Sa wakas! Natapos na din ni Wilma ang pagbabanlaw ng sangkaterbang labahing damit na ibinabad niya sa detergent at Clorox ng magdamag at saka kinusot at binanlawan kaninang alas cuatro ng madaling araw. Kinuha niya ang mga nakasalansang mga hanger at sipit sa tabi ng gripo. Pagkatapos niyang isampay ang mga ito magsasangag na siya ng kaning bahaw at magpiprito ng tuyo at itlog upang pagkagising ng kanyang apat na anak na edad pito, anim, lima, dalawa at ang kanyang walong buwang gulang na sanggol ay kakain na sila ng altanghalian - almusal at tanghaliang pinag-isa. Mag-a-anim na taong biyuda si Wilma sa tunay niyang asawa na siyang ama ng kanyang tatlong mas panganay na mga anak. Ang dalawang mas nakababata ay anak niya sa kumpare nilang mag asawa sa bunso nila. Ang kumpareng Bong nila ang siyang napagdagisunan ni Wilma ng mamatay sa cancer ang kanyang mister. Hindi inaasahang nagkaibigan nga sila at nagkaroon ng supling. Ngunit sadyang mapagbiro yata talaga ang tadhana. Noong isang linggo lamang ay inihatid ni Wilma sa huling hantungan ang ikalawang lalaking kanyang minahal. Tinamaan ng ligaw na bala si Bong ng may magbarilan sa kanilang lugar. Tinamaan sa ulo na siyang naging dahilan ng agad nitong pagkamatay.
Kaya sa ikalawang pagkakataon, ibinurol ni Wilma ang lalaking minahal at naging ama ng kanyang mga anak. Labis labis ang pighating nadama ni Wilma ngunit kailangan niyang magpakatatag para sa mga anak niya. Pasasaan ba at makakaraos din. Isang bagay lamang ang ipinangako ni Wilma sa sarili.
Hindi na siya muling iibig pa.
~•~•~•~•~•~•~•~•~•~•~•~•~•~•~•~•
Sa dami ng tao sa huling gabi ng lamay ni Bong ay halos mapuno ang munting kapilya. Kape at galletas ang ini-aalok ng mga anak ni Wilma sa mga nakikiramay, nakiki-chismis, nakiki-usyoso o kahit pa yung mga nag aantay lang ng libreng pa-kape't tinapay. Si Wilma, dahil ikalawang beses na siya ay nababalo, oo nga't nandon parin ang sakit at hinagpis ng pagyao ng asawa sa turing (hindi sila kasal ni Bong dahil kasal ito sa unang asawang nasa Amerika na) at katuwang sa buhay, ay mistulang Hermana ng isang kapistahan sa kanilang lugar. May suot pa itong itim na belo na tumatakip sa halos buong mukha niya. Ang tanging maaaninag sa kanyang mukha ay ang lagpas lagpas na kasing pula ng atsweteng mumurahing lipstick na pati kanyang dalawang harapang ngipin ay nabahiran.
Lahat ng bagong dating upang makiramay ay magiliw na sinasalubong ng balong si Wilma. Yapos at beso-beso ang iginagawad niya sa lahat ng may kaunting kaya sa buhay niyang kapitbahay, ang halaga ng abuloy ang tanging laman ng kanyang nagluluksang isip. Kapag alam ni Wilmang katulad din niyang dukha ang pumapasok sa kapilya upang makiramay ay iniismiran lamang niya ito at ipinapaubaya ang pag iistima sa kanyang mga anak. Sa isip isip niya "wala naman ako mapapala dito, kokonsumo lang ng kape at galletas ito".
Nang huling gabi ng lamay ni Bong, nagkaroon ng bulung bulungan na bibisita at makikiramay daw si Mrs. Ablaza. Isang mahalagang tao si Mrs. Ablaza sa kanilang lugar. Ito ang may ari ng pinakamalaking tindahan ng mga patuka ng manok at dog food sa lugar nila. Maaaring itanong ninyo, o eh ano naman ang ikinagaling ni Mrs. Ablaza sa negosyo niyang iyon? Ang Barrio Witalap lang naman ay katabi ng isang malaking subdivision sa kanilang lugar. Lahat ng pangangailangan ng mga ka-lugar ni Wilma sa kani-kanilang nagsososyalang mga aso na mga nangakadamit pa ay sa tindahan ni Mrs. Ablaza nila binibili. Katabi din ang munting barrio nila ng isang sabungan. Malakas ang radar sa kaperahan at may koneksyon sa Engineering Department sa munisipyo si Mrs. Ablaza kaya nakakakuha agad siya ng Business Permit na walang kahirap hirap, siya pa nauunang magtayo ng negosyo ayon sa "demand" ng mga tao sa kanilang barrio. At dahil na monopolya ni Mrs. Ablaza ang poultry feeds and dog food ay nagsimula na syang magkamal ng maraming pera. At dahil may likas na galing at gulang sa negosyo, umunlad ang negosyo nito kahit walang pormal na edukasyon sa Business Management sa unibersidad. Mahigpit ito sa pera at hindi nagpapa utang.
At kaya aligaga si Wilma ng malamang pupunta ito sa huling lamay ni Bong. Siguradong sigurado siya. Malaki ang i-aabuloy ng matabang negosyante!
BINABASA MO ANG
HATID atbp. 👁
Horror#1 Highest Ranking in HorrorFiction 03142019 #1 Highest Ranking in Dead 03262019 #2 Highest Ranking in CreepyStories 03102019 Kasabihan kapag may patay na nakaburol na bawal maghatid ng mga nakiramay ang mga namatayan sa dahilang susundan daw ni kam...