BAHAY-BAHAYAN

4.5K 3 0
                                    

NOTE: THIS LITERARY IS RATED SPG(Slight Parental Guidance)

BAHAY-BAHAYAN

Ako si Carla, labintatlong taong gulang. Mas kilala ako sa tawag na Tisay dahil likas akong maputi. Bata pa lang ako ay tampulan na ako ng tukso, mapabata man o matanda. Ang sabi nila anak lang daw ako sa disgrasya. Hindi ko alam kung bakit ganun ang sinasabi nila dahil sa totoo lang hindi ko sila maunawaan.

Ang sabi ni Mama'y namatay sa giyera si Papa, sundalong Kano daw kasi siya. May duda akong hindi iyon totoo pero hindi ko na lamang siya kinukulit tungkol sa bagay na iyon dahil ayaw kong pag-initin ang kanyang ulo.

Hindi kami magkasundo ni Mama. Madalas niya akong saktan. Magaan ang kamay niya sa akin kaya madali niya akong napagbubuhatan ng kamay.

Kay Lola Luming ako lumaki, nanay ni Mama. Mula raw pagkapanganak ni Mama ay siya na ang nag-aruga at nag-alaga sa akin. Pero ni minsan ay di niya ako nagawang bisitahin.

Isang araw namatay si Lola kaya napilitan si Mama na alagaan ako. Sa kanya ako tumira, at sa kanyang poder, hindi ako kailanman nakaramdam ng pagmamahal ng isang ina.

Sa tuwing uuwi siya galing sa paglalabandera sa mga kapitbahay, masuyo ko siyang pinagsisilbihan. Ipinagluluto at ipinaghahanda ko siya ng pagkain. Isang bagay na ni minsan ay hindi niya nagawa sa akin. Pero ayos lang. Nanay ko siya, kaya't mahal ko siya sa kabila ng lahat.

Dahil sa panunukso't panunuya sa akin ng mga tao, lumaki akong mahiyain. Hindi ako lumalabas ng aming bahay at ni minsan ay hindi ko nadanas na makipaglaro sa mga batang kaedad ko.

Hanggang sa dumating sa buhay namin si Tiyo Juancho at si Kuya Kardo.

Walong taong gulang ako noon ng mag-asawa ulit si Mama. Nagsama sila ni Tiyo Juancho. At si Kuya Kardo, anak niya sa unang asawa.

Noong una ay masaya kami, lalo na ako. Sa pagdating nila ay nagkaroon ako ng kalaro, sa katauhan ni Kuya Kardo.

Walong taon ko ring nakaligtaan ang buhay bilang bata, at siya ang tumulong sa akin upang ibalik ang mga nasayang na panahon.

Naging mabait siyang kuya sa akin, at dahil sa kanya, naramdaman ko ang kaligayahan. At siya, sa pakiwari ko ang unang nagbigay sa akin ng pagmamahal, maliban kay Lola Luming.

Masaya siyang kalaro kahit na disiotso anyos na siya noon. Oo, sampung taon ang agwat ng aming mga edad. Pero sa kabila niyo'y nagpakabata siya para sa akin, na kapatid niya.

Kami lang kasi ang madalas na maiwan sa bahay dahil umaalis si Mama at si Tiyo para magtrabaho.

Madami kaming nilalaro, pero may isa siyang paborito sa lahat. Ang BAHAY-BAHAYAN.

Siya ang ama at ako ang ina. At siya ang nagmulat sa akin sa maraming bagay.

Noong simula ay literal na larong bahay-bahayan ang aming ginagawa, pero nagbago ang lahat matapos lumipas ang ilang buwan.

Nagbago si kuya. Halos hindi ko na siya makilala. Sa tuwing maglalaro kami ay may kung ano siyang sinisinghot sa isang palara ng sigarilyo. Dahil bata pa ako ay wala akong alam. Ang tanging alam ko ay maglalaro kami ng bahay-bahayan. Siya ang ama at ako ang ina.

Sa tuwing ginagawa niya iyon ay nag-iiba siya. Nagiging marahas siya, at mapusok, at nakakatakot.

"Wag kang matakot, hindi kita sasaktan.", parati niyang sinasabi sa akin. At sa mahina't mababa niyang tinig ay nangingilabot ako. Hindi ko alam pero nakadama ako ng takot.

"May gagawin tayo. Di ba ang mag-asawa dapat may anak?"

At doon na nga nagsimulang lumaganap ang takot sa aking dibdib.

Paulit-ulit niyang binabanggit iyon sa akin. Noong una'y ayaw ko. Kahit bata pa ako ay may muwang na rin naman ako kahit papaano. Pero hindi ko nagawang tumanggi dahil anumang oras ay maaari niyang isaksak sa mura kong katawan ang patalim na hawak niya. At doon, lalo akong kinilabutan.

Araw-araw kaming naglalaro ni Kuya ng bahay-bahayan. At dumating sa puntong ayaw ko na. Nagsawa na ako. Ayaw ko nang maging ina. Ayaw ko nang maging asawa.

Paulit-ulit ang kahalayang iyon. At kami lang ni Kuya ang tanging nakakaalam ng laro.

Paulit-ulit akong umiiyak. Ayaw ko nang talaga. Pero takot ako sa patalim ni Kuya.

Hinihintay ko parating sumapit ang gabi para matapos na ang laro. Para maging bata na ulit ako at matapos na ang ginagampanan kong karakter.

Ayaw ko nang matapos ang gabi. Ayaw ko nang maging nanay muli sa kinamumuhian kong laro. Pero sa huli, darating pa rin ang umaga at muli na naman akong magsisilbi sa aking 'asawa'.

"Kuya, tama na po.", humihikbi kong pakiusap. Pero tila demonyo siyang walang naririnig.

Sa tuwing maglalaro kami ay lagi akong umiiyak. Nilulukob ng takot ang buo kong pagkatao.

"Wag kang matakot, hindi kita sasaktan."

Kinamumuhian ko ang linyang iyon ni kuya. Kinamumuhian ko siya. Pero wala akong magawa. Mas natatakot ako sa kanyang patalim na anumang oras ay maaaring tumapos sa aking buhay.

Lumipas ang limang taon. Nagpatuloy ang aming laro. Ang kinamumuhian kong laro. Ako bilang ina, at siya bilang ama.

Sawang-sawa na akong maglaro ng bahay-bahayan kasama si kuya. Ayoko nang ipagpatuloy ang kahalayang gingagawa niya sa akin.

Isang araw, hindi ko na natiis pa. Umayaw na ako sa laro at buong tapang na tumanggi sa kanyang gusto.

Ayaw niyang umayaw ako. Sa ayaw at sa gusto ko raw ay tatapusin namin iyon, dahil kung hindi'y mamamatay ako.

Hindi ako nagpadala sa takot, bagkus, naitulak ko siya. Nabitawan niya ang patalim kaya't nadampot ko iyon. Walang habas ko siyang pinagsasaksak. Naitarak ko sa kanya ang patalim na limang taon niya ring ipinambanta sa aking buhay.

Lumatak ang dugo mula sa kanyang dibdib. Bumulagta si kuya sa sahig. At matapos ang ilang minuto ay di ko na siya naramdaman. Naisip kong wala na siya. Napatay ko si kuya. Wala na ang ama. At sa wakas, tapos na ang laro.

Dinala ako sa presinto. Pero wala akong maisagot sa interogasyon ng mga pulis. Wala na akong pakialam. Pulos luha't hikbi na lamang ang aking naisagot. Hindi naman ako natatakot makulong, dahil ang totoo'y matagal na akong nakakakulong sa takot at karuwagan. Pero ngayo'y tuluyan na nga akong lumaya sa pagkawala niya.

Hindi ako nakulong dahil menor-de-edad umano ako. Dinala nila ako sa DSWD at hanggang ngayon ay nasa ilalim ako ng kanilang pangangalaga.

Ilang buwan ang lumipas, may natuklasan ako. Ang matagal ko nang kinatatakutan ay nagkatotoo.

BUNTIS AKO. At si kuya ang ama. Wala akong nagawa kundi ang lumuha at magalit sa mundo.

Buong akala ko, sa pagkamatay niya ay tapos na ang laro. Pero parang nagsisimula pa lang ang totoong bahay-bahayan.

Nagbunga ang laro namin ni kuya. At sa pagkawala niya, ipagpapatuloy ko ang pagganap sa aking karakter bilang ina. Pero hindi na sa isang laro, kundi sa totoong buhay. Hindi na ako bata. Kaya kailanman ay hindi ko na maaaring laruin ang bahay-bahayan.

Naabot mo na ang dulo ng mga na-publish na parte.

⏰ Huling update: Sep 17, 2014 ⏰

Idagdag ang kuwentong ito sa iyong Library para ma-notify tungkol sa mga bagong parte!

SHORT STORIESTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon