Mahilig kami ng kapatid kong manood ng mga nakakatakot na palabas. Bonding naming dalawa yon. Minsan pa nga ay nagtatakutan kaming dalawa. Isang araw bumili ako ng maskara ng Clown para pag tripan yung unggoy kong kapatid.
Alam ko tuwing alas dose ng madaling araw babangon yan para umihi sa banyo. Hindi yan pumapalya palagi. Kaya naisipan ko na isuot ang maskarang payaso at tatayo ako sa labas ng kwarto at hihintayin siyang lumabas.
Pumwesto na ko sa labas ng kwarto bago pa lamang siya bumangon dahil nararamdaman ko na na pagising na siya dahil malikot na siya sa pagtulog.
"Haha! Wala pa natatawa na ko sa itsura niya." sabi ko sa sarili ko.
Nag abang na ko sa labas ng kwarto ng pinto at lumabas siya.
"Putangina!" napasigaw siya sa gulat.
Pinigil ko ang pagtawa ko at hindi ako gumalaw. Nanatili akong nakatayo at tumuloy lang siya sa pag punta sa CR.
Mga tatlong araw na paulit ulit kong ginawa yon sa kanya at pag dating nung pang apat ay inihinto ko na.
Lumipas ang isang linggo bigla akong kinausap ng kapatid ko.
"Kuya tangina tama na nga trip sa akin. Isang linggo ka na nantitrip."
"Pinagsasabi mo?"
"Pakyu tigilan mo na pag tambay sa labas ng pinto ng kwarto tapos nakasuot ng maskara ng clown."
Di ko maintindihan. Isang linggo? Gage amputek eh ilang araw ko lang naman siyang pinagtripan.
Kinagabihan matutulog na ako ng bigla ulit bumangon ang kapatid ko sa pagkakahiga at lumabas ng kwarto. Pipikit na sana ako ng biglang...
"Kuya para ka talagang tanga tigilan mo na nga yan!!"
Nagtaka ako kaya bumaba ako ng kama at kukunin ko sana ang maskara sa pinagtataguan ko nito ngunit wala na ang maskara sa taguan ko.
Isang malakas na sigaw ang pinakawalan ng kapatid ko na yumanig sa buong bahay. Napatakbo ako palabas ng kwarto at nakita ko na lang ang katawan ng kapatid ko. Duguan ito at puno ng saksak sa katawan. Sa tabi ng duguan nyang katawan ay ang nawawalang maskarang payaso.