HABANG nasa daan sakay ng owner jeep patungo sa simbahan ay hindi tinatantanan si Scarlet ng panunukso nina Joyce at Mateo. Itinuloy ng mga ito ang naudlot na tuksuhan kagabi. Tatawa-tawa lang si Francis na siyang katabi niya sa unahan at nagmamaneho. Siya naman ay hindi na malaman kung paano ikukubli ang namumulang pisngi.
“Bakit ba ayaw mong maniwala sa kanila na bagay tayo?” maya-maya ay sabi ni Francis.
Napatingin siya sa binata. Ngiting-ngiti ito at mukhang balak pang makisakay ng hudyo sa pangungulit ng mga pinsan nito.
“Eh, ikaw ba, Kuya? Naniniwala ka bang bagay kayo?” tanong dito ni Mateo.
Lalong napangiti si Francis. Agad niyang kinastigo ang sarili dahil pakiramdam niya ay lumundag ang puso niya nang makita ang ngiting iyon.
“Hmmm, puwede,” patango-tango sagot ni Francis.
“Kung ganoon, bakit hindi mo pa ligawan si Ate Scarlet?” ani naman ni Joyce. “Tsk! Malapit ko nang isipin na mahina ka, Kuya. Mula pa noon wala akong nabalitaan na diniskartehan mong babae, eh. Aba’y malapit ka nang mawala sa kalendaryo, ah.”
“Hoy, magbebente-otso pa lang ako. At saka hindi ko na kailangang manligaw, sila na 'yong humahabol sa akin, 'di ba?” mayabang na sabi ni Francis.
“Feeling ka talaga, Kuya!” tumatawang sabi ni Joyce.
Binalingan naman siya ni Francis. “Pero okay lang ba kung liligawan kita?”
Sandali siyang natigilan. Dama niya ang lalo pang pagbilis ng kabog ng dibdib niya.
“Pero saka na,” pagkuway nakangiting dagdag nito. “Pag-aaralan ko munang gustuhin ka. Ipagpatuloy mo lang ang pagpapa-cute sa akin para tuluyan na akong ma-in love sa 'yo.”
Pigil niya ang sarili na sungkitin ang mata ng binata sa inis nang kindatan siya nito. Nakaismid na binawi niya ang tingin rito.
“Huwag nang sumama ang loob mo, sabi ko naman pag-aaralan ko, 'di ba?” ani pa ni Francis.
“Ang kapal mo! Pakialam ko naman kung hindi mo ako magustuhan!” namumula na sabi niya. Nagkukutkot ang dibdib niya sa inis, hindi nga lang niya sigurado kung dahil ba sa pang-aasar ng lalaki o dahil sa sinabi nitong hindi pa siya nito gusto.
Kung ganoon nagbibiro nga lang siya nang sabihin niyang totohanin ang pagpapanggap naming magkarelasyon, naisaloob niya.
At nag-expect ka namang seryoso 'yon? pakli naman ng isang bahagi ng isip niya.
“Ibig bang sabihin niyan hindi mo ako gusto?” tanong pa sa kanya ng lalaki.
“Asa ka pa, hindi ikaw ang tipo ko!” aniya na nanghahaba ang nguso.
“Ano ba’ng ideal man mo, Ate?” tanong ni Joyce sa kanya.
“'Yong guwapo, matalino, mabait at madiskarte sa buhay,” tugon niya.
“Ako naman lahat ng iyon, ah?” pakli ni Francis sa kanya.
Oo nga naman, sang-ayon ng isip niya rito. “Hindi lang iyon,” aniya naman. “Gusto ko din 'yong maibibigay sa akin ang lahat.”'
“Kayang-kaya 'yon ni Kuya!” sabi ni Mateo. “'Di ba, Kuya?”
Nakita niyang sinulyapan siya ni Francis, seryoso na ang ngiti sa mukha nito. “Oo naman. Gagawin ko ang lahat para maibigay ang kailangan ng mahal ko.”
Parang napapaso na binawi niya ang tingin mula kay Francis. Lalong lumakas ang kantiyaw nina Mateo at Joyce. Hindi na siya umimikat sinikap na lang huwag pansinin ang mga ito.
BINABASA MO ANG
❤Posh Girls Series Book 3: Scarlet (Completed_published by PHR)
Romantik"Mahirap ngang lunukin ang pride, pero mas mahirap kung mawawala nang tuluyan sa 'yo ang taong mahal mo." Matigas ang ulo, mapagmataas, tamad at mayabang. Lahat na yata ng negatibong ugali ay na kay Scarlet na. Hindi iyon nakapagtataka dahil lumaki...