HINDI NA AKIN

76 36 0
                                    

Karanasan ko ito sa aking naging nobyo, sa ikalawa. Katulad ng iba ninyong nababasa, ang lalaki ay may pagka-mapaglaro sa babae. Hindi man kagwapuhan ngunit malakas ang appeal, manlalaro ng basketball, medyo may pagkaloko, marunong makisama. Hindi ako palaimik sa mga bago ko pa lamang nakikilala ngunit noong panahong iyon ay tila ba kinailangan kong umimik sapagkat tila ba sasabog ang aking puso sa sakit na aking dinaramdam dulot ng unang nobyo.

Samakatuwid ay lumipas ang mga panahon at naging daan ang lalaking ito upang mawala ang sakit. Siya ang naging hingahan ko ng sama ng loob at di kalauna'y inibig ko na rin. Naging kami at tumagal iyon ng higit sa unang nobyo ko. Hindi gaanong katagalan lalo na sa panahong iyon na ako ay kolehiyo pa lamang, 2014. Sa loob ng panahong nakilala ko siya ay ramdam ko ang naging pagbabago niya. Tinatanong ko nga kung bakit siya nabansagang PLAYBOY gayong sa akin naman ay naging tapat siya at ramdam ko ang sinseridad. Ngunit tila ba nasubukan ang aking tiwala sa kanya nang hindi ko na siya pakinggan.

May araw na nag usap kami sa selpon at hindi inaasahang tinawag niya ako sa ngalan na hindi naman niya ginagamit sa akin! Bilang isang babae ay magagalit ako kahit ayaw kong magalit. Gustuhin ko mang pakinggan ang mga paliwanag niya ay tila ba ayaw tanggapin ng aking sistema sapagkat nauna at nananaig ang galit. Humantong sa hiwalayan ang sakit na dulot ng pagtawag na iyon at napaniwala ko ang aking sarili na maaaring nagbalik siya sa pagiging playboy kaya naman lumayo na ako.

Makaraan ang halos dalawang buwan ay nabalitaan ko mula sa aming mga kaibigan na hindi naging mabuti ang dulot ng pag iwan ko sa kanya. Nag-iinom siya araw-araw at hindi maaninag sa kanyang mukha ang saya. Ang mga araw na iyon ay kasabay ng araw-araw niyang pagbalik sa akin. Isinisi sa akin ng mga kaibigan niya ang paghantong niya sa ganoon. May babaeng malaki ang pagkagusto sa kanya at ito ang naging kasama niya na siyang pinaglalabasan ng sama ng loob.

Napagtanto kong nagkamali ako at nabigla sa desisyon. Matapos ang ilang linggo ng pag-iisip, kung kailan siya ay tila ba nanahimik, handa na akong balikan siya at humingi ng tawad sa hindi ko pag-intindi. Hinanap ko siya at sinabi sa kanya ang aking desisyon ng may tuwa, ngunit naglaho ang ngiti sa aking labi nang sagutin niya ako ng "PASENSYA. Patawarin mo ako, hindi ko sinasadya. Mahal na mahal kita." Hindi ko maintindihan ang ibig niyang sabihin. Bakit siya humihingi ng tawad? Ang sunod kong narinig ay nakapagpawasak ng aking puso ang nagpaguho sa aking katinuan. "Buntis siya." Alam ko na kung sino ang tinutukoy niya. Ang babaeng palagi niyang kasama.

Anito ay handa siyang panagutan ang bata ngunit hindi ang pakasalan ang babaeng hindi niya mahal. Hinihiling niyang bumalik ako sapagkat mahal na mahal daw niya ako nang labis. Sabi niya ay hindi inaasahan ang pagdadalang-tao, lalo na ang nangyari sapagkat sila ay naiimpluwensiyahan ng alak. Agad akong napamura sa aking narinig. Mahal ko siya, mahal na mahal, ngunit hindi katanggap-tanggap ang kaniyang dahilan. Napaurong ako at nanlumo. Hindi ko alam. Hindi ko alam kung ano pa ang aking mararamdaman. Hindi naging madali para sa akin ngunit kinailangan kong gawin ang tama. "Ayaw kong lumaki ang bata ng walang ama. Lasing man o hindi, alam mo dapat ang limitasyon mo. Paano ako maniniwala sa pagmamahal mo kung may batang nabuo at dadaloy sa kanya ang dugo mo?"

Hindi na ako bumalik sa kanya. Walang kasalanan ang bata at ayaw kong lumaki itong malungkot, nagtatanong sa pagkatao niya. Maaaring kilalanin niya ang ama ngunit hindi mabuting may katanungan sa isip niyang 'bakit hindi kami kompleto?' kapag naging makasarili ako kung aangkinin kong muli ang lalaking maliwanag pa sa sinag ng araw, ay hindi na akin.

HINDI NA AKINTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon