IKALAWANG LABAS
NAKANGITING pinagmasdan ni Vince ang magandang pagkakaayos sa mesang kaniyang pina-reserved. Sinadya niyang hindi sunduin ang kasintahan upang siya mismo ang umistima sa pag-aayos niyon.
Sobrang halaga sa kanila ng gabing ito. Dahil iseselebra nila ang kanilang 3rd anniversary. At ngayong gabi rin niya plinanong mag-propose sa dalaga. Kaya naman inarkila niya ang bahaging iyon ng restaurant. Simple lang naman ang ayos, pero tiniyak niyang romantiko ang ambiance ng paligid. Pinapalibutan niya ng iba't ibang kulay ng tulips ang paligid ng kanilang mesa. Dim light ang kanilang ilaw at may mahinang musika.
Tinunghayan ni Vince ang suot na relo, 8:20 na ang sinasabing oras doon. Dapat sa oras na iyon ay nandoon na ang nobya dahil wala pa namang beinte minutos ang biyahe mula sa bahay ng mga ito patungo roon. Ngunit naisip niyang maaaring na-traffic ito.
9:00 pm, wala pa rin ang nobya kaya naman nakaramdam siya nang pag-aalala. Akma na niyang tatawagan ito nang tumunog ang door chime at pumasok doon ang babaeng hinihintay.
"Salamat at dumating ka na. Akala ko hindi mo na ako sisiputin," salubong niya rito na sinuklian lang nito ng tipid na ngiti.
Inalalayan ni Vince ang kasintahan hanggang sa pag-upo nito.
"Tulips for my beautiful lady." Iniabot niya rito ang isang pumpon ng yellow tulips, ang paboritong bulaklak ng dalaga, saka ito kinintilan ng halik sa noo.
"Salamat..." usal ni Melissa habang maganda ang mga ngiting nakatingin sa kaniya.
"Nakatulog ka ba nang maayos? O, baka naman na-excite ka na naman para sa dinner date natin?" pagbibiro ni Vince dito dahilan upang mapahagikgik ang dalaga.
Kilala kasi niya ang nobya, kahit puyat ay hindi ito nakakatulog kapag mayroon silang date nito. Kaya minsan sa isang hotel sila pupunta, magtsi-check-in para matulog ng magkasama.
"I love you, sweety. You are so beautiful tonight," totoo sa loob na usal ng binata.
Kahit napakasimple lang ng nobya niya sa suot nitong white dress with yellow tulips design, na binagayan ng silver dangling earrings nito. Nakalugay lamang ang buhok ni Melissa na may silver tulip clip na malapit sa tainga. Wala itong kahit na anong kolorete sa mukha maliban sa pink lipstick nito na pinatingkad ang kaputian ng dalaga.
"Salamat," kiming usal ni Melissa.
"Before we eat, I want to give you something." Inilabas ni Vince ang pulang kahita buhat sa suot nitong coat at inilapag iyon sa mesa.
Nakita niya ang unti-unting pamumuo ng mga luha sa mga mata ni Melissa nang buksan niya iyon at matunghayan nito ang isang singsing. Tinanggal niya iyon sa kahita.
"Sweety, will you marry me?" nakangiting pagpo-propose ni Vince.
Luhaang tumunghay sa kaniya ang nobya. Akma na itong sasagot nang bigla namang mag-ring ang kaniyang cellphone. Hindi na sana niya iyon sasagutin ngunit hindi iyon tumigil.
"Excuse me, Sweety." Dinampot niya ang tawagan ngunit ganoon na lang ang kaniyang pagtataka nang mabasa ang pangalan ng ina ni Melissa na nakarehistro.
"Hello, Tita. Kumusta po?"
"V-Vince, ang anak ko— s-si Melissa..." hindi maituloy-tuloy ng ginang ang sasabihin dahil sa pag-iyak nito. Dahilan upang mas lalo siyang magtaka.
"Yes, Tita. Melissa is with me right now." Sinulyapan niya ang nobya na nakatingin lang sa kaniya.
"Vince, Melissa is in the hospital! Please, p-pumunta ka rito!"
Natigagal si Vince sa narinig. At tila isang pelikulang nag-flashback sa kaniya ang mga nangyari kanina. Ang pagtunog ng door chime kahit hindi naman bumubukas ang pinto. Ang kakaibang lamig ng hangin nang dumating ang nobya. Ang pagsambit nito ng salamat kahit hindi bumubuka ang bibig at ang kakaibang lungkot sa mga mata nito kahit pa nakangiti ang mga labi nito.
Nilingon niya ang nobya at naroon pa rin ito, napansin niyang bumubuka ang bibig nito na tila may inuusal.
"I love you..."
Iyon ang nabasa niya sa mga labi nito kasabay nang unti-unting paglaho nito na siyang naging dahilan upang tuluyang bumagsak ang mga luha sa kaniyang mga mata.
"Melissa..." usal niya saka patakbong tinungo ang pintuan upang puntahan ang nobya.
*****
"Anong nangyari? Nasaan ako?" Luminga-linga si Melissa habang sapo ang kaniyang ulo. Wala siyang matandaan maliban sa sigawan ng mga tao sa paligid at ang isang tunog ng tila nabunggo. Hindi niya alam kung nagkaroon ba ng aksidente o ano.
Inihakbang niya ang mga paa at naglakad nang walang direksiyon. Hindi niya malaman kung saan siya pupunta sapagkat pawang puti lang naman ang kaniyang nakikita.
"Nasaan na ba ako?! Helloooo! May nakakarinig ba sa 'kin?!" Hiyaw niya. Ngunit walang tugon siyang narinig.
Nagpatuloy lamang siya sa paglalakad habang nagpapalinga-linga sa paligid.
"May tao ba r'yan?! Hellooo!!!"
Hindi siya napapagod, pero naiinis na siya. Dahil ang ayaw niya sa lahat ay ang maghanap.
"Ano ba! Nasaan na ba kasi ako?!"
Gustuhin man niyang tumigil, ngunit tila may sariling isip ang mga paa na patuloy sa paghakbang. Hanggang sa may makita siyang panibagong liwanag, ngunit higit na maliwanag. Lakad-takbo niya iyong tinungo. Malapit lang iyon sa paningin niya, pero parang kilometro yata ang itinakbo niya bago narating ang isang puting pinto na pinanggagalingan ng liwanag.
Binuksan niya iyon at halos masilaw siya nang bumukas iyon, dahilan upang mapapikit siya. May narinig siyang paghagulgol kaya naman unti-unti niyang iminulat ang mga mata.
At sa pagdilat niyang iyon, saktong tumama ang kaniyang paningin sa kamang naroon. At ang kaniyang nang na nakatungo at humahagulgol.
"Sinong naospital?" nagtatakang tanong niya sa sarili.
Inihakbang niya ang mga paa papalapit sa mga ito. Gayon na lang ang panggigilalas niya nang makita ang sariling nakahiga sa kama.
"A-anong ibig sabihin n-nito?"
Saka bumalik sa alaala niya ang lahat.
Papatawid na sana siya, nang mahulog ang panyong regalo sa kaniya ng nobyo. Yumuko siya upang damputin iyon. Pero nang mag-angat siya ng paningin upang tumayo, isang paparating na sasakyan ang patungo sa kaniyang direksyon. Hindi agad siya nakahuma dahil sa pagkasilaw. At kasabay ng paghinto ng sasakyan ay ang pakiramdam na humagis siya sa kung saan, kasabay ng hiyawaan ng mga taong naroon ay ang pagkawala ng kaniyang malay.
"Hindi ako pwedeng mamatay. Hindi pa ako mamamatay..." usal niya habang nakatunghay sa kaniyang sarili.
"Hindi ka pa talaga mamamatay. Pero hindi ka na rin mabubuhay."
Natigilan si Melissa nang marinig ang tinig na iyon. Nakakakilabot, malamig, tila nanggagaling sa kailaliman. Inilinga niya ang sarili. Hinanap ang nagmamay-ari ng boses. At doon sa gilid ng sofa, sa tabi ng kaniyang nobyo ay nakatayo ang isang bulto. Pamilyar iyon sa kaniya. At hindi siya maaaring magkamali, iyon ang kaluluwang nakita niya kahapon sa kaniyang silid.
Nanlaki ang kaniyang mga mata nang lumulutang itong lumapit sa kabilang bahagi ng kama. Saka ito nakangising tumingin sa kaniya.
"Ako ay magiging ikaw. Ikaw ay magiging ako."
"Hindi! Hindi mo pwedeng angkinin ang katawan ko! Hindi ako makapapayag!" Tumakbo siya papalapit dito.
Ngunit bago pa man siya tuluyang makalapit ay itinulak na siya ng pwersang nanggaling sa kamay nito.
"Ikaw ay magiging ako. Ako ay magiging ikaw."
Muling inilahad ng multong iyon ang isang kamay dahilan upang tila siya isang gamit na tumalsik sa kawalan.
Nakita ni Melissa nang lumutang ang ligaw na kaluluwa sa ibabaw ng kaniyang katawan. Hanggang sa unti-unti nitong pasukin ang kaniyang katawang lupa.
"Hindi!!!"
Itutuloy….
BINABASA MO ANG
MY PRETTY GHOST
Paranormal'Ikaw ay magiging ako. Ako ay magiging ikaw.' ISANG aksidente ang magpapabago sa buhay ni Melissa, nang ang katawang lupa niya ay angkinin ng isang masamang espiritu. Sa paghahanap ng paraan kung paano niya mababawi ang kaniyang buhay ay magtatagpo...