"K-kailangan ko ng tulong mo," pagmamakaawa ko habang ang tuhod ko na mismo ang bumigay upang lumuhod sa harap niya.
Pinaningkitan niya ako ng mata at humakbang palapit sa akin.
"Hindi ka isang mortal!" pagalit niyang sigaw at muli akong sinipa. Tumilapon ang aking katawan ngunit bumangon pa rin ako kahit nanghihina na.
"Hindi...ko na alam kung ano ako. Simula nang kagatin mo ako, nag-iba na ang lahat sa akin."
Muli siyang lumakad palapit sa akin at akala ko'y sisipain na naman niya ako nang mag-angat siya ng paa ngunit ipinatong niya lang iyon sa dibdib ko. "Anong ibig mong sabihin?"
Mariin akong napapikit dulot ng sakit ng katawan at ulo. Mabilis ngang humilom ang aking mga sugat ngunit hindi naman nawawala ang sakit ng pangangatawan ko. "Hindi ko alam. Hindi ko maintindihan."
Nagulat naman ako nang iniangat na naman niya ako gamit ang pagsakal sa aking leeg. Akala ko magtatagal iyon ngunit agad din naman niya akong binaba. Lalo siyang lumapit at inamoy ako. "Kakaiba ang iyong amoy," bulong niya.
Humakbang ako paatras hanggang sa tumama ang likod ko sa pader.
"I-isa kang bampira?" tanong ko sa kanya.
Akala ko, kathang isip lamang ang mga katulad niya. Buong buhay ko, pinagtatawanan ko si Rafael sa pagkahilig sa mga ganitong klaseng uri. Akala ko, katangahan na lamang ang umiiral sa mga pulis at tao para paniwalang ang mga bampira ang may kagagawan sa krimen na nangyayari ngayon. Pero ngayon, isa rin pala akong bampira... ngunit paano?
"Kaya ba ako naging bampira dahil sa pagkagat mo sa akin?"
Umiwas siya ng tingin.
"Huwag kang magpapaniwala sa haka-haka ng iba. Hindi nagiging bampira ang mga taong biktima namin. Nangyayari lamang ito kung masasalinan namin kayo ng dugo, na kahit kailan ay hindi pwedeng mangyari. Noong gabing iyon, binalak kong inumin ang dugo mo ngunit iba ang lasa nito di tulad ng sa iba... lasang dugo ng bampira." Dahan-dahan niyang ibinalik ang tingin sa akin at matapang na nagtanong. "Sigurado ka bang isa kang mortal?"
"Hindi ako katulad mo!" mabilis kong sagot. Nanlaki ang mga mata ko nang maisip ang salitang lumabas sa bibig ko. "H-hindi ko sinadaya. Wala akong balak insultuhin ka."
Mapait siyang napangisi at napansin ko ang pagsara ng kanyang mga kamao. "Alam ko ang takbo ng utak mo. Alam kong iniisip mong isa akong halimaw dahil dugo ng tao ang pagkain ko," walang emosyon niyang saad at nag-umpisang maglakad paalis.
"May pamilya ako! Si Rafael... kaibigan ko siya simula bata pa lang. Wala akong maalala na nagpapatunay na isa akong bampira. Simula nang dumating ka sa buhay ko, naging bangungot na sa akin ang lahat. Hindi ko na magawang kainin ang mga luto ni Papa dahil hindi kaya ng panlasa kong kainin ang mga iyon. D-dawn Luna... kailangan ko ng tulong mo. Kailangan kong bumalik sa dati," pagmamakaawa ko ngunit tuloy-tuloy lamang siya sa paglalakad.
Naiwan akong mag-isa at naguguluhan. Hanggang sa bumigay ulit ang aking mga tulod. 'Di ko namalayan... tumulo ang mga luha ko. Isa akong mortal. Hindi ako bampira!