Her

34 6 0
                                    

4:00 PM. After class.

Dati-rati, pagkatapos ng klase, masaya ako kasi sa wakas makakauwi na ako sa bahay. Pero simula nang makilala kita, mukhang naging iba ang dahilan ng aking saya sa tuwing matatapos ang klase.

Parati kitang nakikitang dumadaan sa labas ng classroom namin tuwing uwian.

Hindi naman talaga maiiwasan 'yon kasi malapit ang room namin sa main gate. Ibig sabihin, doon talaga dumadaan ang mga estudyante.

Ngunit sa dinami-rami ng mga estudyanteng dumadaan sa labas ng classroom namin, ikaw ang napansin ko.

Ikaw nalang parati ang nakakakuha ng atensyon ko. Sino ba naman kasi ang hindi makakapansin sa'yo? Ang tangkad mo tapos ang puti mo. Gwapo pa.

Kaya sa pagtagal ng panahon...nakuha mo na rin ang puso ko.

Walang araw akong pinapalampas na hindi kita nakikitang dumadaan sa labas ng classroom namin. Kahit naglilinis pa ako ng classroom, hindi ko hahayaang hindi ko masilayan ang iyong mukha. Tulad nalang ngayon.

Isa ako sa mga naatasang maglinis ng classroom ngayong araw.

Nasa corridor ako't nagwawalis nang dumaan ka. May tinawag ang kaklase ko no'n. Napatingin ako sa'yo no'n kung ikaw ba 'yong tinawag ng kaklase ko, at ikaw nga kasi lumingon ka at ngumiti.

Hindi ko na rin napigilang mapangiti. Nakakahawa 'yong ngiti mo eh. Natuwa na rin ako kasi sa wakas nalaman ko na rin ang pangalan mo. 

Mananatili pa sana ako sa corridor para pagmasdan ka habang kausap mo kaklase ko. Kaso tinawag na ako ng kapwa estudyante ko, kaya wala na akong choice kung hindi pumasok sa classroom.

Andrei...

Andrei pala ang pangalan mo? Kung gano'n ako naman si Audrey. Ang secret admirer mo.

Habang tumatagal, lalo akong nagiging interisado sa'yo. Kaya hindi ko na napigilang magtanong-tanong sa mga kaklase ko.

Basketball player ka pala? Kaso hindi na rin naman na ako magtataka kasi ang tangkad mo eh. Siguro kung magkakalapit tayo, hanggang balikat mo lang ako.

Nalaman ko rin na kumakanta ka at tumutugtog ng mga musical instruments tulad ng gitara, pero mas may passion ka raw sa pagsasayaw. Natuwa ako sa nalaman kong iyon. Parehas pala tayong hilig ang pagsasayaw eh hehe.

'Yon nga lang, hindi ako marunong kumanta.

Dahil sa kakatanong ko sa mga kaklase ko ng tungkol sa'yo, nalaman nila na may gusto ako sa'yo. Natakot ako no'n kasi maloko ang mga kaklase ko. Baka kapag dumaan ka sa labas ng classroom namin ay bigla nalang nila akong asarin sa'yo.

Mabuti na lamang at napakiusapan ko sila na huwag nalang mag-ingay o magpahalata.

Kaso ng dahil din do'n, nalaman ko na suplado ka pala pagdating sa mga babae.

Okay lang naman sa'kin 'yon. Kuntento na ako na patingin-tingin nalang sa malayo at palihim na sumusuporta sa'yo lalo na kapag may laro ka.

Alam mo bang hindi talaga ako interisado sa mga sports? Pero nang dahil sa'yo, naging interisado na ako hehe. Kaya sa tuwing may laro ka, parati akong nanonood. Ang galing-galing mo. Sinisigaw ko pa nga pangalan mo eh. Kaso alam ko namang hindi mo maririnig dahil bukod sa'kin ay marami ring mga babae at feeling babae ang sumisigaw ng pangalan mo.

Pero hindi ako susuko. Alam kong balang-araw makukuha ko rin ang atensyon mo gaya ng pagkuha mo sa atensyon ko.

Pero paano ko magagawa 'yon? Kung nauunahan ako ng takot...?

Tulad na lamang noong isang beses matapos ang klase, naglalakad ako sa corridor. Papunta ako sa lockers namin upang magtabi ng mga libro.

Malayo pa lang, alam ko nang ikaw 'yong naglalakad palapit sa direksyon ko. Hindi ako mapakali no'n kasi magkakasalubong tayo. Hindi ko alam kung ngingitian ba kita o hindi.

Kaso naisip ko na baka 'di mo lang ako pansinin. Sino nga ba naman ako sa'yo, 'di ba? Isa lang naman akong hamak na batchmate at schoolmate mo. Baka nga hindi mo alam na schoolmates tayo eh, at ang mas malupit pa, baka 'di mo alam ang existence ko.

Kaya nang magkasalubong tayo, mas pinili ko nalang ang tumingin sa ibang direksyon.

Makalipas ang ilang araw, iniisip ko kung tama ba na hindi kita pinansin noong nagkasalubong tayo. Siguro nga tama lang 'yong naging desisyon kong 'yon kasi alam ko namang wala kang pakialam sa'kin...Tulad ng ipinakita mo sa akin noong araw kung saan naging maaga ang dismissal namin.

Noong araw na iyon, nag-quiz kami sa last period namin at sa kasamaang-palad ay ako ang huling natapos kaya ako na rin ang nautusan ng guro namin na magdala ng mga papers sa room niya.

Kinabahan ako. Bakit? Dahil room niyo 'yong pupuntahan ko.

Malayo pa lang ay rinig na rinig ko na ang ingay sa classroom niyo. Ngunit malayo pa lang kami ay kabadong kabado na ako.

Pagtapak namin ni Mrs. Leen sa classroom niyo ay bigla kayong tumahimik. Sobrang kabado ako kasi pakiramdam ko lahat kayo nakatingin sa'kin.

Matapos kong ipatong sa table ni Mrs. Leen ang mga papers ay nagsimula na akong umalis. Palihim akong sumulyap sa'yo at nakita kong nakasimangot ka lang habang nakatingin ka sa ibang direksyon.

Kumirot ang puso ko...

At nalungkot ako...

Paano ko kaya makukuha ang atensyon mo?

Dumaan ang araw at naging okay din naman ako matapos ang nangyaring 'yon. Ngunit ilang araw na rin kitang hindi nakikitang dumaan sa labas ng classroom namin. Imposible naman iyon kasi iyon lang ang daan para makalabas kayo ng school. Pero bakit gano'n? Ba't hindi kita nakikita?

Alam mo ba na parati kitang hinihintay at hinahanap matapos ang klase? Kaso ilang araw na, nag-alala na ako kaya nagtanong-tanong ako. Nalaman ko na nagkasakit ka pala...

Hindi ko alam kung kailan ang balik mo sa school.

Pero isang araw, ilang minuto nang tapos ang klase ngunit nanatili akong nakaupo sa upuan ko at nakahalumbabang tumingin sa labas ng bintana.

Nakita kita...

Hindi ko 'yon inaasahan kaya tumagal ang pagkakatitig ko sa'yo. Pero alam mo ang mas hindi ko inaasahan? Iyon ay ang lumingon ka at nginitian mo ako.

Paanong ang isang supladong lalakeng tulad mo, ay nginitian ang isang mataray na babaeng tulad ko?

Alam mo ba nang dahil do'n sa ginawa mo, lalong lumakas ang loob ko na umamin sa'yo sa Valentines Day.

Siguro...iyon na ang tamang panahon para magpakilala ako sa'yo.

Dumaan ang Valentines Day at wala man lang nagbibigay sa'kin.

Puro mga kaibigan ko lang ang nagbigay sa'kin pero wala man lang admirer. Hindi na kita inasahan kasi alam ko namang hindi ka interisado sa babae. Baka naman sa lalake ka interisado?! Hahaha char.

Pero sa kabila no'n ay mas pinili ko nalang na maging masaya. Masaya rin naman ako kasi binigyan ako ng mga kaibigan ko. Napaka-sweet nila. Binigyan ko nga rin sila eh.

May ibibigay nga rin sana ako sa'yo. Ibibigay ko sana noong break time, kaso nakita ko na may kasama kang isang babae malapit sa room niyo. Nakita kong may ibinigay siya sa iyong regalo at tinanggap mo naman. Humina ang loob ko no'n, kaya mas pinili ko nalang na 'wag ng ibigay.

Hanggang sa matapos ang klase ay hindi na ako nagbalak pang ibigay sa'yo.

Uuwi na sana ako...kaso paglabas ko ng classroom, nagulat ako nang makita kita. Nakasandal ka sa pader habang may hawak na mga Valentine gifts. Na-curious ako.

Kanino mo kaya ibibigay 'yan?

Sumilip muna ako sa loob ng classroom. Hinanap ko roon kung sino ang posibleng hinahanap mo, kaso mukhang wala kaya muli akong lumingon sa'yo. Nakatingin ka lang sa sahig.

Nagtaka ako kaya pilit kong inalis ang hiya at kaba ko at nagtanong sa'yo.

"May hinihintay ka ba?"

After Class [One Shot] Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon