Multong Ligaw: Ang Muling Pagsulyap sa Kahapon

2.7K 23 11
                                    

        Ilang pintuan ang bumukas subalit ‘ni isa’y wala kang pinasukan. Ako’y nagtaka, saan mo planong pumunta?

                Mula ng bata pa lamang tayo, ikaw na ang aking laging kasama. Kasama sa paglalaro, sa paliligo sa ilog, sa pag-aaral at kung saan pa man. Masaya tayo noon. Walang problema. Ang lahat ay napakabanayad sa luntiang damuhan.

                Sabay din tayo noong nanonood ng mga bituin sa kalangitan. Napakayumi. Ang lahat ay kumikinang. Ang sabi ko pa noon sabay tayong magpupursige upang makamit ang ating mga pangarap. Hindi mag-iiwanan.

                Ang amoy mo’y siyang amoy ko na din. Tila sa lugar na wala ka ay imposibleng mahanap ko ang aking sarili. Ang alam ko lang, mahal kita kaibigan. Kung mawawala ka, ano pa’t nandito ako.

                Parang rosas na namukadkad ang mga opurtunidad sa ating buhay. Ang halimuyak nito’y tagumpay kung tayo ay magkasama. Subalit ang rosas na aking itinago sa paborito nating libro ay nangamatay, nalanta sa tagal nang aking paghihintay. Ilang bituin ang bumaba sa langit ngunit ika’y hindi ko na nakita. Bigla kang naglaho na parang bula. ‘Ni isang abiso o pasabing ika’y mamamaalam na ay wala. Ika’y nalaglag sa pangakong tinuran. Kaibigan, ano ang nangyari? Ako na dating may kasama ay biglang naging isa.

                Nawalan ng saysay ang bawat hininga. Hindi ko na alam kung para saan pa ang buhay. Natakot ako, baka hindi ka na bumalik. Baka tuluyan mo na akong nilisan. Biglaan.

                Lumipas ang napakaraming pangyayari sa aking buhay. Ikaw, kamusta ka na kaya? Sa ilang taon nating hindi pagkikita, naaalala mo pa kaya ako na iyong kababata?

                Minsan, isang dapit-hapon, hindi ko alam kung nararapat ko ba itong ikatuwa. Muli kang nagbalik, muli kitang nakita. Tila isa kang patay na buhay. Bakit ka nagkaganyan? Ikaw ba talaga itong aking nakikita? Sana’y namamalikmata lang ako. Sana. Subalit ito ang hubad na katotohanan. Walang dungis na kasinungalingan.

                Napakapayat mo. Halatang iyong napabayaan ang sarili. Sa bagsak na pangangatawan, walang dudang ika’y nalulong sa masamang bisyo. Ngayon ay pinapahirapan ka ng kabayarang karamdaman. Bukod sa pagdarahop sa buhay, wala akong makitang liwanag sa iyong hinaharap. Kaibigan, ikaw ay pinagdamutan ng kinabukasan.

                Sinalubong kita ng yapos ng pagmamahal. Subalit laking panlulumo ng aking katauhan, bigla akong nanlamig ng mamasdan ko na yakap ko ang sarili habang lumuluha sa salamin. Tinititigan ko  pala ang naligaw na tupa. Lahat ng tanikala ng nakaraan ay biglang nanariwa. Napakasakit isipin na itinapon ko ang sariling buhay.

                Ngayon nga’y kawangis ko ay isang naliligaw na multo kung saan nagpapagala-gala. Walang direksyon ngunit nagnanais na bumalik. Kung minsan isang araw, ako’y iyong makasalubong, paki-usap, pakituro  sa akin ang daan patungo sa landas pabalik sa liwanag – ang landas na hindi ko batid ang simulang lupa na dapat apakan.

Pluma't Papel: Ang Lathalain ng BuhayTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon