Bahay ng Lagim

1K 34 0
                                    

Hanggang sa mga panahong ito, natatakot pa rin akong matulog tuwing gabi dahil hindi mabura sa aking alaala ang pinakanakakatakot kong karanasan.

Nagsimula ito noong 2013 nang kami'y makalipat sa isang bahay sa Bulacan na nabili ng aking mga magulang sa murang halaga. Hindi naman up and down ang bahay na iyon pero masasabi kong malawak ito dahil tatlo ang kuwarto, malaki ang espasyo ng kusina at sala, kasya rin siguro kahit limang tao sa loob ng CR.

Sa loob ng ilang buwang pagtira namin doon, naging masaya at normal naman ang takbo ng aming pamumuhay. Subalit habang tumatagal, may napansin kaming kakaiba.

May maliit na punsong tumubo sa loob ng sala namin. Nasa bandang gilid lang ito na hindi naman nakakaabala sa dinadaanan kaya nang makita ito ng aking mga magulang, naisipan nilang huwag tanggalin sa paniniwalang magdadala ito ng suwerte.

Habang lumilipas ang panahon, palaki nang palaki ang punso hanggang sa tuluyan na nitong sakupin ang kalahating espasyo ng aming sala. Makalipas lamang ng mahigit dalawang taon, ganap na itong dambuhala na labis naming ipinagtaka. Bahagyang sumikip tuloy ang aming sala dahil pilit na pinagkasya ng aking ama ang mga kagamitan namin sa natirang espasyo.

Sa kabila ng lahat, hindi pa rin ito pinatanggal ng aking mga magulang dahil wala namang matitinding kamalasan na dumating sa aming buhay. Katunayan nga, halos sambahin pa iyon ng aking ina at inaalayan pa ng tinapay.

Hindi man nagdulot ng kamalasan ang misteryosong lupa na tumubo sa loob ng aming bahay, nagdala naman ito ng kababalaghan.

Minsan ay nagkuwento sa amin ang aking ama na madalas umano siyang makakita ng isang nilalang na kamukhang-kamukha niya kung saan-saang lugar. Kung ano ang kanyang suot nang araw na iyon, ganoon din ang suot ng nilalang. Ang pinagkaiba lamang, parang bangkay na ang kaanyuan nito.

Dahil doon, nagkuwento na rin ang aking ina na sa tuwing mapapasilip siya sa labas ng hatinggabi, may nakikita siyang mga taong nakaputi na puting-puti rin ang balat, itim ang mga mata, at palaging nakangiti. Hindi niya malaman kung bakit palaging sa harap ng aming bahay namumugad ang mga ito tuwing sasapit ang dilim.

Sa huli, umamin na rin ako sa kanila na madalas akong dinadalaw ng iba't ibang uri ng panaginip. Sa tantiya ko, tatlo hanggang limang panaginip ang dumarating sa akin sa loob ng isang linggo. At sa bawat panaginip kong iyon, palagi akong may kasamang mga tao na hindi ko kilala o hindi ko pa nakikita sa buong buhay ko. Kapag naman magigising na ako, nakakalimutan ko na agad ang kanilang hitsura kahit tandang-tanda ko pa ang bawat detalye o pangyayari sa aking panaginip.

Nagsimula ang mga kababalaghang iyon tatlong buwan ang lumipas mula nang maging ganap na malaki ang lupa sa aming sala.

Bagama't patuloy kaming nakakapagtrabaho nang maayos at nakakaraos sa mga gastusin at pagkain araw-araw, hindi namin maiwasang mangamba dahil sa mga kakatwang karanasan na nangyayari sa amin.

Kaya naman sa huli, naisipan ng mga magulang kong ipatanggal na ang lupang iyon sa aming bahay. Inabot pa ng mahigit dalawang linggo ang mga trabahador bago nila tuluyang nawasak at nailabas ang mga lupa hanggang sa bumalik ang dating luwag ng aming sala.

Ang akala namin ay matatahimik na kami kapag nawala ang lupang iyon. Subalit mas tumindi pa ang kababalaghan makalipas lamang ng isang araw mula nang maibalik namin ang dating ayos ng aming sala.

Nagsabi ang aking ama na hindi na lang basta nakatayo ang nilalang na kahawig niya, kundi ay sumusunod na mismo ito kahit saang lugar siya magpunta. Umaalis lamang umano ito kapag uuwi na siya sa bahay.

Ang ina ko naman ay nagsabi na muli niyang nakita nang gabing iyon sa harap ng aming bahay ang mga taong nakaputi. Subalit sa pagkakataong iyon, hindi na nakangiti ang mga nilalang kundi galit na ang mukha ng mga ito.

Nang dalawin naman akong muli ng panaginip, halimaw na ang hitsura ng mga taong kasama ko. Ang iba naman ay nakakadiri ang mukha na animoy may matinding sakit sa balat. At sa tuwing magigising ako, hindi na nawawala sa aking alaala ang nakakatakot nilang mga kaanyuan na nagiging dahilan ng pagkapraning ko kahit umagang-umaga na.

Bago pa lumala ang mga pangyayaring iyon, napagkasunduan ng aking ina at ama na lisanin na ang bahay. Bago namin tuluyang iwanan iyon, pinabendisyunan muna ito sa pari. Nagdesisyon ang aking mga magulang na huwag nang ibenta o ipagamit sa iba ang naturang bahay. Tuluyan na itong naging abandonado mula nang umalis kami.

Napag-alaman din namin sa ilang mga matatanda sa lugar na iyon na dating may malaking puno na nakatayo roon ngunit pinaputol ito ng isang mayamang negosyante para tayuan ng bahay. Subalit sunod-sunod na minalas at namatay ang pamilya ng negosyante hanggang sa napilitan itong umalis ng Pilipinas at inutusan na lamang ang kakilala nito na ibenta ang bahay.

Pansamantala kaming tumira sa bahay ng pinsan ko sa Bohol habang pinagpaplanuhan ng aking ama at ina kung saan naman kami banda titira sa Maynila upang doon magbakasakali ng bago naming kapalaran.

Ako naman, malaki ang aking pasasalamat dahil naka-alis na kami sa bahay na iyon na marahil ay tahanan ng kakaibang mga elemento ang lupang kinatitirikan nito. Kung nanatili pa kami siguro roon hanggang sa mga panahong ito, baka sapitin din namin ang kamalasang nangyari sa pamilya ng negosyanteng nagpatayo sa bahay na iyon.

Kahit ilang taon na ang lumipas, hindi pa rin nawawala ang alaalang iyon sa aking isipan lalo na sa tuwing sasapit ang gabi kung kaya't palagi akong napupuyat. Ganoon katindi ang epekto ng karanasang iyon sa akin.

Wakas.

Haunted Files (Bedtime Horror Stories)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon