Ghost Hunting 01

16 0 0
                                        

“Naririnig mo ako?”

———

“Guys, alam niyo ba, sabi sa'kin ng nanay ko may multo daw sa bahay namin. Mukhang hindi siya nagkamali! Nakakita ako ng multo kagabi, sobrang nakakatakot! Halos wasak na ang mukha niya tapos grabe yung mga mata niya tanggal na!” nagpantig bigla ang tenga ko ng marinig ko ang kwento ng kaklase kong si Ronier, tinuturing na class clown at bida-bida sa buong school year.

“T-talaga? Ano nangyari? Nakita ka ba?” takhang tanong naman ng katabi niya na si Angel, napatingin din ang iba sa kanila dahil sa sobrang lakas ng pagkukwentuhan nila.

Napailing na lang ako at tumingin na lamang sa may bintana. Magdidilim na din at umuulan pa na sinamahan ng kulog at kidlat. Hindi dumating ang teacher namin sa last subject namin kaya agad silang nagkanya-kanya.

Ako? Kung hindi niyo naitatanong, wala akong kaibigan at hindi ako ang bida sa kwentong ito. Bukod sa mukha lang naman akong extra, walang nagbabalak sa'kin makipagkaibigan dahil mukha raw akong pinaglumaan ng taon dahil sa istilo ko ng pananamin na mukhang 'manang.' At may isa pang dahilan kung bakit ayaw nila at HINDING HINDI sila magbabalak na kaibiganin ako ay dahil—

“Pero si Sanchez lang naman ang totoong nakakakita ng multo dito e, 'di ba?” napatunghay ako sa gawi nila ng marinig kong binanggit nila ang apelyido ko, “H-ha?”

“'Di ba may imaginary friend ka noon na kinakausap? Sa pagkakaalam ko multo 'yong kinakausap mo e.” napakapit ako ng mahigpit sa desk ko dahil sa sinabi ni Precious, kaklase ko siya since elementary kaya alam niya lahat ng nakaraan ko.

Na matagal ko ng gustong kalimutan.

Napaiwas ako ng tingin at hindi na sila pinansin, “Meron ka bang nakikita dito sa tabi namin?” sabi niya pa kasunod ng kanilang pagtawa.

“Tumigil ka nga! Tatakutin lang naman tayo niyan!” gatong naman ni Angel kaya mas lalo silang nagtawanan.

Ayan. Ayan ang dahilan kung bakit nila ako nilalayuan. Hindi ako isang ordinaryong tao. Bukod sa sinasabi nilang mukha akong pinaglumaan ng panahon dahil sa istilo ko ng pananamit, meron din akong nakikita na kakaiba. Simula palang noong bata ako nakakakita na ako ng multo.

Sabi sa'kin ng Lola ko, hindi niya daw pwedeng ipasara ang 'third eye' ko para matulungan ko si Lolo sa pag-aalbularyo. 'Yun nalang kasi ang natitirang trabaho ng taong kumukupkop sa'kin. At ngayong dalaga na ako, mas malakas ang pakiramdam ko sa mga kaluluwa at ito na daw ang panahon para matulungan ko ang Lolo ko.

“Pero guys, nabalitaan niyo na ba? Namatay daw 'yung anak ni Ma'am Corazon.” tuloy tuloy nilang pagkukwentuhan kaya napatingin nalang ako sa bintana.

“Oo nga daw, ang sabi warak daw 'yung ulo kasi nasagasaan ng ten-wheeler truck.”

“Hala! Grabe naman nakakatakot naman 'yun.”

Napapikit nalang ako dahil sa narinig ko. Nakakatakot?

“Grabe naman, nagmumulto kaya 'yun?”

“Geez! Gago ka ha! Multuhin ka nun! Hahahaha!”

Tumayo ako bigla kasabay ng malakas na paghampas ng kamay sa desk ko. Napakagat ako ng labi dahil nakatingin sila sa'king lahat. Nakakatakot? Hindi ba sila naaawa sa nangyari sa bata? Hindi ba nila naiisip ang nararamdaman ng naiwan nung nawala? Gusto kong magsalita pero parang may bumabara sa lalamunan ko. Nanginginig na ikinuyom ko ang kamao at mabilis na tumakbo palabas. Narinig ko pa ang mga huli nilang sinabi na hindi ko na pinansin.

“Luh, problema nun?”

“Ewan ko dun. Baliw na ata.”

“Hayaan niyo na. Hahahaha!”

Dire-diretso ang mga paa ko sa paglalakad na para bang kabisado na kung saan ako sa tuwing nangyayari ang ganitong eksena. Hindi ko na nga napansin na nandito na ako sa may locker. Umupo ako sa may gilid at niyakap ang mga tuhod ko.

Sa tinagal tagal kong pamumuhay bilang estudyante ng San Lorenzo University, halos paulit ulit nalang ang nangyayari sa'kin sa araw araw. Nag-eexcel naman ako sa mga subjects, lalong lalo na pag major. Marunong din naman akong magdrawing at magbasa ng nota. Wag nga lang idadagdag ang PE dahil unang una, hindi ako sporty na tao.

Masasabi namang approachable ako... kung hindi nga lang ganto kapangit ang fashion sense ko pero wala e, ganoon ang gusto kong damit. Hindi revealing, 100% cotton at napakakomportable suotin. Sa tuwing papasok ako ay lagi akong may suot na jacket na iniregalo sa'kin ng Lola ko. Kailangan ko suotin 'yun dahil mas napapakiramdaman ko na ang mga kaluluwa sa paligid at hindi ko maiiwasang kilabutan.

Masaya din naman ako kasama... kung ang mga pusa ang tatanungin. Mas naeenjoy nila ang presence ko sa tuwing makikipaglaro sa kanila. Ewan ko nalang sa mga tao.

Napahinga nalang ako ng malalim. Mabuti nalang at oras pa din ng klase kaya walang mga estudyante ang naglalakad dito. Napansin ko bigla na papatay patay ang ilaw sa may gitnang bahagi ng locker room. Palagi bang ganito dito?

Pinagpagan ko ang palda ko at tumayo. Nilapitan ko ang daanan kung saan patay-sindi ang ilaw at tumingala. “Hindi ba dumaan na ang janitor ng school dito.” alam ko kasi dumadaan ito ng 3:30. Tiningnan ko ang relo ko, 4:50 na ng hapon.

Luminga linga ako, nagbabakasali na nandito pa din si Kuyang Janitor ngunit mukhang nasa ibang bahagi na ng school. Mukha ding wala ng dadaan dito, mabuti nalang at mag-isa ako Napahinga nalang ako ng malalim at tumingala ulit, “Haaay, bakit kasi iniiwan ng ganito ang ilaw dito—”

“Kanina pa 'yan papatay patay.”

“AY ANAK NG TINAPA!” napahawak ako sa dibdib ko at napakapit sa may locker nang may magsalita. Inadjust ko ang salamin ko at humawak sa kwintas ko. Tumingin tingin ako sa paligid ngunit wala namang tao.

W-wag mo sabihing—

M-multo ba yun?

“T-tao po?” dahan dahan akong naglakad paatras, maingat akong naglalakad habang nakakapit sa bawat locker na madadaanan.

“May tao po ba dyan... Tao po...” patuloy akong sa paglalakad ngunit napahinto ako nang may makapitan ako na... teka?

ID?

Dahan dahan akong lumingon at, “Naririnig mo ako?”

“AHHHHH!” sigaw ko nang marinig ko ang malalim niyang boses at agad na napaupo nang makita ko ang isang... “M-multo!”

“Nakikita mo ko?!” masayang sabi niya at akmang lalapit siya ngunit nagtakip ako ng mata at agad na napaatras.

Hindi! Hindi ko siya pwedeng tingnan!

Ang sabi sa'kin ng Lola ko kapag tiningnan ko sa mga mata ang multo, maaari nila akong sapian.

Agad agad akong tumayo habang hindi pa siya nakakalapit. Mabilis akong tumakbo at narinig ko nalang siyang sumigaw ng 'hoy' habang papalayo ako.

————

Naabot mo na ang dulo ng mga na-publish na parte.

⏰ Huling update: May 17, 2019 ⏰

Idagdag ang kuwentong ito sa iyong Library para ma-notify tungkol sa mga bagong parte!

Help¡Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon