“RAF, kalimutan mo na ako, please…”
“'Wag naman… H-hindi pwede…”
“Mahal kita pero tama na.”
“Tin, huwag mo akong iwan…”
Tuluyan nang napahagulhol si Susan sa eksenang iyon nina Liza Soberano at Enrique Gil sa pelikulang pinapanood nila ni Vergel. Nasa pinaka unahan silang row ng mga upuan dahil pagpasok nila kanina ay kakaunti na lang ang bakanteng upuan. Sa may unahan na lang ang nakita nilang bakante. Kaya naman halos nakatingala na silang dalawa.
Umagos na ang luha niya at napasinghot siya. Talaga namang tumatagos sa puso niya ang linyahan ng LizQuen. Damang-dama niya ang sakit na nararamdaman ni Enrique Gil nang iwanan ito ni Liza Soberano. Mababaw langa ng luha niya kaya napaiyak na lang siya. Wala siyang pakialam kung marinig man ng nasa likuran nila ang pag-iyak niya.
“Panyo?” Napatingin siya kay Vergel nang abutan siya nito ng panyo.
“Thank you.” Pinahawak niya muna dito ang fries at kinuha niya ang panyo. Pinunasan niya ang luha sa kaniyang mata at siningahan ang panyo ni Vergel. Tumutulo na kasi ang uhog niya kanina pa.
Ibabalik niya sana kay Vergel ang panyo pero tinanggihan nito iyon. “Huwag na. Sa iyo na iyan. Remembrance…” Kahit madilim ay hindi nakaligtas sa mata niya ang pagngiwi nito. Hindi naman niya alam kung bakit.
Matapos ang halos dalawang oras ay natapos na rin sa wakas ang pelikula. Hinintay muna nila na makalabas ang ibang tao. Nang kakaunti na ang nasa loob ay saka sila lumabas na dalawa. Nagustuhan naman ni Susan ang pelikula ng LizQuen iyon nga lang sobrang nanakit ang batok niya sa pagtingala.
“Grabe 'yong movie ng LizQuen, 'no? Nakakaiyak. Ang sakit-sakit sa puso,” komento ni Susan nang naglalakad na sila palabas ng sinehan.
“Oo nga. Iyak ka nang iyak kanina, e.”
“Pasensiya ka na, ha? Mababaw lang talaga ang luha ko sa mga ganiyang movie.” Napahawak siya sa batok. “Ang sakit nga lang ng batok ko. Ang pangit ng pwesto natin. Sa unahan ba naman.”
“Alam ko na ang susunod nating gagawin, Susan!” turan ni Vergel. “Magpa-massage na lang muna tayong dalawa. Meron dito sa mall. Iyong mga bulag ang nagmamasahe. Sa pagkakatanda ko, dito lang din iyon sa third floor, e. Ano? Gusto mo ba ang naisip ko?”
“Ay, sige! Gusto ko iyang pa-massage na naisip mo. Para naman mawala itong pananakit ng mga batok natin. Mura lang naman doon, 'no?” Sinisiguro lang niya na kasya pa ang perang meron siya.
“Mura lang doon. Saka ako na ang bahala. Libre ko naman dahil ako ang nag-aya.”
“Kung mura lang naman, ako na lang magbabayad ng sa akin, Vergel. Nakakahiya naman sa iyo at baka isipin mo na palibre ako masyado.”
Umiling si Vergel. “Hindi. Wala akong ganoong iniisip. Gusto ko lang talaga na nililibre ang babaeng mahal ko. At ikaw iyon, Susan.” Tumingin siya dito at tumingin din ito sa kaniya. Matipid itong ngumiti sa kaniya na halos ikalaglag na ng panty niya. Sadyang ang gwapo naman kasi ni Vergel kapag ngumingiti ito kahit kaunti lang.
Sa sobrang kilig ni Susan ay hindi na siya nakapagsalita pa.
May nakitang security guard si Vergel at dito ito nagtanong kung nasaan ba iyong massage parlor na mga bulag ang nagmamasahe. Itinuro naman ng security guard sa kanila ang hinahanap at agad naman nila iyong nakita. Doon ay nagpamasahe sila at bulag ang nagmasahe sa kanila. Sarap na sarap si Susan sa masaheng ginagawa sa kaniya. Bulag man ang mga nagmamasahe sa kanila ni Vergel at tila daig pa ng mga ito ang mga walang kapansanan na nagmamasahe. Sobra siyang narelax kahit tapos na ang pagmamasahe sa kanila. Parang gusto pa niyang magbayad ulit at doon na lang siya hanggang sa magsarado ang mall. Hindi nga lang pwede dahil gusto pa ni Vergel na maglakad-lakad sa mall.
BINABASA MO ANG
V-Day
TerrorDapat mo nga bang pagkatiwalaan ang isang tao na nakilala mo lang online? Hahayaan mo bang ikaw ang kasunod na biktima niya o lalaban ka ng patayan? Ito ang Valentine's Day na hinding-hindi malilimutan ni Susan!