Kabanata 26
Vivi
"KASALANAN KO talaga ang lahat ng ito! Kung sana mas naging mabuting ina lang ako kay Amber, kung sana nagawa ko nang maayos ang pagiging magulang ko sa kanya, kung sana nabigyan ko siya ng ama na makakalakihan niya, kung sana hindi ako nagpadalos-dalos sa emosyon ko, 'di sana..."
Hindi ko na pinatapos si Temarie sa pagbubulalas niya dahil agad ko rin siyang hinila palapit sa akin saka siya binigyan nang mahigpit na yakap sabay hinagod ko ang likod nito para pakalmahin ito.
Habang nasa byahe kami ni Yvelyn, naisip ko nang sermunan si Termarie at magalit dito sa kung ano mang ginawa nito at ni Jango na naging dahilan para mawaglit ang atensyon nila kay Amber at mawala ito sa paningin nila.
Pero nang makarating na ako sa bahay nila at makita ang itsura nito, halos madurog ang puso ko para sa kanya.
Magang-maga na ang mata nito, para na ring nadagdagan ng maraming taon ang edad nito dahil sa stress at sobra-sobrang pag-aalala na mababakas sa mukha nito. At base sa naging sunod-sunod na pananalita nito, may pakiramdam ako na kanina pa siya nagkakaroon ng nervous breakdown para sa nawawala nitong anak. Kaya kahit na gusto kong magalit dito, agad ko na lang isinantabi iyon.
Kakamatay lang ng magulang ni Temarie, na naging dahilan kung bakit napatagal ang pagbalik nito sa Barrio Huego, tapos mababalitaan pa niya na na-ospital ang anak niya habang nasa pangangalaga ko at naipit sa gusot naming dalawa ni Jango. At ngayon naman, nawawala na naman si Amber. Mabuti sana kung kagaya lang ito ng pagkawala nito doon sa homecoming party namin kung saan agad namin siyang nakita.
Pero hindi. Mag-a-apatnapung oras na magmula nang mawala si Amber at hanggang ngayon ay wala pa rin kaming nakukuha na magandang balita tungkol sa kalagayan nito.
"Vivi, paano kung pati si Amber mawala na rin sa akin? Anong gagawin ko? Hindi ko yata makakaya iyon!" basag ang boses na sabi nito sa kabila ng mga hikbi at luha nito.
"Kumalma ka muna, Temarie. Makakasama lang sa'yo ang pagpa-panic—"
"Kumalma? Paano ako kakalma kung nawawala ang anak ko!" napangiwi ako nang malakas akong itulak ni Temarie palayo sa kanya.
Muntik pa akong mabuwal sa ginawa niya nang matisod ang paa ko. At no'ng akala ko ay dere-derecho akong babagsak sa sahig, saka naman ako naramdaman ng malalaking kamay na humawak sa magkabilang braso ko para saluhin ako at gawing steady ulit ang tayo ko. Nang lingunin ko ang nagmamay-ari ng kamay na iyon, nakita ko ang iritableng itsura ni Jango.
Nakita ko na ibubuka na nito ang bibig nito para sermunan si Temarie pero mabilis kong inangat ang isang kamay ko sa harapan ng mukha niya, dahilan para yukuin niya ako at makita ang marahang pag-iling ko doon sa plano niyang gawin.
"Hindi niya sinasadya. Intindihin na lang natin siya," halos pabulong na sabi ko sa kanya saka inalis ang kamay niya sa balikat ko at muling pinanood si Temarie sa paghihisterya nito habang si Yvelyn naman ay hindi rin magkanda-ugaga kung paano papakalmahin ito.
"Ang mabuti pa, susubukan ko ulit siyang hanapin sa buong barrio. Magtatanong-tanong ulit kung may nakakita sa kanya," anunsyo ko na naging dahilan para bumaling ang tingin sa akin ng dalawa kong matalik na kaibigan. "Sa pagbalik ko at wala pa rin akong dalang magandang balita, alam n'yo na ang susunod kong gagawin."
Napatitig ako sa mata ni Temarie para ipaalam sa kanya ang gagawin ko. At kahit hindi ko na sabihin ang plano ko, may pakiramdam ako na nakuha na niya ang ibig kong sabihin base na rin sa panlalaki ng mata nito.
BINABASA MO ANG
Filthy Rich Bastard (Barrio Huego Series #1)
General Fiction[FINISHED] Jango Dela Merced was Vivi's set of first. First crush. First suitor. First kiss. First love. Kahit ang virginity niya ay nakuha rin ni Jango mula sa kanya. Jango made her experience life like she never felt before. But all good things ha...