Chapter 7

786 21 7
                                    

Mabagal ang galaw ng bangka kasabay ng malumanay na agos ng ilog. Tahimik na sumasagwan si Judah na nakaharap sa papalubog na araw. Malayo ang kanyang mga tingin. Tila ba may gusto siyang itanong sa haring araw na ang mga sinag ay tumabas sa kanyang kayarian at nagpakislap sa mga tilamsik ng tubig habang si Roel ay unti-unting nagigising kasabay ng indayog ng bangka.

Sandaling nakatuon ang titig ni Roel sa basang tabla na may mga itim na linyang tanda ng kalumaan. Sandaling nagtama ang mga tinginan nila nang lumingon si Judah.

"Hindi ka dapat umalis."

"Paano mo ako natunton?"

Hindi sumagot si Judah. Tahimik lang siyang nagsagwan. Musika sa kanyang pandinig ang banayad na hampas ng tubig sa bangka.

"Nahilo ako."

Matagal bago sumagot ang bangkero. Nagdadalawang-isip siya kung tutugon o mananatiling tahimik.

"Saan mo ako dadalhin?"

"Sa lugar kung saan hindi mo na kailangang malungkot," sagot ni Judah. Kahit hindi niya lingunin si Roel, batid niyang lalo itong nagtaka sa sagot niya.

"Kasabwat ka ng mga pulis na bumaril sa akin."

Napangiti si Judah. Ayaw niyang patulan si Roel dahil batid niyang tuliro pa ito.

"Pagtatangkaan mo rin akong patayin," walang emosyong saad ni Roel.

"Kung gusto kitang patayin," sagot naman ni Judah, "sana nilason na kita doon sa kubo. Bakit ka umalis?"

"Wala akong tiwala sa'yo, at gusto kong balikan ang maraming bagay, buhay ko, dignidad ko, trabaho ko, at pamilya ko." Nagpakawala si Roel ng malalim na buntong-hininga.

"May napala ka ba sa pagbalik mo?" Tumigil si Judah sa pagsagwan at tumalikod upang harapin ang nakaupong si Roel na malayo ang tingin.

"Gusto kong umiyak, sumigaw." Kumunot ang noo nito nang tamaan ng sinag ng araw. "Gusto kong tanungin ang Diyos kung bakit nangyayari sa akin ang mga kamalasang ito."

Kinuha ni Judah ang kamay ni Roel at tinitigan ang mga ito. "Akala ng marami sa atin na makatarungan ang mundo, na dapat ang lahat ng bagay ay pantay-pantay. Mali ang paniniwalang 'yan."

"Siguro nga tama ka. Bwisit na buhay 'to!"

"Sige sumigaw ka. Ilabas mo ang galit mo." At hinayaan niya ngang sumigaw nang sumigaw si Roel hanggang sa pumalahaw ito sa gitna ng ilog. Hinayaan niya itong humagulgol.

"Paano ako magsisimula nito?"

Binaliktad ni Judah ang kamay ni Roel upang iangat ang mga palad nito. "Wala na sa mga palad mo ang kinabukasan."

Sumimangot si Roel, tanda ng kalituhan. "Ano'ng ibig mong sabihin?"

"Patay ka na."

Natawa si Roel habang pinupunasan ang mga mata. "Gago ka rin pala. Anong trip mo?"

"Hindi mo ba naaalala ang nangyari sa'yo bago ka napunta sa kubo ko?"

Matagal na tinitigan ni Judah ang kaharap. Gusto niyang hayaan itong mapagtanto ang mga nangyari. Tahimik siyang nakaupo habang hawak ang sagwan na ang dulo ay nakalubog sa ilog. Ilang minutong walang kibo ang dalawa. Si Judah ay nakatitig kay Roel. Bakas naman ang kalituhan sa mukha ng huli.

Unti-unting lumalim ang mga kunot sa noo ni Roel. Namuong muli ang mga luha sa kanyang mga mata. Kasabay ng kanyang pagngiwi ang muli niyang pag-iyak. "Hindi."

"Roel, kailangan mong matanggap ang nangyari sa'yo."

Inangat niya ang tingin sa bangkero. "Sino ka ba?" Naitulak niya ang kausap. "Ano bang alam mo sa nangyari?" Kasabay ng sigaw niya ang pag-alon ng tubig sa paligid. Bumilis ang kanyang paghinga. Hindi siya mapakali.

Ang Bangkero (short story)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon