Balagtasan: Mahal Mo o Mahal ng Magulang Mo?

136K 386 152
                                    

MAHAL MO O MAHAL NG MAGULANG MO?

LAKANDIWA

Isang masaganang araw sa lahat ng taong nasa harapan ko

Sa lahat ng Pilipinong nagdalo mula pa sa iba't-ibang sulok ng mundo

Ang inyong lingkod ngayo'y nakatanggap ng mensaheng nangangailangan

Ng sagot mula sa magkaibang pangangatuwiran.

Paksa ngayo'y ating hihimayin sa hapag-kainan ng katuwiran

Ay patungkol sa kung alin sa dalwa ang iyong pinapanigan:

"Hahayaan mo ba o hindi mo hahayaan

Na ang iyong magulang ang magdidikta kung sino ang dapat mong pakasalan?"

Halina't ating pakinggan ang dalawang panig na magpaparinigan

Mga kalahok nating malalayo pa ang pinanggalingan

Simulan na natin ang balagtasan

Sa isang masigabong palakpakan!

HAHAYAAN

Ang bawat magulang ay may pangarap

Magagandang hangarin para sa iyong hinaharap

Halimbawa ang taong sayo'y pinagpipilitan ay isang mayaman

Iisipin mo bang mga magulang mo'y pinagtripan ka lamang?

Kung ang kapalit naman ay lubos na yaman at kaginhawaan

Hindi mo pa ba papatulan?

Pagmamahal naman ay maaaring maramdaman at maranasan

Mula sa estrangherong ipinilit sa iyo na pakasalan.

Mukhang itong katalo ko ngayo'y may ibang katalo

Nakikipagtalo ka na ba sa sarili mo?

Namulat ang iyong mga mata sa katotohanan

Na dapat hayaan kung sino ang gusto ng magulang.

HINDI HAHAYAAN

Sandali lang kaibigan

Tila iyong nakalimutan

Na ang maaari lamang ikasal sa simbahan

Ay ang dalawang pusong tunay na nagmamahalan!

Para sa akin, ito'y hindi dapat hayaan

Magulang man o kung sino pa yan

Sa pagdating ba naman natin sa wastong gulang

Ang pagdedesisyon ay hahayaan pa rin sa magulang?

Anong meron sa yaman niyang taglay

Marahil ay nasilaw ka lang nang tunay

O maaari'y hindi mo pa nakikilala ang pag-ibig mong tunay

Kung kaya'y mga magulang mo'y hinahayaan mo na lang na magpakahusay.

LAKANDIWA

Umaapaw ang dalawang damdamin

Pati ang inyong lingkod ay nahihirapan rin

Sa kung sino sa dalawa ang dapat piliin

Ang mananalo'y sino kung iisipin.

Parehong magagaling sa paglahad ng saloobin

Mayroon na ba kayong pipiliin?

Sa ngayon, hayaan pa natin silang magparinigan ng panig

Upang malaman natin kung sino ang nararapat na manaig.

HAHAYAAN

Aking aaminin na ako'y kasal na

Walang iba kundi sa taong magulang ko ang naghusga.

Ngayon kami ay namumuhay nang sagana

At wala na akong hihilingin pa.

Ito lang ang masasabi ko sa iyo

Ika'y isang tao na tipong walang ulo.

Mas hangad mong maghirap kayong dalawa

E, kung pwede namang maghiwalay at humanap ng iba.

HINDI HAHAYAAN

May tanong akong matindi

Mahal mo ba ang taong sayo'y nakatali?

At teka, aba'y ano naman kung mahirap?

Sa luho lang ba nalalasap ang tunay na sarap?

Kung ako'y walang ulo, paano ka?

Isang taong wala na ngang desisyon para sa sarili'y sa bagito'y nakatali pa.

Pagpasya ng magulang ko'y aking nirerespeto nang lubusan

Ngunit pagdating sa ganitong bagay, iba na ang usapan.

LAKANDIWA

Ikinalulungkot kong sabihin, ang hatol ko'y wala pa rin

Kahit aking paulit-ulit na isipin

Ngayon, gusto ko'y kayo na ang humusga

Sino nga ba ang papanigan sa dalawa?

Hahayaan mo ba o hindi mo hahayaan

Na ang iyong magulang ang magdidikta kung sino ang dapat mong pakasalan?"

Maaari po ba akong humiling sa mga naririyan pa?

Isa namang palakpakan na masagana!

Sa kanilang pinagtaluna'y walang natumba

Kung kaya nama'y kayo na ang bahala

Pagpalain tayong lahat ng ating Diyos Ama!

Maraming salamat po at ako'y magpapaalam na!

Naabot mo na ang dulo ng mga na-publish na parte.

⏰ Huling update: Oct 14, 2010 ⏰

Idagdag ang kuwentong ito sa iyong Library para ma-notify tungkol sa mga bagong parte!

Balagtasan: Mahal Mo o Mahal ng Magulang Mo?Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon