HINUBAD ko ang aking t-shirt at nagpunas ng pawis sa katawan. Iniwan ko ang kapatid kong himbing na natutulog sa kuwarto. Nagtungo ako sa sala at doon nagpaypay sa aking sarili. Mahigit dalawang oras na mula nang mawalan ng kuryente sa buong bayan namin. Naiinis nga ako dahil bigla na lang pinapatay ang ilaw ng wala man lang abiso. Maganda rin naman ang takbo ng panahon kaya wala akong nakikitang ibang dahilan para i-shutdown ang kuryente.
Ang isa pang ipinagtataka ko, hindi rin gumagana ang mga electronic gadgets at appliances namin na pinapaandar ng baterya. Hindi ko tuloy magamit ang lantern flashlight na nagsisilbi naming ilaw kapag walang kuryente. Maging ang mobile phone ko ay bigla ring nag-shut down kaya wala tuloy akong mapaglibangan. Napagtanto ko, lahat ng mga gamit namin na pinagagana ng kuryente, baterya at enerhiya ay ayaw gumana. Dahil doon, naghari ang kadiliman sa kabuoan ng aming bayan. Tanging kandila lang ang nagsisilbi kong ilaw na nakapatong sa mesang kaharap ng kinauupuan ko.
Dinungaw ko ang bintana upang sumilip sa labas. Labis akong namangha nang masilayan ang makulay na kalangitan gawa ng iba't ibang heavenly bodies sa kalawakan. Mga pinagsama-samang bituin, planeta, kometa, at iba pang bagay sa labas ng mundo.
Naalala ko tuloy ang itinuro ng aking Prof noong college. Dahil daw sa tinatawag nating light pollution, natatakpan ang mga astronomical objects sa outer space kung kaya't hindi ito nakikita ng mata liban sa mga bituin at buwan. Kaya kung papatayin ang lahat ng ilaw sa buong mundo o sa isang lugar, maaaring masilayan ang mga celestial bodies ng kalawakan.
Nang makaramdam ng pagkagutom, nagtungo ako sa kusina para maghanap ng makakain. Pagbukas ko sa pridyider, ang natirang mga tinapay kaninang hapon na lang ang aking nakita. Noon ko lang naalalang naubos na pala namin ng kapatid ko kahapon ang mga junk foods at chocolate candies na pinamili ko. Bagama't hindi ko gusto ang lasa ng mga tinapay na iyon, napilitan akong kainin ang mga ito para mapawi lang ang kumakalab kong sikmura.
Habang kumakain, bigla na lang akong nakaramdam ng kakaibang vibration sa paligid. Nagdulot ito ng kaunting pagkahilo sa akin. Hindi nagtagal, narinig ko ang mga taong nagkakagulo sa labas. Parang may tinuturo sila. Bakas sa tinig nila ang pagtataka at pagkagulat. Naintriga naman ako kaya mabilis kong tinungo ang bintana at sumilip. Lahat sila roon, nakatingin sa itaas.
Pag-angat ko ng aking ulo, nangunot ang noo ko sa nakita. May isang napakalaking bagay na lumilipad sa itaas ng kalangitan. Matapos ko itong pagmasdan nang maigi, nagulat ako dahil isa iyong dambuhalang barko! Kinusot ko pa ang mga mata ko para mapatunayang hindi ako namamalikmata. Ngunit totoo nga! Malaking barko ang lumilipad!
Habang ito'y papalapit sa sentro ng kalangitan, lalong lumalakas ang nararamdaman kong vibration sa paligid. Napansin kong ramdam din iyon ng mga tao sa labas. Kung sila'y halos mapasigaw na sa pagkagulat, ako nama'y hindi makapagsalita sa labis na pagtataka. Hindi na nga ako kumukurap habang nakatanaw sa kalawakan. Hindi ko mabitiwan nang tingin ang misteryosong barko na lumilipad sa himpapawid.
Kahit nasa malayo na ang pambihirang barko, patuloy ko pa rin itong tinatanaw. Tuwid lang ang direksiyong tinatahak nito. Hanggang sa unti-unti na itong balutin ng makakapal na ulap at naglaho. Nawala na rin ang vibration sa buong paligid. Pagbaling ko naman sa mga tao, bakas pa rin ang pagtataka sa kanilang mga mukha.
Maging sila'y hindi rin makapaniwala sa nakita. Kung saan-saan na tuloy napunta ang kanilang usapan. May mga nagsabing baka nalalapit na ang katapusan ng mundo. Sa iba naman, baka pag-aari iyon ng mga ISIS. Basta maraming teorya silang nabuo sa isipan. Pero ako sa totoo lang, iyon din ang nasa isip ko. Saan nga ba talaga nagmula ang barkong iyon? Paano ito nakalipad? Kailan pa nagkaroon ng teknolohiyang nakapagpapalipad ng barko? Isa nga ba ito sa mga senyales ng pagwawakas ng mundo? O giyera? Naguguluhan ako.
Hindi rin nagtagal, bigla na lang nanumbalik ang kuryente sa aming bayan. Sunod-sunod na nagsindihan ang mga poste sa labas. Sabay-sabay ring lumiwanag ang mga kabahayan, kabilang na ang sa amin. Sinubukan ko namang paganahin ang cellphone ko. Natuwa ako dahil sa wakas umilaw na rin ang screen nito. Tapos na ang dalawang oras na blackout sa aming lugar.
Habang naglalakad ako sa labas kinaumagahan, narinig ko ang usapan ng ilang mga tao tungkol sa nangyari kagabi. Kaya naman bago ako bumili ng ulam para sa aming agahan, dumalaw ako sa bahay ng aking kaibigan. Nais ko sanang itanong kung nakita rin ba niya ang barko kagabi sa langit. Ngunit nang magkita kami, nauna pa siyang banggitin iyon.
"Sayang, hindi ko na-video-han 'yon kagabi. Ayaw kasi gumana ng cellphone ko kaya wala akong nagawa," sabi ko sa kanya.
"Naku! Pati 'yong sa 'kin din, pare! Hindi naman 'yon lowbat at wala ring sira pero bigla ring namatay kagabi! Aba, halos kasabay lang yata ng brownout yaon!"
Natuklasan kong lahat din pala ng mga mobile phones at gadgets sa lugar namin ay nagsipag-shut down. Walang nakakaalam kung paano iyon nangyari. Pero malakas ang kutob kong may kinalaman ang pagpapakita ng mahiwagang barko sa pagkawala ng elektrisidad sa aming lugar kagabi. Dahil doon, hindi namin nakuhanan ng video o litrato ang pangyayari. Hindi kami nagkaroon ng pagkakataong ma-i-record ang ebidensiya ng pagpapakita nito!
Makalipas ng ilang linggo, nakapanood ako sa telebisyon ng isang balita. Maraming mga tao sa iba't ibang lugar ang diumano'y nakakita ng lumilipad na barkong itim sa mga nagdaang gabi. Ngunit walang makapagpatunay sa existence nito dahil hindi raw gumagana ang kanilang mga cellphone nang mga oras na iyon.
Ayon pa sa ibang balita, marami sa iba't ibang panig ng Pilipinas ang nagsabing dumaan din sa kanilang lugar ang itim na barko. At sa oras na ito'y dumating, bigla na lang mawawalan ng kuryente ang buo nilang bayan pati ang kanilang mga gadgets.
Pati mga eksperto sa siyensya, hindi rin maipaliwanag ang pangyayaring iyon. Sapagkat ang mga teknolohiyang gamit nila ay hindi rin gumana habang naglalakbay sa langit ang itim na barko. Dahil doon, wala silang nakuhang impormasyon kung saan ito nagmula at paano nabuo.
Sa paglipas ng panahon, madalas pa ring bumalik sa aking alaala ang naturang kaganapan. Punong-puno pa rin ng katanungan ang aking isipan. Hindi ko na alam kung saan ako maghahanap ng kasagutan. Sa tingin ko, mananatiling misteryo ang pangyayaring iyon hanggang sa aking libingan.
Wakas.
BINABASA MO ANG
Haunted Files (Bedtime Horror Stories)
HorreurMga kuwentong hindi magpapatulog sa gabi. Handa ka ba?