Narrator: Isang hapyaw ng hangin ang bumulusok sa kadiliman. Ito ang karaniwang daanan ng mga estudyante kapag sila ay umuuwi pabalik sa kanilang bahay. Ito ang karaniwang daan ng mga mamamayang nakatira sa ilalim ng tulay. Ito ang karaniwang tambayan ng mga tanggero't sugarol. Walang malay na nakahandusay ang isang bata sa gilid ng masikip na eskinita sa tabi ng tulay.
Narrator: Pero hindi na ito karaniwan.
Narrator: Ito ay kakaiba, at masyadong espesyal ang kanyang pagkadapa. Isang kamay ay nasa kanyang puso, ang kabila nama'y tila naguudyok na lumapit, habang ang kanyang mga mata'y puno ng kadiliman. Ang kanyang mga paa'y tila isang butiking umaaligid kung saan-saan. Halatang pagod na ang bata. Animo'y parang sinapian sa kapaguran ang kanyang mga makukunat na binti at braso. Katabi niya ang kanyang tansong lata, handa sa mga abuloy na kanyang araw-araw pagtiyagaang ipunin.
Narrator: Nagising ang bata. Marahil na rin sa dumi at bulusok ng usok mula sa mga jeep na dumadaan sa tulay, ang bata'y tila naistorbo sa kanyang pagkakaidlip. Tumingin siya sa kanyang kapaligiran, masinsinang sininop ang maaabot ng kanyang mumunting mata.
Narrator: Tumayo ang bata.
Panot: "Nasaan na naman kaya ako?"
Panot: "Lagot na naman ako kay Itay niyan kapag hindi ako nakauwi ng maaga." [Bigla-biglaang kumaripas ng takbo ang bata.]
Panot: "Siguro naman sapat na itong tatlopung piso na nailimos ko para sa hapunan namin ni Nanay." [kanyang inisip habang siya'y umakyat ng hagdanan paalis sa kalyeng kanyang pinagmulan.]
Tatay: "Panot? Asan ka na? Putang-ina, nasaan na ang limos mo para sa araw na ito? Lumapit ka dito't lalatiguhin kita. Punyeta kang gala ka, saan-saan ka napapadpad."
Narrator: Siguro nga ay kilala ng mga kapitbahay ang kanyang mapaglupit na ama. Ang amang sugarol at ang amang irresponsable.
Panot: "Andito lang po, Itay." [nagmamadaling lumapit sa kanyang ama. Siguro nga'y natakot si Panot sa pagtatangkang hampasin ng latigo ng kanyang ama.]
Panot: "Parating na po."
Tatay: "Walang kwentang anak, pucha ang bagal mo naman manlimos. Nakakailang piso ka na ba?"
Panot: "Tatlopung piso lamang ang nailimos ko Itay." [sabay pikit ng mata. Alam na ni Panot ang mangyayari.]
Tatay: "Gago kang bata ka, sabi ko sa iyo manlimos ka nang isang daan ngayong araw na ito. Paano ko naman mapantataya sa tong-its at sa jueteng itong tatlopung pisong nilimos mo?"
Narrator: Hinataw ng sinturon ng ama si Panot.
Narrator: Umiiyak na tiniis ng bata ang paglalatigo ng kanyang ama. Kasalanan naman niya kung bakit hindi niya nagawa ang utos sa kanya ng kanyang ama. Kaya karapatdapat ang pagaabuso sa kanya ng kanyang ama. Ilang minuto natapos na rin ang paghahatol ng ama sa kanyang anak.
Narrator: Kinuha ng ama ang latang naglalaman ng isang araw na pagod ng anak na manlimos. Kinuha ang lahat ng laman ng lata at sabay na inihagis sa mabutong likuran ng kanyang anak. Ngayo'y nakatingin na si Panot sa kanyang ama. Nanlilisik ang kanyang mata, pero wala na siyang ibang magagawa.
Panot: "Siguradong nasa sugalan na naman si Itay." [pagiisip ni Panot.]
Panot: "Siguro naman matatalo tayo sa jueteng ngayong araw."