NAPAHUGOT ng malalim na hininga si Arabella habang nakatanaw sa mga tao na nasa labas ng simbahan na tulad niya ay naghihintay rin sa pagdating ng groom niya. Habang lumilipas ang mga minuto ay lalong tumitindi ang kaba niya. Napakislot siya nang bumukas ang pinto ng bridal car na kinalululanan niya. Sumakay roon at naupo sa tabi niya ang kanyang Tita Carlota.
“Hindi mo pa rin ba ma-contact si George?” tanong nito sa kanya.
Yumuko siya at marahang umiling.
“Hija, naiinip na ang mga bisita.”
“Maghintay pa tayo. Please tell them na maghintay pa kahit mga sampung minuto, baka na-traffic lang si George,” aniyang bahagyang nanginginig ang boses sa pagpipigil ng emosyon. Isang bahagi ng isip niya ang nagsasabing wala na siyang hinihintay. Pero ayaw niyang isuko ang munting pag-asa na nasa puso niya. Darating si George, matutuloy ang kasal, at habang-buhay silang magsasama at magiging masaya.
Matagal siyang tinitigan ng kanyang tiyahin. “Sigurado ka bang darating pa ang lalaking iyon?”
Pinilit niyang ngumiti. “Darating siya, Tita. Kung may plano siyang hindi siputin ang kasal namin, hindi na rin sana nagpunta rito ang pamilya niya.”
“Pero kahit sila hindi alam kung nasaan si George,” sabi nito. “Mahigit isang oras na tayong naghihintay rito.”
Napahugot lang siya ng malalim na hininga.
“Ako na ang magsasabi sa kanila na hindi na matutuloy ang kasal,” ani Tita Carlota. Umakma ito na bababa ng sasakyan pero pinigilan niya ito sa braso.
“Tita, darating si George. Hindi niya magagawa sa akin ang iniisip ninyo.”
Magsasalita pa sana ito nang tumunog ang cell phone niya. Ang pinsan ni George na si Enrique ang tumatawag. Nagboluntaryo itong puntahan ang hotel na tinuluyan ni George kagabi.
“Hello, Enrique. Kasama mo na ba si George? Nasaan na kayo?” tanong niya sa nasa kabilang linya.
Halos madurog ang puso niya habang pinakikinggan ang sinasabi ng kausap. Naglandas ang mga luha sa mga pisngi niya. Pinatay niya ang cell phone at isinubsob ang mukha sa kanyang mga palad.
Kinabig siya ng tiyahin niya at marahang hinagod ang kanyang likod. Hindi na niya kailangan pang magsalita, alam niyang batid na nito ang dahilan ng kanyang pag-iyak. “Tama na, hija,” pagpapatahan nito sa kanya.
“Damn him! Paano niya nagawang iwan ako sa ganitong sitwasyon?” sabi niya sa pagitan ng pag-iyak.
Samut-saring damdamin ang nararamdaman niya sa mga oras na iyon—galit at sama ng loob para kay George dahil sa pag-iwan nito sa kanya sa mismong araw ng kanilang kasal nang wala man lang malinaw na dahilan, pagkapahiya sa mga bisitang naroroon para saksihan ang dapat sana’y pinakamasayang sandali ng buhay niya, at higit sa lahat ay awa para sa sarili. Wala siyang matandaang ginawa niya o pinagtalunan nila ni George para hindi ito sumipot sa kanilang kasal. Masaya pa nga silang magkasama noong makalawa nang pumunta sila sa party na inihanda ng mga kaibigan nila para sa kanila.
BINABASA MO ANG
😊Finally Found You (COMPLETED - Published under PHR)
RomanceArabella's almost perfect world shattered when her fiance went missing on the day of their wedding. Ang masakit at wala man lang itong ibinigay na matino at katanggap-tanggap na rason kung bakit iniwan siya nito. Pinayuhan siya ng boss at kaibigan n...