Chapter 16

9.3K 188 0
                                    


DEAD on arrival sa ospital ang Lola Guada ni Kimi. Oo nga at hindi malapit ang loob niya sa matanda, pero lungkot na lungkot siya sa pagkamatay nito.

Parang mas may panghihinayang si Kimi ngayon kaysa noong mamatay ang papa niya. Siguro dahil sa hindi niya naiparamdam sa lola niya ang pagmamahal na gustong iparamdam noon pa, samantalang sa papa niya ay buong-buo ang pagmamahal na ipinakita at ipinadama niya mula pagkabata. Kasalanan siguro niya. Kinulang siya sa pagpupursigi. Mas napanaig niya sa sarili ang cliché na: Kung ayaw mo, huwag mo. At dahil laging sinusungitan ng lola niya noon ay hindi niya iginiit.

Sayang talaga. Baka kung dinagdagan pa ni Kimi ang pagsisikap na iparamdam sa Lola Guada niya na gusto niyang maging malapit dito at laging makakuwentuhan ang matanda ay nag-iba ang ihip ng hangin. Baka natibag niya sana ang kasungitan nito. Baka nabuwag niya ang pagiging malayo ng loob ng matanda sa kanilang lahat.

Love begets love. Nabigo ang kasabihang iyon kay Kimi para sa Lola Guada niya. Hindi na sana siya mabigo sa ibang pagkakataong kakatok muli sa kanya.

PINAGDAANAN ni Kimi ang lahat ng mga exam: CGFNS, IELTS, NCLEX. Lahat na ay pinakyaw niyang mag-review at mag-exam sa nakaraang mahigit isang taon mula nang umalis siya sa pagiging private nurse sa mga Miramonte. Upang saan man siya mag-apply ng trabaho, sa US, sa Canada o sa Europe ay maaari siyang matanggap. Mabuti na lang at pinalad siyang pumasa sa lahat ng exam.

Ngayon ay paalis na siya upang tuparin ang isa sa natitira sa dalawang pangarap. Ang pinsan ng mama ni Kimi na si Tita Mary na isang US citizen ang tumulong at nagturo sa kanya para makapag-apply na nurse sa isa sa pinakamalalaking ospital sa New Jersey. Accredited ng POEA ang agency na ibinigay ng Tita Mary niya kaya walang naging problema si Kimi.

Nang mamatay ang Lola Guada ni Kimi at mag-asawa na ang mama niya ay lalong nagpursigi si Kimi na maabot ang pinakaaasam na pangarap. Wala nang ano mang hadlang para hindi niya abutin na makapagtrabaho sa ibang bansa bilang isang nurse.

Isang milyong piso ang ipinamana ni Lola Guada sa kanya, kasama ang lahat ng pearl jewelry nito. Kay Manette napunta ang iba pang mga alahas ng lola niya. Tig-iisang milyon din ang napunta sa mga pinsan niya. Bukod doon ay ipinamana rin sa kanya ng matanda ang isang town house sa Malate. Ang mama niya ay pinamanahan lang ng isandaang libong piso ni Lola Guada, ganoon din ang natanggap na pamana ng dalawang kawaksi. Ang malaking bahay na kinalakhan ni Kimi ay naiwan kina Tita Pia. Hindi napamanahan si Tita Pia ng pera ngunit may tatlumpung libong piso na natatanggap ito buwan-buwan mula sa trust fund na ipinabahala ni Lola Guada kay Atty. Ruiz na siyang trustee.

May palagay si Kimi na kaya naging patas na tig-iisang milyon ang pamana ni Lola Guada sa kanilang magpipinsan at walang ganoong mana si Tita Pia ay dahil ipinabago ng lola niya kay Atty. Ruiz ang testamento bago ito mamatay. Nainis marahil ang lola niya sa pamangkin.

Ang malaking bulto ng kayamanan at mga ari-arian ng matanda ay ipinamana sa ilang chosen charities na bago ito mamatay ay napangalanan na.

Galit na galit ang Tita Pia ni Kimi nang malaman iyon. Lalong nagalit ito nang basahin ni Atty. Ruiz sa will reading na hindi maaaring ibenta ng tita niya ang malaking bahay. Ipamamana lang nito ang bahay sa tatlong pinsan ni Kimi.

Wala nga lang magawa si Tita Pia. Hindi ito direct descendant ng matanda.

Pati kay Kimi ay galit din si Tita Pia. Anong maniobra daw ang ginawa niya sa tiyahin nito para ibigay sa kanya ang town house, ang mga alahas at ang isang milyong piso.

Muntik nang napatulan ni Kimi ang Tita Pia niya kung hindi lang sa maagap na pagpigil ng kanyang ina. Natitiyak niya na sa paghihiwalay nila ngayong wala na ang tanging nagbubuklod sa kanilang si Lola Guada, posibleng hindi na sila makipagkita sa isa't isa kahit kailan.

Nanghihinayang si Kimi. Ang mga ito lang ang matatawag niyang pamilya sa side ng kanyang ama Pero lolokohin lang niya ang sarili kung sasabihin na gusto pang makasama ang mga ito. Mahirap mamuhay sa ilalim ng isang bubong na civil lang ang magiging pakikitungo niya sa mga makakasama, at posible rin na lagi silang magkakairingan. Hindi magiging masarap sa pakiramdam ni Kimi na makasama ang mga ito kung walang harmony at pagmamahalan.

Lahat ng tao ay nangangarap ng tahimik at matiwasay na pamumuhay. Isa na siya roon.

Malaki ang town house kaya ang ibaba niyon ay pinaupahan ni Kimi. Inokupa naman niya ang itaas. Si Ate Zeny ang kasama niya roon. Pagkamatay ni Lola Guada ay hindi na ito namasukan sa mga Tita Pia niya.

Sa bahay na ng stepfather ni Kimi tumira ang mama niya matapos na makasal ang dalawa. Sa palagay ni Kimi ay natagpuan na ng mama niya ang ikalawang glorya sa piling ni Tito Gener. Mababakas sa kilos at mga mata ang kaligayahan sa mama niya, at masaya siya para sa ina.

Huminga siya pagkaupo sa eroplano. America, here I come!

Binuksan niya ang inside pocket ng suot na vest at kumuha ng gummy candy doon.

"Pahingi naman ng gummy bear mo."

Biglang napalinga si Kimi. At naroon, nakangisi, ang lalaking nakaupo sa tabi ng bintana ng eroplano—si Adam.

"Don't tempt me," pilyong sabi nito.

"T-tempt you?" tanong ni Kimi, litong-lito. Bakit naroon ang binata?

"Bibig mo, nakabuka. Baka ma-tempt akong halikan 'yan gaya ng ginawa mo sa akin noon," sabi ni Adam sabay kindat.

Umakyat yatang lahat ng dugo sa mukha ni Kimi.

Adam's Sassy Girl by Dawn IgloriaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon