*Printed Version available for pre-order. Just message me here or on my facebook page. See my profile for links*
CHAPTER 1
Lulan si Heiley Conteza ng eroplano pabalik sa Pilipinas. Bilang contributor writer ng isang teen magazine, nagkaroon siya ng pambihirang pagkakataong makapanayam ang isang sikat na aktor sa South Korea na si Kim Park. Ilang ulit nang tinangkilik ng mga kabataang pinoy ang ilang programang pinagbidahan nito kung kaya naisipan ng pamunuan ng TeenyMag na itampok ito sa susunod na isyu.
Naisipan niyang sipatin ang ilang larawang kuha na kasama ang nasabing aktor sa kanyang sariling digital camera. Walang dudang isa ito sa may pinaka-guwapong mukha sa mga korean star at gustung-gusto niya ang pagiging smiling face nito.
Bagamat nagka-intindihan lamang sila sa pamamagitan ng interpreter ay hinangaan naman niya ang pagiging kampante at diretsahang sagot nito. Ihahanay niya ang mga larawan nila sa scrapbook niyang may pinamagatang 'once in a lifetime'.
Excited at nakangiti niyang in-off ang digicam. Nang maitago iyon ay pumihit siya paharap sa kanan, isinandal ang dalawang kamay sa armrest ng kinauupuan at pinagmasdan ang mga ulap sa labas ng bintana. Maaaninag sa maaliwalas niyang mukha at aura ang kapanatagan at kakuntentuhan sa buhay.
Ulila na siya sa ama at namumuhay na lamang kasama ang ina at nag-iisang kapatid na lalake. Bakas sa maaliwalas niyang mukha na hindi siya gaanong nakaranas ng paghihirap kung ikukumpara sa karamihan. Masasabi niyang masuwerte siya at hindi ganoon kabigat na mga suliranin ang kanyang pinasan. Marahil, dahil na rin sa pagiging peaceful lover kaya madalas niyang iiwas ang sarili sa maaaring magsuong sa kanya sa hindi magandang sitwasyon.
Kapag tumitimbang siya ng suliranin mas pinipili niya ang mas madaling solusyon sapagkat hindi siya mahilig mag-risk. Hindi siya adventurous. Walang masyadong thrill ang buhay niya. Ika nga ng marami, boring.
Well, kung career ang pag-uusapan, masasabi niyang hindi naman ganoon kaboring ang buhay niya. Marami siyang nakakasalamuha. Iba't-ibang uri ng tao sa magkakaibang antas ng pammumuhay. Madalas siyang bumiyahe dahil hinihingi ng trabaho hindi dahil trip niya lang. Marami rin siyang natututunan sa mga research na ginagawa niya kung kinakailangan sa artikulong nakaatang sa kanya.
Kung lovelife naman ang pag-uusapan, sa kasalukuyan ay bitlog siya. Zero lovelife kungbaga. Minahal naman niya ang mga nakarelasyon dati pero tanggap niya ang kasabihang kung hindi ukol hindi bubukol. Parating bukas ang puso niya sa anumang posibilidad para ma-inlove at hangga't hindi pa dumarating si Mr. Right, hindi siya mapapagod mag-antay.
Hindi mapagkit ang tingin ni Zeck sa mukha ng katabi. Bibihira lang siyang makakita ng ganoon kaaliwalas na mukha ng isang tao. Tila walang problema ang babaeng abala sa pagmamasid sa tanawing nasa labas ng bintana, nasisiyahang pinanonood ang mga ulap.
Pinilig niya ang ulo.
Sumandal at pumikit.
Marami ang mapagbalatkayo sa paligid. Iyon ang katagang parating pinapaalala niya sa kanyang sarili. Maaaring sa likod ng maaliwalas na mukhang iyon nagtatago ang isang mabigat na suliranin. Karamihan sa masasayahing tao ay dumaranas ng matinding kabiguan na nagagawa lamang ikubli sa maskara ng isang masayahing mukha.
Bigla siyang nakaramdam ng pagkayamot.
Galit siya sa mga taong mapagpanggap. Ano man ang rason at sa paano mang paraan ng pagpapanggap. Para sa kanya larawan pa rin iyon ng hindi pagiging totoo.
Naglaro sa isipan niya ang nakaraan...
Pinilig-pilig niya ang ulo. Hindi na dapat binabalikan ang pangit na pangyayari.
BINABASA MO ANG
MANIPULATED LOVE AFFAIR
RomancePuno ng kapanatagan at kakuntentuhan sa buhay si Heiley Conteza nang biglang guluhin ng mga Santillan ang nanahimik niyang buhay. Hindi naging maganda ang unang engkuwentro niya sa isa sa mga iyon. Si Zeck Santillan na ubod sama kung makapag-insulto...