I wrote this short story months ago. Take time to read if you're interested. :D
Author's Note: The name of the persons, places and scenes are purely fictitious. Any resemblance to any person's personal life is purely coincidental.
P.S. This story is inspired by Eros Atalia's book. (Isandaang Dagli ata yun)
LIGAW
Kakaibang kaba ang nararamdaman ko. Tila maalinsangan ang paligid sa kabila ng manaka-nakang pag-ulan nitong mga nakaraang araw. Nag-uunahang tumagaktak ang mga pawis sa aking katawan at maalintana ang pamumutla ng aking mukha. Dinig ko ang sunud-sunod na pagkabog ng aking dibdib na kalauna'y biglang sisikip. Tutuloy ba ako o hindi?
Sa kauna-unahang pagkakataon ay nagawa kong tunguhin ang tahanan ni Tonya, ang babaeng matagal ko nang lihim na iniibig. Sa kauna-unahang pagkakataon ay nagkaroon ako ng lakas ng loob na humarap sa kanya matapos ang ilan ding taong pagkimkim sa aking damdamin.
Suot ang puting polong sinadya kong bilhin para sa noon ko pang balak na pag-akyat ng ligaw sa kanya, na pinarisan ng maong na pantalon, na kapwa may kalumaan na, buong-tapang kong iginiya ang aking sarili sa pinto ng bahay nina Tonya na sadyang binuksan ng gabing iyon para tumanggap ng mas marami pang bisita.
Sinalubong ako ng kanyang ina at isang pilit na ngiti ang ipinambati nito sa akin. Masuyo kong inabot sa ginang ang isang bungkos ng puting rosas na para sa pinakamamahal kong dalaga. Kasunod nito ay ang pagdaloy ng luha sa aking pisngi dulot ng matinding pagdadalamhati, at sa maraha't mababang tinig ay nasambit ko, "Nakikiramay po ako..."