Nang Minsang Gumala si Rizal

761 14 8
                                    

            Kung maalala ko nang tama, nangangahulugan ang dekonstruksyon ng pagsira sa tunay na kahulugan ng isang bagay at muling pagbuo nito. Para sa akin ay may kahirapan itong intindihin. Ngayon, isang malaking hamon sa akin na subukang basagin ang pagkakakilala ko kay Rizal at muli itong bigyang-kahulugan.

Mga retaso ng damit

            Noon ay nagpalabas kami ng presentasyon ukol sa pagkakakilala kay Rizal gamit ang iba’t-ibang larangan tulad ng babasahin, iskultura, kwentong-bayan, at iba pa. Maraming naging interpretasyon kay Rizal, at ang lahat ng mga iyon tila isang damit na binuo lamang ng retaso, walang iisang uri ng tela, at hinabi lamang upang mabuo at magamit. Maaaring ganito rin  ang kahantungan ng imahe ni Rizal sa mga darating na henerasyon. Isang magandang damit na binuo mula sa retaso.

Mga basag na salamin

Marahil, kung ako si Rizal at suot ko ang damit na iyon ay maiiilang ako. Sa aking pagharap sa salamin ay maaari ko pa iyong mabasag dahil sa maling pagkilala at paratang sa akin. May mga nirerespeto ang aking kahusayan sa pagsusulat; may patuloy na nagsasabing wala akong ginawa para sa bansa; at may itinuturing akong ‘Ama’. Ang lahat ng mga bagay na ito ay hindi ko naman ginusto sa simula pa lang. Ang akin lamang ay ang pag-asang lumaya ang bansa. Ngunit sa muli kong pagharap sa salamin ay nakita ko ang mga retasong bumubuo sa damit na aking suot. Mga retasong sumisimbolo ng napakaraming ako.

Hindi ko naman maikakaila na sa lawak ng imahinasyon ko bilang estudyante ay naisip kong binasag ni Rizal ang salaming iyon. Sa pagkabasag nito’y makikita ni Rizal ang pagdami ng kanyang repleksyon. Sino ka nga bang tunay, Rizal?

Sa aming pinaglumaang bahay

Sa muli kong pagbalik sa bahay namin sa Calamba ay nakita ko ang isang malaking telang gawa sa retaso na nakapatong sa isang bagay na medyo kasingtaas ko. Sa muling pagbalik ng aking mga alaala ay tinanggal ko ang hinabing retasong iyon upang makita ang nasa likod nito. Laking gulat ko na lang nang makita ko ang sarili sa harap ng isang lumang salamin.

Isang batang Rizal ang kaharap ko bagama’t ako’y nasa trenta anyos na. Nakangiti sya at may hawak na munting libro na dating kong binabasa. Nakaramdam ako ng mainit na pag-agos ng luha na kinailangan kong pahirin. Nang pagtingin kong muli sa salamin ay nakita ko naman ang sarili noong panahong ako’y umiibig pa. Ang laki na ng pinagbago ng aking hitsura. Mababakas sa kabataan ko noon ang kalakasan at kasiyahan sa buhay, ngunit sa dami ng aking pinagdaanan ay tila gumuhit na sa aking mukha ang mga naranasang hirap.

Sa pagnanasang muling makilala ang sarili ay sinubukan kong yakapin o ‘di kaya ay hawakan man lamang ang aking dating pagkakakilanlan. Ngunit nang papalapit na ako ay humangin ng malakas at nabagsak nito ang malaking salamin at nabasag. Muli akong napatingin sa mga basag na salamin, na ang ilan ay nasalo ng telang gawa mula sa retaso.

Sino nga ba ako para sa aking mga naiwan? Mananatili ba akong walang sariling pagkakakilanlan? Hindi. Dahil anu at anu pa man ang mangyari, ako pa rin ay mananatiling si Rizal, si Pepe, si Crisostomo Ibarra, si Simoun, at iba pa sa aking mga naiwan.

Sa bawat tao ay may naiwang isang Rizal na para sa kanila ay natatangi – ang Rizal na balang araw ay matatagpuan rin nila sa kanilang sarili.

Nang Minsang Gumala si RizalTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon