Bangkang Papel
"Balang-araw, magkasama nating tatahakin ang karagatang ito lulan ng barko kung saan ako mismo ang kapitan. Isasama natin sina Itay at Inay. Hindi mo na kakailanganin pang bumili ng maraming papel sa bayan upang magpalutang lamang ng mga bangkang papel at hindi mo na rin pagpupuyatang isipin pa kung ano ang mayroon sa kabilang dako nitong isla," nakangiting sambit ng sampung taong gulang na si Lucas sa kanyang kapatid na si Lianne.
Lumipas man ang ilan pang mahahabang araw, buwan, at taon, sariwa pa rin sa alaala ni Lianne ang pangakong binitiwan ng kanyang nakatatandang kapatid noong mga bata pa lamang sila. Tumutulo ang luhang itinuro niya sa kanyang apat na taong gulang na anak ang paggawa ng isang bangkang papel. Sa bawat pagtupi, sari-saring alaala ang pumapasok sa kanyang isipan.
"Hala! Kuya, tingnan mo! Gusot yung gawa ko! Hindi 'yan maganda! Hindi 'yan lulutang!" Pagbubugnot ni Lianne nang sabihin ng kanyang kuya na ang gawa niya ay maganda na at akma pa sa kanyang edad.
Kahit na nahihirapan dahil sa mga alaalang karugtong ng mga papel, masakit man sa dibdib ay pilit pa rin niyang itinutupi at ipinopormang bangka, bangka na sumisimbolo ng iba't ibang emosyon at mga pangyayaring sa kanyang isipan ay dapat nang kalimutan ngunit ayaw pa ring bitiwan ng kanyang pusong nag-aalangan.
"Inay! Tingnan mo si Kuya! Ayaw na naman ako'ng turuan! Hindi nga kasi ako madaling matuto Kuya!" Inis na sigaw nito nang pakunwaring nagtampo ang kanyang Kuya at ayaw s'yang turuan sa paggawa ng bangka.
Nagdaan pa ang ilang araw ngunit tila hindi talaga matandaan at maintindihan ng batang si Leandro ang paggawa ng isang bangkang papel. Bumuhos na naman ang mga alaala, muling ginigising ang pilit nililimot na nakaraan...
Magdamag na nagtutupi ang batang si Lianne habang ang kanyang ama't ina pati na rin ang kanyang kuya ay malalim na ang tulog.
Bawat pagtupi ng papel ay parang nakasalalay ang buhay niya. Masinsin at maingat ang bawat pagtupi. Kung minsan ay napupunit ang mga papel kung kaya't magsisimula ulit siya sa umpisa, kung saan ay hirap na hirap din s'ya. Nahihirapan sya sa pag-aayos ng tupi dahil magiging kurba kurba ang kalalabasan nito, na sa dulo ay magiging sanhi ng madaling pagkasira nito.
"Kuya, gising, tingnan mo. Nakapagpalutang na ako ng bangka," masaya at tuwang tuwa si Lianne habang ipinakikita ang isang palangganang may nakalutang na bangka. "Sabi ko naman sa'yo eh, matututunan mo ring magpalutang ng bangkang papel."
Lumipad ang kanyang utak sa mga pangyayari noong unang beses syang makapagpalutang ng isang bangkang papel. Hanggang sa muling matuon sa anak niya ang kanyang pansin.
"Anak, matututunan mo rin iyan. At kapag dumating ang panahon, sasakay tayo sa barko. Isang napakalaking barko. Kasama natin ang lola't lolo, at sana... kung sana'y kasama pa natin ang tito mo ay isasama natin siya..." garalgal ang boses na itinuran ni Lianne habang nakatingin sa bangkang papel na may pagkakahawig sa unang bangkang kanyang napalutang.
Tinitigan n'yang mabuti ang kanyang anak at tila nanlalabo na naman ang kanyang mga mata dahil sa isa na naman'g mapait na alaala.
Naalala n'ya ang alaala kung kailan hindi pa s'ya tuluyang marunong bumuo ng bangkang papel, sa panahon kung kailan hindi pa n'ya napeperpekto ang mga bangkang papel.
"Kuya! Malapit ko nang maperpekto ang bangka ko! Hindi man ito maging kamukha ng iyo, masaya pa rin ako, kasi ikaw ang nagturo sa akin ng paggawa ng isang bangkang papel," masiyang sambit ni Lianne habang nilalaro ang panibagong bangkang kanyang napalutang, makikitaan pa rin ito ng iilang lukot bagaman walang pagkakamali sa ayos nito, tanging maliit na lukot na magpapakitang hindi pa ito ganuon kahusay. "Mapeperpekto mo rin 'yan!" Pinapalakas ang loob na sambit ng kanyang kuya.
Muling lumipas ang mga araw at tila unti unting natuto si Leandro at sa huli'y napalutang nito ang bangkang papel nang wala ni isang pagkakamali. Tila perpekto at walang mintis. At habang pinagmamasdan ay panibagong alaala na naman ang isinisigaw ng papel na nakalutang.
"Kuya! Kuya! Tara na! Lisanin na natin ang lugar na 'to! Hindi na tayo ligtas pa, 'wag mo nang iligtas pa ang mga bangkang papel na 'yan!" Mariing sambit ni Lianne sa kanyang kapatid na pilit isinasalba ang mga bangkang papel na gawa nilang dalawa. "Hindi, hindi natin dapat iwan ang mga papel na ito! Mahalaga ito sa'ting dalawa!" kahit na labag sa loob ng batang babae ay pilit niyang inintindi ang kanyang kapatid.
Mapait na napangiti si Lianne sapagkat ang mga bangkang papel na pilit isinalba ng kanyang kapatid ay buhay pa at nakatabi sa malaking tukador kung saan tila nakalutang ang mga papel na bangka sa telang kulay asul, mukhang tunay na tubig na inaanod ang mga bangka. Sa mga alaalang sumisibol ay muling nasariwa ang dahilan ng pagkakahiwalay ng magkapatid.
"Kuya!!! Tayong dalawa na lamang ang naiwan, kaya't wag kang bibitaw!" ngunit anumang isigaw ng batang babae ay tila hirap na hirap na rin ang binata na pigilan ang sariling anurin palayo mula sa bangkang kinalulugaran ng kanyang kapatid, sa lakas ng alon, at sa lakas ng hangin, bumitaw ang kamay ni Lucas sa bangka, hindi na napigilan ng batang babae ang kanyang luha.
"Oh? Bakit umiiyak ang kapatid ko? Sino'ng nagpaiyak sa'yo?" Malamig na boses ang nagpatayo ng kanyang balahibo, awtomatikong nanginig ang kanyang mga daliri habang pinagmamasdan ang nagmamay-ari ng pamilyar na boses. "Ku-kuya Lucas?"
"Ako nga ito, Lianne..."