Dear Sister Jannah,
Maraming salamat sa paganyaya mo na maibahagi ko ang aking karanasan upang magsilbing inspirasyon sa ating mga kapwa Muslim.
Ako si Norhannah, ipinanganak ako sa Pikit Cotabato noong February 10, 1989. Pang-lima ako sa anim na magkakapatid kung saan apat ang lalaki at dalawa lamang kaming mga babae. Taong 2001 nang maghiwalay ang aming mga magulang. Ang apat naming mga kuya ay naiwan sa Cotabato kasama ng aking ama habang kaming mga babae, ako at ang bunso kong kapatid, ay isinama ng aking ina nang siya ay lumipat sa Karomatan SND Lanao Del Norte. Doon nakapagtrabaho ang aking ina at nakapagumpisa ng kanyang panibagong buhay. Sa Lanao Del Norte na ako nakapag high school, ganundin ang aking bunsong kapatid.
Nasa third year high school ako noon, sa Andres Bersales Sr. National High School, ng maging kaklase at kaibigan ko si Mark, isang kristiyano. Naging mabait at maalaga siya sa akin, tinutulungan niya ako sa mga projects at assignments ko sa school. Nahulog ang loob ko sa kanya at kahit na alam kong mali ang magmahal ako ng isang kristiyano ay hindi ko napigilan ang aking damdamin.
Isang araw, habang naglalakad kami ni Mark galing sa eskuwelahan ay nakita kami ng aking pinsan. Wala naman kaming ginagawang masama ngunit nagalit agad siya sa amin at pinagbantaan nya si Mark na bubugbugin kapag muli pa niya kaming makitang magkasama. Isinumbong pa niya ako sa aking ina. Yon ang naging unang heartbreak ko Sister Jannah. Hindi ko pa alam noon ang tunay na dahilan kung bakit bawal sa akin bilang muslim na babae ang makipagrelasyon sa isang lalaki, lalo pa at sa isang kristyano na katulad ni Mark. Nagalit sa akin ang aking ina at pinagbawalan akong makipagmabutihan kay Mark. Pinagbantaan ako ng aking ina na pahihintuin sa pagaaral at pauuwiin sa tatay ko sa Cotabato kapag hindi ko itinigil ang para sa kanila ay kalokohan ko. Nagrebelde ako sa sobrang sama ng loob. Lingid sa kaalaman ng aking ina ay hinuhubad ko ang aking hijab kapag ako ay nasa eskuwelahan na at patuloy akong nakipagmabutihan kay Mark. Kalaunan ay napansin kong siya na mismo ang lumalayo sa akin. Hinigpitan na rin pala siya ng kaniyang mga magulang na ayaw na ayaw nga sa akin dahil ako ay Muslim. Hanggang makagraduate kami ay hindi na siya muli pang lumapit sa akin. That time sobra akong nasaktan at kinainisan ko kung bakit pa ako naging Muslim. Naisip ko, siguro kung kristiyano lamang ako katulad ni Mark ay naging masaya kami sa aming pagmamahalan. Sa ganito sinira ng Shaytan ang noon ay napakaliit na Iman na meron ako.
Taong 2006 nang magkaasawang muli ang aking ina at kami ay lumipat sa Barangay Suarez sa Iligan. Isa siyang Maranao at tinawag namin siyang Bapa Kahar habang ang aking ina ay tinawag na naming Ummi mula sa dating tawag namin na mama. Sa pagdating ni Bapa Kahar sa aming buhay ay maraming naging pagbabago. Isa siyang mabait at iginagalang na Ustadh sa aming lugar, byudo at may 3 anak na siya lamang magisa ang nagpalaki hanggang sa lahat sila'y makatapos ng pagaaral. Mataas ang Iman ng aking Bapa Kahar at mahal na mahal niya ang aking ina. Mula noong sila ay ikinasal palagi ko nang nakikitang masaya si Ummi. Kapag sasapit na ang oras ng pagdarasal at nasa bahay kami ng aking kapatid ay isinasabay niya kami, pati na si Ummi, sa kanyang pagsasambahayang (salah). Siya ang aming Imam. Sa madalas na pagkakataon naman na kami ay nasa eskuwelahan ay magisa syang pumupunta sa masjid upang doon magsambahayang. Dahil sa mga pagbabagong ito ay unti unti akong nakaramdam ng guilt dahil hindi pa rin ako nagkukumbong o nagsusuot ng hijab sa loob ng aming eskuwelahan. Hinuhubad ko pa rin ito kapag ako ay pumapasok na sa aming unibersidad, nasa kolehiyo na ako noon sa Mindanao State University-IIT. Dito ko nakilala si Johayra, ang taong hindi ko inakalang magiging bestfriend ko habang buhay.
Si Johayra ay isang Maranao na Hijabi o yong taong permanenteng nakasuot ng hijab kahit saan man siya pumunta at ano man ang kanyang ginagawa. Hindi nya pinahihintulutan ang anumang excuse para hubarin ang kaniyang hijab at kahit sa aming PE subject na swimming ay nakasuot pa rin siya nito. Hindi niya alintana kahit na minsan ay pinagtatawanan o pinagtitinginan na siya ng mga tao. Wala akong nakitang galit o pagkainis man lang mula sa kanya. Naging mabait sa akin si Johayra at lalo pa siyang naging malapit sa akin nang malaman niyang Muslim din ako. Sa totoo lang Sister Jannah hindi ko naman napapractice ang pagiging muslim ko kapag nasa labas ako ng aming bahay. Kaya minsan ay nahihiya rin ako kay Johayra kapag kasama ko sya. Minsan, noong kami ay kumain sa canteen, gumamit ako ng kutsara at tinidor kahit hindi ko ito nakasanayan dahil sa aming bahay ay hindi naman ako nagkukutsara at tinidor. Nahihiya ako na kumain ng nakakamay lamang kapag may ibang tao sa paligid ko. Nagulat ako nang makita kong nagkamay lamang kumain si Johayra. Nakita niyang pinagtitinginan siya ng mga estudyanteng katabi namin ngunit ngumiti lamang siya at hindi nagalit. Pagkatapos naming kumain ay isa isa pa niyang isinubo ang mga daliri ng kanyang kamay. Halos matunaw ako sa kahihiyan. Pero nagulat ako nang ipinaliwanag niya sa akin na ang kanyang ginawa ay Sunnah o gawain ng Propeta Muhammad kaya ito ay sinusunod niya, at lalo akong namangha nang sabihin nyang proven ng science na ang dulo ng ating mga daliri ay may enzymes na nakakatulong sa ating kalusugan. Pati na ang mga nakapaligid sa amin ay humanga kay Johayra habang patuloy niyang dinidiscuss ang mga bagay na sinabi sa Qur'an at itinuro ng Propeta Muhammad na lahat kalaunan ay napatunayang tama ng science. Napaisip ako Sister Jannah. Ang dami ko palang hindi alam sa relihiyon ko.
BINABASA MO ANG
Siya Ba Ang Dahilan
Historia Corta"Siya Ba Ang Dahilan" is my first featured story in DEAR SISTER series. This is a life shared to us by a born-Tausug woman, Norhannah, who grew up in Lanao Del Norte and eventually found the real way of Islam as she immersed to the teaching of her M...