“Sinong magbabayad?”
Bungad sa’kin ni Nicole na para bang nagpapahiwatig na ako dapat ang magbayad. Ang mahal pa naman ng pinili niyang lugar. Mamahaling coffeeshop. Kung saan ang lahat ng mga malalaki ang sweldo,dito nagkakape. Hindi ko naman siya masisisi, nakasanayan na niya ang ganitong buhay.
Pinili kong sa loob nalang ng coffeshop pumuwesto. Nasa bandang sulok. Kung saan merong dalawang itim na sofa na pang-isahan. Nasa tabi ng salamin na humihiwalay sa loob at labas ng coffeeshop. Sa ganitong pwesto, madaling makita ang tanawin sa labas at medyo pribado dahil malayo sa ibang mesa.
“Haha. Ikaw kaya ang nagyaya dito Nic.Pero sige na nga. Ako na. Hmmm, bakit ka nga pala nagyaya dito? May okasyon?” tanong ko sa kanya.
Medyo nakakabigla lang na magyaya si Nicole kasi hindi niya naman talaga ako pinapansin sa opisina. Oo, magka-opisina kami. Sa totoo lang, schoolmates din kami nung highschool, iskolar ako sa pribadong eskwelahan na pinapasukan niya. Pero hindi niya ata alam na schoolmates kami. Ako lang nakakaalam na schoolmates kami, siya kasi ang prom queen.
“Order muna tayo”, mungkahi niya sa’kin. Di niya na sinagot ang katanungan ko.
“Anong gusto mo?”
“Macchiato.”
Tinanong ko pa. Tuwing magkakape ang mga magka-opisina, yan din ang ino-order niya.
“O sige, ako na ang mag-oorder.”
Pumunta na ako ng counter at dun sumalubong sa’kin ang babaeng naka-apron na kulay brown at nakatatak ang logo ng mamahaling kapehan. Tinanong ang order ko. Dun ko lang napag-isipan na brewed coffee ang gusto ko. Hinintay ko na lang ang order namin para ako na ang magdala sa mesa namin ni Nicole.
Nang pabalik na ako ng mesa, di ko pa rin maiwasang mag-isip kung bakit nagyaya si Nicole. Nakatingin siya sa labas. Parang may iniisip na kung ano. Para siyang isang babae sa music videos ni Christian Bautista. Yung malungkot, tumitingin sa malayo, at tipong di maabot ng mga tulad ko.
Dahan-dahan kong inabot ang kape sa kanya. Tinitigan niya ang kape, inamoy ng dahan-dahan, pumikit ng sandali, humigop ng konti.
“May sasabihin sana ako saýo, ” matamlay na saad ni Nicole.
“Ano yun?” tanong ko na may halong pag-aalala.
“Naalala mo ang company party?”
“Oo naman. Pero dalawang buwan na yun ah. May hang-over pa? Haha,” biro ko pero hindi naman siya tumawa kaya tumahimik na lang ako at uminon ng mainit-init pang kape.
“Ang ibig kong sabihin, what happened after the party...”
“Ah. Ganun ba? Sabi mo ayaw mong pag-usapan yun.”
Napatingin ako sa tasa ko, sa kape ko. Medyo nahiya ako. Parang nakakailang pag-usapan kung anuman ang nagyari nun.
“Well, I don’t want to talk about it pero kasi…kasi…”
Humigop ulit siya ng kape,matagal.. parang ninanamnam ang likido, parang uubusin niya lahat sa isang higop lang.
“Buntis ka Nic?” tanong ko sa kanya sa pinakamahina at malumanay na boses na kaya ko.
Tinitigan niya ako. Tapos napatingin din siya sa kape niya. Hinihimas ang gilid ng puti at porselanang tasa.
“This is not a big issue naman. Don’t worry, hindi ako isa sa mga babaeng maghahabol sa lalaki at ipagsisigawan na panagutan niya ang dinadala ko,” tinitigan niya ako ulit.