"Cassiopeia..."
Iniangat ko ang aking kamay at iginuhit sa hangin ang mga butuin. Isang Cassiopeia. Mistulang letrang W lamang na itinabingi ng kaunti. Sinong mag-aakala na sa likod ng konstelasyon na iyon ay isang aroganteng ina na kung hindi dahil sa kayabangan ay muntikan pang mapahamak ang sariling anak.
"Uy Hale! May hinihintay ka bang anghel na mahulog sa langit?" Naagaw ang atensyon ko nang may bigla na lamang umakbay sa aking balikat. Ibininaba ko ang aking ulo at tinignan ang aking gilid at doo'y nakita si Rafael.
"Tinitignan ko lang ang mga bituin," pagpapaliwanag ko at itinuro ang kalangitan. Saglit naman siyang tumingin doon at agad na napangiwi. "Weird mo talaga, pare. Tara na nga, kill joy mo eh 'no," panunumbat niya sa akin.
Nagsimula nang maglakad si Rafael patungo sa kumpulan ng mga estudyante. Napakamot na lamang ako sa sarling ulo atsaka sinundan ang kaibigan.
Weird ba akong tatawagin kung magkakaintires ako sa mga bituin at mitolohiya ng mga griyego?
"Hi," natigil ako sa pagsunod kay Rafael nang may humarang sa aking babae. Binigyan niya ako ng makahulugang ngiti at inilahad ang kanang palad sa akin. "I'm Emma."
Ngumiti lang ako ng tipid at labag sa loob na tinanggap ang kanyang palad upang makipagkamay. Lalong lumapad ang kanyang ngiti at doon ko siya mas natitigan nang mabuti. Naka-hanging blouse at maikling shorts lamang siya wari'y walang pakeelam sa lamig na dulot ng gabi. Mahaba at wavy ang kanyang buhok at di ko sigurado kung pula ba o brown ang kulay niyon.
Bago pa umabot ng tenga ang kanyang ngiti ay binawi ko na ang aking palad. Kaya ayokong sumama kay Rafael sa School Fair na ito eh, hindi ko kayang makihalubilo ng basta sa mga hindi ko naman kakilala. At isa pa, wala akong interes sa mga babae. Hindi sa bading ako o ano, may isa na kasing nakakuha ng atensyon ko ngunit hindi ko naman alam kung kilala man lang niya ba ako.
"Anong pangalan mo?" tanong ni Emma sa akin.
"Hale," tipid kong sagot. Tumango tango naman siya at inalok ako ng pulang baso na naglalaman ng alak ngunit tinanggihan ko iyon. Wala akong balak maglasing ngayon dahil ayokong gumising ng tanghali bukas nang masakit ang ulo.
"Come on, mukhang mag-isa ka, hindi ka ba nabobored?" Kasabay ng pagsasalita niya ay ang paglakas ng tugtugin sa paligid kaya hindi ako nakatugon.
Narinig kong naghiyawan ang karamihan at para bang sabik na sabik na magsayawan. Ang ingay, tsk. Ano nga ulit ang tawag dito? Narinig kong binanggit ni Rafael na keg party daw ito ngunit hindi ko naman alam kung ano iyon. Pero base sa nakikita ko, isa itong party at lahat ng tao ay may hawak na pulang baso katulad ng inalok sa akin kanina.
"Tara sayaw tayo Hale!"
Nagulat na lang ako nang bigla niya akong hinila palapit sa mga nagsasayaw. Sinimulan niyang igiling ang kanyang katawan sa harap ko. Ipinatong niya ang dalawang kamay sa batok ko at ngumisi sa akin. Mistulang estatwa lamang ako sa aking kinatatayuan at pinamasdan na lamang ang babaeng ito.
T-teka.
Ngayon ko lang napansin ang kakaibang lamig ng katawan niya. Bumaba ang paningin ko sa kanyang labi at napalitan iyon ng ngiting hindi ko maipaliwanag. Inilapit niya lalo ang kanyang katawan sa akin na halos magkadikit kami sa bawat paggalaw niya. Sinubukan kong umiwas ng tingin ngunit nahabol niya iyon at nang magtama ang aming paningin ay para bang nanlabo ang lahat sa akin.