Chapter 2

7.6K 163 2
                                    

MAAGANG nagpunta si Arabella sa terminal patungo sa Atimonan, Quezon dahil ang sabi sa kanya ni Charity ay mas maganda kung umaga siya magbibiyahe upang hindi siya abutin ng gabi. Hindi raw kasi tiyak ang schedule ng biyahe ng mga roro na masasakyan patawid sa isla ng Alabat.

Bitbit ang isang backpack at medium size na maleta, nakipagsiksikan siya patungo sa bilihan ng ticket. Hindi na siya nagtataka na ganoon karami ang pasaherong naroon; Marso ngayon kaya maraming nagsisipag-uwian sa probinsiya. Napasimangot siya nang makita ang pila sa kuhanan ng ticket. Mahaba ang pila at sa tingin niya ay pandalawapu’t pito pa siya. Nagsisimula nang tumirik ang araw at dahil sa dami ng tao ay lalong naging maalinsangan ang paligid. Nakahinga siya nang maluwag nang sa wakas ay siya na ang nasa harap ng ticket booth.

“Sandali lang, Miss,” aniya sa babaeng nasa loob ng booth, sabay kalkal sa kanyang backpack para kunin ang kanyang wallet.

“Excuse me,” anang isang lalaki na bahagya pa siyang tinabig. “Miss, isang ticket papuntang Atimonan.”

Nakataas ang isang kilay na kinalabit niya ang lalaki. “Excuse me rin. Hindi mo ba nakitang may nauna sa 'yo? Hindi ka ba marunong pumila?”

Tila walang narinig na iniabot ng lalaki ang bayad sa babaeng nasa ticket booth. Lalong tumaas ang kilay niya. Garapal din ang isang ito, ah. Tumikhim siya nang malakas.

Saka lang tumingin sa kanya ang lalaki. “Yes?”

Aba't ang kapal talaga! Parang hindi mo ako nakita nang lumapit at sumingit ka rito. Nagsisimula na siyang manggigil sa inis. “Sabi ko, hindi ka ba marunong pumila? Kanina pa kasi ako rito. Actually, ako nga ang nasa huli ng pila. It was already my turn to get my ticket when you showed up,” mataray na sabi niya at patabig ding pinaalis ang lalaki sa harap ng booth. “Miss, sa Atimonan ako.”

“Eh, Ma’am, iisa na lang ho 'yong bakanteng upuan ng bus,” anang babae na napatingin sa lalaking nasa tabi niya.

“No problem. Mag-isa lang naman ako,” sabi niya.

“Miss, naiabot ko na sa kanya ang bayad ko,” sabi sa kanya ng lalaki.

Humarap siya rito. “So what do you mean? Sa 'yo dapat mapunta ang ticket? No way. Kanina pa ako nakapila rito!” Iniabot niya ang pera sa babae. “Miss, akin na ang ticket ko.”

“Sinabi ko sa 'yong ako ang naunang magbayad, so that ticket is mine. 'Di ba, Miss?” tanong ng lalaki sa nasa ticket booth. Nginitian at kinindatan pa nito ang nagbebenta ng ticket. “I’m really sorry pero nagmamadali ako, Miss,” sabi pa nito sa kanya.

Aabutin na sana ng lalaki ang ticket pero mabilis niyang iniharang ang kanyang kamay sa butas ng booth. “Wala akong pakialam kung nagmamadali ka o ikaw ang naunang nag-abot ng bayad. Nauna ako sa pila at sumingit ka lang. Miss, give me that ticket or else I will have to report you to your superior!”

Waring natakot ang babae sa banta niya kaya sa kanya nito ibinigay ang ticket.

“Miss, please. I really need to get on that bus,” pakiusap ng lalaki.

“Kung kailangan mong makaalis kaagad, dapat nagpunta ka rito nang maaga. Excuse me.” Tinabig niya ang lalaki paalis sa pagkakaharang nito sa kanyang daanan. Taas-noong nagmartsa na siya patungo sa bus na sasakyan niya.

 *****

PINUNO ni Arabella ng sariwang hangin ang kanyang dibdib. Pasado alas-dos ng hapon siya nakarating sa Atimonan at mula roon ay sumakay siya sa roro patungo sa Alabat. Natatanaw na niya ang isla at sa tingin niya ay magugustuhan nga niya ang pananatili roon. Ilang sandali pa ay dumaong na ang roro sa maliit na pantalan ng isla. Nang makababa siya ay isang may-edad na babae ang sumalubong sa kanya.

😊Finally Found You (COMPLETED - Published under PHR)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon