9 years old ako noon at gaya ng ibang bata, curious at mahilig maglaro sa labas, mga early 90's pa ito nangyari kaya wala pang mga gadgets noon na pwedeng paglibangan. Kakagising ko lang noon galing sa pagtulog sa tanghali, hindi kasi ako pinapayagang lumabas ng lola ko pag hindi ako natulog.
Wala pa ang mga kalaro ko noon kaya nag desisyon akong sa labas na lang maghintay. Namamasyal ako sa likod bakuran namin na sukal ng puno at halaman, bihira ako pumunta doon kasi nga sabi ng lola ko may mga "bantay" daw, pero siyempre matigas ang ulo at naiinip, nagtungo pa din ako doon.
Habang naglalakad sa bakuran,may nakita akong isang magandang bulaklak, nagiisa lang kasi siya sa sulok kaya pansin mo agad siya. Pinitas ko ito at naglaro ng "She loves me not" hanggang sa maubos ko ang mga petals nito. Natapos ang maghapon ng walang nangyari, naglaro kami ng mga kalaro ko at nagsi-uwian na sa pagdilim.
Kaya lang.
Mahimbing na akong natutulog noon, tantya ko mga alas-3 na ng madaling araw. Nagising ako sa mga malalakas na yabag na nanggagaling sa bubong, nasa tapat kasi ng kung saan ako nakahiga. Para bang isang malaking hayop ang nasa itaas at pagala-gala. Nagtataka ako kasi dun ko lang narinig ang yabag na yun. Sa takot, ginising ko ang kuya ko na katabi ko sa pagtulog at tinuturo ang ingay sa bubong pero hindi nya ako pinansin, akala nya nanananiginip lang ako at sabing uminom lang ako ng tubig at matulog na lang ulit. Ginawa ko naman yun at nawala din ang mga yabag, nagdasal na lang ako at muling bumalik sa pagtulog.
Nagising ako ulit dahil sa ingay pero iba na ang naririnig ko. Para bang mga 50 taong sabay-sabay na nagsasalita,magulo at mabibingi ka sa ingay, pero wala akong maintindihan. Basta tuloy lang ang pagsasalita nila na para bang may pinagtatalunan, nagagalit at at tumatawa. Nilalagnat na din ako noon at umiiyak kasi hindi ko maintindihan ang nangyayari, Dali-dali akong tumakbo sa lola ko sa kabilang kwarto at tumabi sa kanya sa pagtulog. Takot na takot ako noon at pilit kinalimutan ang nangyari.
Umaga na nung nagising ako sa parehong ingay, pero mas malakas. At parang mas madami na silang nagsasalita. Sumigaw ako sa aking lola at sinabi kung anu ang nangyayari, umiiyak kong kinuwento pero hindi nya ako maintindihan. Wala daw siyang naririnig na kahit anu pero tuloy pa din ang ingay sa aking tenga.
Tumaas din ang lagnat ko at hindi din ako masyadong makakilos, nakakaramdam din ng pagsakit ng katawan, sobrang bigat ng pakiramdam. Mga 2 araw n ako nakahiga at walang gana sa pagkain, Madalas magkatabi na kami ng lola ko sa pagtulog dahil andun pa din ang ingay sa bubong pag madaling araw at mas nagiging agresibo pa ito at mas malakas.
Nung ikatlong araw nag desisyon kami na ipatawag yung kakilala naming manggagamot at baka daw "nabati" ako. Sa hapon pa pwede ang manggagamot kaya nakahiga lang ako buong araw, nilalagnat at kinakabahan, paminsan-minsan kasi ay may bumubulong sa akin pero mag-isa lang siya.
"Kunin mo ang kutsilyo, hiwain ang braso"
Paulit-ulit kong naririnig yan, kahit anung takip sa tenga ay naririnig ko pa din, . Paminsan din ay may mga nakikita akong anino ng maliliit na tao na naglalakad sa may bintana kung saan ako nakahiga na para bang nagmamasid sa akin at ayaw akong lubayan.
Ginising ako ng lola ko bandang hapon, andyan na kasi ang manggagamot. Pinaupo nya ako sa sala at may nakahanda ng palanggana na may tubig, may dala din siyang langis at kandila.
Tatawasin daw ako para malaman kung anu ang nangyayari sakin at kung sinu ang gumawa.
Nagpatak siya ng kandila sa tubig sa planggana at ng bumuo ito ay kinuha nya at tinitigan.
"May pinitas ka no?" sabi ng manggagamot, Nagulat ako kasi wala akong pinagkwentuhan nyan kahit ang lola ko. Inamin ko na pinitas ko ang nagiisang bulaklak sa masukal na parte ng bakuran, At dahil dun nagalit daw ang mga duwende, alaga daw kasi nila iyon. Nilapastangan ko daw ang isa sa mga pagmamay-ari nila at sinira ko lang ito.
Buti daw na hindi ganun kasama ang duwende na sinalbahe ko, kung nagkataon na itim o pula ang nagalit sa akin ay hindi lang ganun ang mararanasan kong kaparusahan. May mga ranggo pala ang mga duwende sa isang kaharian, merong mababait at merong lubhang masama.
Dinasalan ako ng manggagamot habang pinapahiran ng langis, nagpakatay na din sila ng manok bilang alay. Pinapunta ako kung saan ko pinitas ang bulaklak, dala ko ang manok at humingi ng pasensya, pagkatapos ay sinabihan ako na iwan ang alay at tumalikod at wag na lilingon pagkatapos.
Hindi na ako muling bumalik doon sa lugar na yun, hanggang sa lumipat na kami ng tirahan. Balita ko tinayuan na daw ng bahay ang dating bakuran namin at may mga nararamdaman daw ang mga nakatira dito.
YOU ARE READING
Ganti ng Duwende
TerrorWag gagalitin ang mga Duwende, hindi mo alam kung anung parusang pwedeng gawin sa iyo.