CHAPTER THREE

3.9K 126 25
                                    

ISANG nilalang ang hindi makatulog ng gabing iyon. Ginagambala siya ng utak niya na samo’t sari ang naglalaro. Mga imaheng hindi maalis-alis doon na para bang kahit anong gawin niya ay hindi na mawawala. Bumangon siya sa kinahihigaan at dumungaw sa bintana. Tumingin siya sa madilim na kalangitan. Matagal pa bago lumabas ang araw at mahaba pa ang gabi. May gusto siyang gawin na kanina pa isinisigaw ng utak niya.

Kunin mo ang matalim na kutsilyo. Lumabas ka at humanap na papatayin! Kunin mo ang kaniyang puso gaya ng dati! Mga salitang umaalingawngaw sa loob ng kaniyang ulo.

Paulit-ulit at talagang hindi siya papatulugin. Alam niya iyon. Hindi na bago sa kaniya ang eksenang ito at maging ang mga boses na kaniyang naririnig.

Kunin mo ang matalim na kutsilyo. Lumabas ka at humanap na papatayin! Kunin mo ang kaniyang puso gaya ng dati!

Napahawak ang dalawang kamay niya sa kaniyang ulo. “Oo na! Oo na! Gagawin ko na! Tumigil na kayo!” Napaupo siya sa sahig habang tumatangis. Hindi talaga titigil ang mga boses kapag hindi niya pinagbibigyan sa gustong gawin niya.

Ang pagtangis niya ay unti-unting napalitan ng pagtawa. Tawa na naging halakhak. Kung may ibang tao lamang na makakakita sa kaniya, iisipin na siya ay nasisiraan na ng ulo. Naglaho ang tawa habang marahan siyang tumatayo. Pumunta siya kung nasaan ang kutsilyo—nasa aparador. Natatakpan ng kaniyang mga damit. Kinuha niya ang kutsilyo at akala mo ay isang napakahalagang bagay niya iyong tiningnan. Kumikislap pa ang talim niyon. Halos isa’t kalahating dangkal niya ang haba niyon. Ang tanganan ay kulay itim na yari sa matigas na uri ng plastik. Sakto lamang ang taba niyon sa kaniyang kamay. Hindi dumudulas kapag ganiyang hinahawakan. Alam niya na sobrang talas niyon dahil palagi niya iyong hinahasa. Para handa siya kapag naririnig niya ang ang mga boses.

Nagpalit siya ng damit. Itim na sando na pinatungan niya ng itim na jacket. Pantalong itim at sapatos na ganoon din ang kulay. Inayos niya ang buhok at nagsuot siya ng kulay itim din na cap. Itinago niya ang kutsilyo sa bulsa na nasa loob ng jacket.

Lumabas na siya ng bahay at naglakad-lakad. Wala nang katao-tao sa labas. Nagtahulan ang mga aso nang mapadaan siya sa isang bahay na maraming aso.

Malikot ang kaniyang mga mata at nilalakasan niya ang kaniyang pakiramdam. Kung sino ang unang makita niya ay iyon ang kaniyang bibiktimahin.

Bilisan mo na. Gusto na naming makita na pumapatay ka!

Gamitin mo ang kutsilyo! Pumatay ka!

“Tumigil na kayo! Gagawin ko na nga ang gusto ninyo!” Makailang ulit niyang pinukpok ang ulo gamit ang nakakuyom na kamao bago nawala ang mga boses.

Humihingal siya pagkatapos kahit wala pa naman siyang ginagawa. Marahan siyang umayos ng tayo at may sumilay na nakakatakot na ngiti sa kaniyang labi. Nangangati na ang kamay niya na gamitin ang itinatagong kutsilyo. Gusto na niyang isaksak iyon sa laman ng tao tapos paghugot niya ay may sasamang malapot na dugo sa talim niyon. Kakaibang saya rin ang naibibigay sa kaniya ng nakakangilong tunog kapag kumiskiskis at tumatama ang kutsilyo sa buto ng tao. Pero wala nang mas hihigit pa sa kasiyahan niya sa tuwing winawakwak na niya ang dibdib ng isang tao. Tapos unti-unti niyang hihilahin ang puso nito at isa-isang mapuputol ang ugat na nakakabit doon!

Sandali niyang ipinikit ang mga mata at pinuno ng panggabing hangin ang dibdib. Pagkuwa’y marahan niya iyong ibinuga. Kinakalma niya ang kaniyang sarili. Ilang sandali pa nga ay normal na ang kaniyang paghinga. Nag-umpisa na siyang maglakad-lakad.

Malaki ang naitutulong ng gabi para makakilos siya ayon sa gusto niya. Nagagawa niyang ikubli ang sarili sa kadiliman.

Maya maya lang, habang naglalakad siya sa isang kalsadang walang gaanong bahay ay may nakita siya sa unahan niya na isang lalaki na pagewang-gewang ang paglalakad. Alam niyang lasing ito dahil sa paraan ng lakad nito. Medyo nalungkot siya dahil kapag lasing ang isang tao ay hindi ito nakakalaban nang maayos. Gusto pa rin kasi niya iyong nahihirapan siya kahit papaano. Iyong hahabulin niya ito hanggang sa mapagod ito. Tapos kapag naabutan niya ay brutal niya itong papatayin gamit ang kutsilyo. Pakiramdam niya ay sulit ang pagod niya kapag ganoon.

V-DayTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon