Chapter 3

981 24 1
                                    

Tuloy lang ang buhay. Ngumiti siya sa tapat ng salamin. Halata pa ring magdamag siyang umiyak. Sa isip niya ay di bale na, iimpis din naman ang mga maga niyang mata. Inayos niya ang kwelyo ng uniporme. Mukha na naman siyang kagalang-galang sa suot niya. 'Yun nga lang, wala siyang pera. At iniwan siya ng balawis.

Handog ng umaga ang sikat ng araw na lunas sa kalungkutan at sama ng loob. Ayaw na munang isipin ni Roel ang nangyari nang nakaraang gabi. Kinumbinsi na lang niya ang sarili na mas makabubuti sa kanya na wala na ang taong 'yun.

Dumako ang tingin niya sa mga tambay na may seryosong pinag-uusapan. Madalas ay sinisipulan siya ng mga ito o kaya naman ay tinutukso. Malaya niyang yayakapin ang pagbabago sa kanyang buhay kung kasabay ng bagong yugto ang pagtigil ng mga ito sa panunuya sa kanya.

Magkakape sana siya kina Aling Myrna, ngunit sarado ang karinderia ng ale, bagay na pinagtakhan niya. Naglakad na lang siya patungong kanto, kung saan siya aabang ng masasakyan. Umaga pa lang ay amoy usok na siya. Nasanay na rin siya matapos ang halos sampung taong pamamalagi sa Maynila simula noong magkolehiyo siya at magtrabaho. Nangungulila siya sa preksong hangin sa probinsiya.

Kung anu-ano ang iniisip ni Roel habang nasa dyip. Gusto niyang iwaksi ang lahat ng nasa utak at umaktong parang wala lang ang lahat. Pero sadyang mabigat ang loob niya. At pumasok siya sa trabaho dala ang bigat ng kalooban. Gayunpaman, ayaw niyang mapansin ng mga katrabaho ang lumbay, kaya nagkunwari siyang maayos ang lahat.

Ilang beses niyang tiningnan ang paligid, pinakinggan ang tunog ng mga daliring tumatama sa mga tipaan, mga kiskisan ng mga papeles, ang paminsan-minsa'y huntahan ng mga katrabahong tila matiwasay ang mga buhay. At sa bawat pagkakataon, sumasagi sa utak niya ang isang katanungan: bakit siya naroon?

"Roel," saad ng may edad na katrabaho, "sama ka sa birthday party ni Lorie?"

Nakatunganga siya sa harap ng aleng nakapatong ang mga bisig sa pasamano ng kanyang cubicle.

"Huy!" Kumaway sa harap niya ang katrabaho. "Okay ka lang?"

"O-okay lang." Minasahe niya ang sentido. "Ano nga 'yung sinabi mo?"

"Sama ka raw sa birthday party ni Lorie."

"May gagawin kasi ako mamaya."

"Sigurado ka?"

Tumango si Roel at ngumiti. Hindi na rin siya kinumbinsi ng katrabaho. Sabay-sabay na lumisan ang mga kasamahan na ang ilan ay kinawayan lang siya. Naiwan siyang mag-isa upang tapusin ang pagtatala ng mga pigurang ayaw na niyang abutin pa ng Lunes. Sandali niyang nakalimutan ang personal na suliranin sa gitna ng pagtatrabaho. Alas siete na nang matapos niya ang mga gawain, at doon niya napagtanto ang nakakabinging katahimikan sa loob ng opisina.

"Ser, ang sipag ho natin ngayon ah," komento ng tagalinis.

"May kinakalimutan lang, manong." Kinulekta niya na rin ang mga gamit at sinara ang bag.

"Hindi dapat kinakalimutan ang problema, ser. Hinaharap."

Natigilan si Roel. Hinabol niya ng tingin ang janitor, pero nakalabas na ito ng opisina. "Hinaharap ko naman ang problema," bulong niya sa sarili, "sa pamamagitan nito."

Matapos patayin ang kanyang computer, matagal niyang tinitigan ang mesang puno ng mga dokumento, mga nakadikit na papel sa dingding ng kanyang cubicle, mga bolpen, at kung anu-ano pa. Niligpit niya ang mga gamit, at tila ba mabigat ang kanyang pakiramdam nang siya'y tumayo, dulot marahil ng pagod. Sa unang pagkakataon matapos ang mahabang panahon ay nakita niya ang kapanglawan ng paligid.

Apat na taon na siyang nagtatrabaho roon, pero walang nagbago. Mabigat ang kanyang mga hakbang papalabas. Para bang may gustong pumigil sa kanya. Ngunit halos alas siete y medya na, at kumakalam na ang kanyang sikmura.

Isang lalaki ang nagpatigil sa kanyang mga hakbang sa gitna ng pasilyo. Ang lalaking nakita niya nang nakaraang gabi. Nakangiti ito. Bagay na nagpakilabot sa kanya. Tumayo ang kanyang mga balahibo. Hindi niya alam kung aatras o hahakbang.

Nakasuot ng asul na jacket ang estranghero. Hindi kaaya-aya ang ngiting pinakawalan nito. Tila ba sa likod ng mga ngiting iyon ay isang masamang hangarin ang naghihintay ng katuparan.

Umatras si Roel nang humakbang ang lalaki. Tumakbo siya papalayo nang maglakad ito papalapit sa kanya.

"Ser!" asik ng janitor.

Nabigla si Roel. Hindi niya namalayang nasa likuran si Mang Hilario.

"Okay lang po kayo?" tanong ng mama na sinipat ang mga mata ng binatang sinakluban ng ligalig.

Tinuro niya ang kinaroroonan ng estranghero, ngunit wala na ito nang lingunin niya. Nakadilat ang kanyang mga mata nang ibalik niya ang tingin sa tagalinis. "May naiwan lang ako sa opisina," pagsisinungaling niya.

"Baka nalipasan na kayo ng gutom, ser. Namumutla po kayo."

"Oo," wala sa wisyo niyang saad, "malamang."

"Sige po, itatapon ko pa itong mga basura."

Hinayaan niya itong maglakad palabas. Hindi siya bumalik ng opisina. Ilang minuto siyang nanatili sa pasilyo, nag-iisip. Sino ang lalaking iyon? Bakit siya sinusundan nito?

Kumalam ang sikmura niya. Hinimas niya ito. Baka nga tama si Mang Hilario. Baka gutom lang siya kaya kung anu-ano na ang nakikita niya. 

Ang Bangkero (short story)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon