City Lights

12 0 0
                                    

Bumabagsak na naman ang ulan. Nakakatawang naabutan pa ko dito sa labas pero hayaan na. Basang basa na yung uniform ko. Kanina pa kasi ako naglalakad lakad dito malapit lang sa kanto ng school namin. Napabuntong hininga ako at tumingala nalang para damhin ang ulang pumapatak sa mukha ko. Ang sarap sa feeling. Kahit papaano, nakaramdam ako ng ginhawa, naibsan ang bigat na bumabalot sa dibdib ko. 

"Ayan hindi ka na naman nadala, parati ka nalang ganyan. Lagi mo nalang bang sasaktan ang sarili mo? Paulit ulit nalang, hindi ka ba nagsasawa?", sermon ng kaibigan kong lalaki. 

Natatandaan ko pang 2nd year college kami nun ng sermonan nya ko bago ko pumunta sa loob ng gym. Paulit ulit nya kong sinasabihan ng ganyan. Na kesyo tigilan ko na daw ang kahibangan ko at mauuwi lang lahat sa wala ang efforts ko. Hindi rin naman mapapansin ng taong pinatutungkulan ko. 

"Hindi naman ako magpapakita sa kanya. Gusto ko lang naman masulyapan sya kahit saglit lang." 

"Ynah, kelan ka ba magigising na bulag sya sa pagpaparamdam mo? Walang pakialam sayo ang lalaking yan. Di mo sya deserve! Bahala ka. Basta binalaan kita." sabay alis nya. 

Dahil matigas ang ulo ko, tinuloy ko pa rin na pumunta sa gym. Nagpapractice sila ng basketball ngayon. Umupo ako sa sulok, nananalangin na hindi nya ko makita sa pwesto ko. 

Kakaunti lang ang mga nanonood sa gym pero karamihan ng babae dito, sya lamang ang hinahangaan. Pano ba naman kasi tuwing may laro sila, sya lagi ang nakakapuntos ng malaki. Napakagaling talaga nya maglaro, isa yan sa bagay na hinangaan ko sa kanya. Napakagwapo nya pa sa jersey nya kahit pawisan na. Feeling ko ang bango bango nya pa rin tingnan. 

Ilang sandali lang pumito na ang coach nila hudyat na water break nila. Nagkunwari akong nagcecellphone dito para hindi makita ang mukha ko. Habang nagtitipa ako'y nakarinig na naman ako ng bulungan. Bigla akong kinabahan. Dapat atang sinunod ko ang kaibigan ko. Mali yatang naparito ako. Tumingala ako ng maramdaman kong may nakatayo sa harapan ko. 

"Ano na namang ginagawa mo rito? DIba sinabi kong wag na wag ka nang magpapakita sakin?" 

Nakakunot na naman ang noo niya at nanlilisik na naman ang mata sakin. Parang binibiyak ang puso ko tuwing tinitingnan nya ako ng ganyan. Muntik na naman akong maluha pero dahil alam kong mas titindi ang galit nya, pinigilan kong tumulo. Nilakasan ko ang loob ko para magsalita. 

"M-masama bang kahit manood lang ng l-laro mo? H-hindi naman na ko lalapit sayo e-eh. G-gusto lang talaga kitang makita."

"Baliw ka na. Wala ka na bang ibang magawa at lagi nalang ako ang pineperwisyo mo? Hindi pa ba sapat yung kahihiyang ibinigay mo sakin? Wala ka na bang dignidad na natitira? Babae ka pa naman, patuloy mo lang dinagdagdagan ang pagkakasuklam ko sayo. Dapat na wala ka na rito once na maupo ako roon, kung hindi, baka hindi ako makapagtimpi't mapatulan kita."

Naalala ko na naman ang tagpong yon. Napangiti nalang ako. Tiningnan ko ang paligid at tuwang tuwa ng malamang isa ito sa pinakagusto ko talagang puntahan matagal na matagal na. Hindi ko akalain na kayang kaya ko palang lakarin papunta rito. Umupo ako sa isang malaking bato habang tinitingnan ang nagniningningang city lights. Sabay lumanghap ng sariwang hangin. Kanina pa tumila ang ulan at natuyo na rin ang damit ko habang naglalakad ako kanina. 

Naiintindihan ko naman kung bakit ganun nalang kalaki ang galit nya sakin. Kahit sino siguro isusumpa ako sa ginawa ko. 

"Pupuntahan mo na naman ba sya? Ynah, tama na."

"Hindi, chance ko na to para patunayan ang sarili ko sa kanya. Na karapat dapat din akong mahalin. "

Umakyat ako non sa rooftop kung san ko sya nakitang umakyat at dali daling tumabi sa kanya. Naramdaman kong tumingin sya sakin. 

"Alam mo kapag malungkot ako, tumitingala lang ako sa langit. Gumiginhawa ang pakiramdam ko kapag nakikita ko yung kumikislap na mga bituin. Parang sinasabi na may pag asa pa ko. Na hindi ko dapat sinasayang ang buhay ko dahil may darating din na syang magbibigay liwanag sa akin"

Tumingin ako sa mga mata niya at nakita ko ang kawalan ng kulay sa kanyang mga mata. Parang sobrang wasak ang nakikita ko sa itsura nya. 

"Bakit ka nandito?"

"Nakita kitang papunta dito. Narinig ko ang nangyari sa inyo at naisip kong kailangan mo ng masasandalan sa panahong ganito kaya ako narito."

"Hindi ko kailangan ng tulong mo. Umalis ka na." 

"Von kahit kailan ba hindi mo naisip na magmahal ng ibang babae? Von, nandito ako. Kaya ko rin naman tapatan yung pagmamahal na binigay nya sayo. Sana ako naman ang tingnan mo."

Nakita ko ang gulat sa mga mata niya. At hindi ko pinalampas ang chance na yun para halikan sya. Ilang sandali nakarinig ako ng ingay, sari saring boses at pagbukas ng pinto. Agad agad nya kong tinulak at alam ko na kung bakit.

"B-babe let me explain."

"No. We are really done." 

Dali daling lumabas ang grupo nila.  At naramdaman ko ang nagpupuyos na galit nya ng humarap sya sakin. 

"Wag na wag mo nang tangkaing magpakita saakin. Kahit kailan hinding hindi sya mapapalitan ng isang tulad mo." 

Lumabas na sya. Habang ako'y nakatulala na lamang sa nangyari. Sa ginawa ko, mas lalo ko lang pinalayo ang loob nya sakin. Ang tanga tanga ko. 

Sikat sa school ang grupo nila, lalong lalo na ang relasyon nila. Kaya naman hindi kataka-taka na mabilis kumalat ang balitang hiwalay na sila at ang ginawa ko. Sinubukan kong humingi ng tawad sa kanila. Puro pambubully lang inaabot ko sa babae nung humingi ako ng tawad sa kanya. Nariyan nang binuhusan ako na maitim na putik. 

At sa araw araw  parang naging impyerno ang buhay ko dahil sa kanila, nagtataka nga ko't pano pa ko nakakasurvive sa sitwasyon ko. 

Nung sinubukan ko ring humingi ng tawad sa lalaki, puro masasakit na salita at pagpapahiya lang din ang ginagawa nya sakin. Nasan na ang lalaking minahal ko? Ang lalaking malambot ang pakikitungo sakin? Ang lalaking pumoprotekta sakin? Ang lalaking tinuring akong mahalaga sa kanya? Ang lalaking dinadamayan ako sa tuwing may problema ako. Gumuho lahat ng yon dahil lang sa isang pagkakamali. 

Siguro nga tama na ang misyon ko dito. Wala na kong puwang sa mundong to. Wala na kong ginawang tama. Napansin kong natuyo na ang mga luha ko. Tanging hikbi nalang ang namumutawi sa aking labi. 

Tumingala ako sa langit at umaasang may bituing sumilip. 

Ngunit wala akong nakita. 

Baka nga huli na ang lahat. 

Handa na sana akong tumalon ng biglang may humawak sa braso ko at bigla akong niyakap. Nararamdaman ko ang pagkahapo niya na mukhang galing sa pagtakbo.

"Thank God at nakita kita ulit. Hindi mo alam kung gaano ko nag alala sayo. Wag na wag mo nang gagawin ulit yun Ynah please. Mahal na mahal kita. Wag mong sayangin ang buhay mo sa kanya. Nandito ako. Mamahalin kita ng buong buo na hindi nya kayang ibigay sayo."

Hindi ko namalayan na bumuhos ang luha ko sa muling pagkakataon. Nasa tabi ko lang pala ang taong magmamahal sakin. Kailangan ko lang tumingin sa ibang direksyon. Sa bisig nya, naramdaman kong safe ako at walang hanggang pagmamahal ang mararanasan ko. 



CITY LIGHTS (ONE-SHOT)Where stories live. Discover now