Prelude

30 2 2
                                    

“Ayokong masaktan ka. Hindi na ba talaga magbabago ang desisyon mo? Ayos lang sa'kin na kalimutan mo na'ko.”

“Bakit? Sa tinagal tagal kong nakakasalamuha ang mga kaluluwa, sa tingin mo ba hindi na ako sanay sa inyo?”

“Pero Clarisse...”

“Wala na akong pakielam sa nararamdaman ko. Hayaan mo na akong gawin lahat ng 'to para sa'yo. ”

“You want it this way, Clarisse. Hindi ko na mababago ang gusto mo.”

———

18 years na akong nabubuhay sa mundo. 18 years ko na din pinipilit iwasan at h'wag pansinin ang mga boses ng mga kaluluwang araw-araw nanghihingi sa'kin ng tulong. Pilit kong nilalayasan ang mga kaluluwang kusang lumalapit sa'kin para mabigyan ng hustisya ang kanilang pagkamatay.

Ni hindi ko naisip na tutulong ako sa isang kaluluwa na hindi na nakikita at hindi na nag-eexist sa paningin ng mga ordinaryong tao. Hindi ko pinili ang ganitong tadhana, ang pagiging bida sa hindi ordinaryong kwentong ito.

Simula nang makilala ko siya...

“Hindi mo ako kakausapin? Hoy kinakausap kita!” sigaw niya at sa isang iglap, nasa harapan ko na siya. “Gusto mo tanggalin ko 'yang lamang loob mo?!”

Luminga linga ako sa paligid para magkunwaring naghahanap ako ng masasakyan at hindi siya napapansin. Hindi ko alam kung matatakot ako sa mga pinagsasabi niya dahil ang sabi sa'kin ng lola ko, hinding hindi ako kayang saktan ng mga kaluluwa.

At isa pa, mukha siyang... harmless.

Hindi sa pagiging biased. Kitang kita naman sa itsura nito na hindi niya kayang pumatay ng isang tao at mas lalong hindi siya mukhang suspek ng isang massacre noong nabubuhay siya dahil sa kinis at puti ng balat nito, halata mo din ang haba ng pilik-mata at ang tangos ng ilong niya. Kapansin pansin din ang malalim na dark circles nito sa ilalim ng kulay bluish green niyang mga mata na mukhang namatay ito dahil sa depression o sa stress at bagsak na bagsak nitong buhok. Mukha namang hindi siya nasaksak o anong kababalaghan pang naiisip ko dahil unang una, wala naman siyang saksak o hiwa sa katawan. Wala din siyang galos pati na din mga bahid ng dugo sa kanyang suot.

Pero hindi iyon ang dahilan para mabago ang isip ko. Mabilis akong naglakad nang may mapansin akong ilaw na nanggagaling sa isang tricycle ngunit nagulat ako sa ginawa ng multong ito, “Ehhhh~ dali na! Pansinin mo na ako!” maktol nito na parang bata na siyang ikinalaki ng mata ko. Hindi bagay sa kanya ang ginawa niya but I find it... cute.

“Pansinin mo na'ko! Pansinin mo na'ko!” paulit ulit na sabi niya habang tumatalon talon at halos mangiyak ngiyak na.

“Tulungan mo na'ko! Gusto ko ng maging peaceful ang buhay—este ang kaluluwa ko! Dali na! Alam ko naman na nakikita mo'ko, ang boring kaya ng walang kausap kaya pansinin mo na ako!”

Napailing nalang ako at hindi na napigilan ang pagtawa. Hindi ko inaasahan na ganito kakulit at kaingay ang multong ito. Halos sumakit na ang tiyan ko katatawa dahil sa inaakto niya. Nang mapansin niyang tumatawa ako ay bigla siyang napahinto at hindi ko inaasahang ngumuso ito na mukhang batang inaaasar na mas lalong nagpatawa sa'kin.

Ngayon ko lamang naramdaman ang ganitong kasiyahan...

Sa loob ng 18 years na pamumuhay ko sa mundong kinatatayuan ko ngayon...

“Kita mo! Nakikita mo naman ako!”

Ngayon pa lang ako nagkaroon ng isang kaibigan na alam kong totoo sa'kin...

At ngayon na lamang ako ulit nagkaroon ng ganitong nararamdaman na gusto kong mapalapit sa isang kaluluwa...

Samuel.

Ang lalaking espiritu na nakilala ko.

Na pilit kong kinalimutan at iniwasan...

Ngunit mukhang ito ang itinakda sa'kin ng tadhana.

Ang tadhanang tulungan na mapunta sa katahimikan ang kaluluwang nagbigay sa'kin ng totoong pagmamahal.

Help¡Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon