bobby," sabi nito na ngumiti pa sa kanya nang magtama ang kanilang tingin. "Siya ba si Calipper?" dugtong na tanong nito sa anak. 

"Yes, 'Ma, siya si Calipper. " Bumaling siya sa nobya.

"Babe, siya ang mama ko, si Dr. Nelia Crocker."

"Nice meeting you po, Tita," malugod niyang bati sa ina ng nobyo at saka hinalikan ito sa pisngi.

"Ikinagagalak kitang makilala. Matagal ka nang ikinukuwento sa amin ni Bobby kaya excited na talaga akong makilala ka. At last! May babaeng nakapagpatino sa mokong na 'to," nakangiting sabi nito sa kanya.

"Si Mama talaga, sisiraan pa ako sa girlfriend ko," natatawang sabi ni Bobby. Inakbayan siya nito na para bang wala silang pinagtalunan kanina.

"Halikayo sa loob. Nandoon na sa dining area ang papa mo at ang pamilya ni Marco," aniyaya sa kanila ni Nelia.

Pagdating nila sa dining area ay naabutan nila roon ang iba pang kapamilya ni Bobby. Unang napako ang atensyon ni Calipper sa matandang lalaking mukhang foreigner. 

Ito ang Amerikanong ama ni Bobby na siguro ay may 60 taong gulang na. Nakilala ito ng ina ni Bobby nang minsan itong magtungo rito sa Pilipinas para mag-conduct ng seminar sa eskuwelahan kung saan nag-aral ng medisina si Nelia. 

Ipinakilala ni Bobby si Calipper sa kanyang ama, ganoon din sa kapatid niyang si Marco na isang Medical Technologist, sa asawa nitong si Kristina, at ang tatlong gulang nitong anak na si Zeke. 

Mainit na tinanggap si Calipper ng pamilya ni Bobby at umaasa ang mga ito na hindi magtatagal ay magpapakasal na rin sila. Maging sila ni Bobby ay biglang naging okay na rin. Naging malambing sa kanya ang nobyo at ito pa mismo ang personal na nag-asikaso ng kuwartong tutulugan niya sa gabing iyon.

Malalim na ang gabi nang maalimpungatan si Calipper dahil sa tila pagkakagulo sa labas ng kuwarto. Bumangon siya para sana tingnan kung ano iyon pero bago pa siya nakababa sa kama ay bumukas ang pinto at pumasok si Bobby.

"Dito ka lang muna. Dadalhin namin si Papa sa ospital," kalmadong sabi nito bagama't bakas sa mukha ang matinding pag-aalala.

"Anong nangyari?" naguguluhan niyang tanong. Biglang nawala ang antok niya.

"Inatake siya sa puso. Binigyan na namin siya ni Mama ng first-aid pero kailangan pa rin namin siyang dahin sa ospital. Kayo na lang muna ni Kristina at Zeke ang maiiwan dito."

"S-sige, mag-iingat kayo." Iyon na lang ang kanyang nasabi dahil mabilis nang nakalabas ng pinto si Bobby.

Nakaligtas naman sa atakeng iyon ang ama ni Bobby pero makalipas ang dalawang linggo ay muli itong inatake at hindi na ito nakaligtas sa pagkakataong iyon. Dinamdam nang labis ni Bobby ang pagkamatay ng kanyang ama at halos ayaw na nitong pumasok sa ospital kung saan ito nagtatrabaho bilang doktor. 

Parang sinisi ni Bobby ang sarili na wala siya sa bahay nila sa Batangas nang muling atakehin ang ama niya kaya hindi man lang niya ito nagawang iligtas. Si Calipper naman ay nanatiling nakasuporta lang sa kanyang boyfriend kahit na tila mas lalo itong naging bugnutin mula nang mamatay ang ama nito. 

Mas napapadalas nadin ang kanilang pagtatalo. Maging ang pinakamaliit na bagay ay pinag-aawayan nila. Minsan ay napapaisip si Calipper kung ito pa rin ba ang Bobby na nakilala niyang pasensyoso at madiplomasiya. Dahil para sa kanya, napakalaki na ng ipinagbago ng kanyang nobyo.

Her Fake Boyfriend ✓Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon