Unang Bahagi

266 17 0
                                    

Unang Bahagi

Ang sabi nila, ang kinamulatang pamumuhay ng bata pag dating n'ya ng tatlong taon, eh ang ugaling dadalhin n'ya habambuhay.

Ang pinaka maagang alaala ko noon ay ang lola ko – si Dada Santa, ang dakilang albularya, manghihilot at mang-tatawas sa maliit na bario namin sa Laguna. Kilala s'ya ng lahat na napaka bait, tulad ng palayaw n'ya mula sa pangalang Crisanta.

Hindi s'ya nagpapabayad, ni abuloy halos 'di s'ya tumatanggap. Ang palit sa serbisyo n'ya ay mga pagkain o ani mula sa mga taong pinapagaling n'ya, at kahit pa iyon, eh pinapamahagi n'ya sa ibang mga pasyente na nakapila sa maliit naming kubo sa paanan ng Mt.Cristobal.

"JD, nako, apo, bumaba ka sa altar at baka mahulog ang mga santo." madalas akong tawagin ni Dada Santa. "Hindi mga laruan yan!"

"Dada, laru pa kami." dahilan ko raw, tapos ay makikita n'yang nakaharap sa 'kin ang lahat ng rebultong nakapatong sa altar.

"Nako, apo, paalam ka muna sa mga kalaro mo ha, magdadasal muna tayo."

'Di makaila ni dada na madalas mag milagro ang mga santo n'ya. May virgen s'yang lumuluha ng langis, santo ninyong lumalaki, at santo sepulchro na bumabangon sa gabi. Sa kanila nanggagaling ang kakayahan n'yang manggamot, at doon naman nanggagaling ang kinakain namin araw-araw.

Sa pang-gastos naman, nag bebenta si dada ng mga gulay at halamang gamot sa palengke, kasama pa nga ako, madalas, dahil dalawa lang naman kaming nakatira sa kubo namin.

Matagal nang wala ang mga magulag ko. Ang nanay ko raw, namatay sa panganganak. Sabi nga ni dada, kung s'ya raw ang nagpalabas sa 'kin, sana buhay pa ang nanay ko, dahil may mutya s'ya ng langka na kilalang pampadulas sa bata. Pero ng panahon daw na iyon, wala sa bayan namin si tatay.

Bumalik s'ya mula Manila nang mag tatatlong buwan ako, iniwan ako kay nanay, at 'di na nagpakita mula noon.

"JD, nawisikan mo na ba ang paninda?" tawag sa 'kin ni lola.

Kinuha ko sa altar ang isang maliit na baso na may lamang tubig ulan. Sa ilalim nito ay may maliit na buko ng sampaguita – isang mutyang gawa sa batong buhay. Binasa ko ang mga daliri ko at iwinasik ito sa mga pinamitas naming gulay at prutas.

Siguradong babango sa paningin ng mga mamimili ang mga ito, at bago matapos ang araw ay mauubos nanaman ang paninda namin.

"Halika na, JD, alis na tayo."

Inakay ako ni nanay. Puno na ng ugat ang kamay n'ya at ng kulubot ang kanyang mukha, pero diretso pa rin ang kanyang tayo, at ni minsan, hindi ko pa s'ya nakitang hingalin sa lakad namin pababa ng Cristobal papuntang simbahan kung saan n'ya ipinu-pwesto ang dala n'yang bilao.

Habang nagtitinda ay maglalaro naman ako sa paligid, o kaya ay magpupunta sa altar para kausapin ang mga santo roon.

"Dada, sindi?" naka sahod ang kamay ko, humihingi ng barya para mag sindi ng kandila.

"O, eto, ipag dasal mo ang nanay mo sa langit ha, at ang ama mo, kung nasaan man siya."

Masaya akong tumakbo papasok ng simbahan, hinulog ang mga barya sa latang nakatabi sa mga kandila, at saka nag sindi ng dalawa.

Hindi ko alam na may sumusunod na pala sa akin. Nagdarasal pa ako ng ipatong n'ya ang kamay n'ya sa balikat ko.

Kinilabutan ako at napatingin sa taas.

"John?" sabi n'ya. "Ikaw na ba yan, anak?"

Nakangiti s'ya sa 'kin. Matangkad s'ya at mukhang mamahalin ang suot na damit. Para s'yang 'yung duktor na madalas dumaan sa 'min para kamustahin ang rayuma ni nanay, pero ang mga mata n'ya, salbahe. Ayoko ng mga matang tumitingin sa akin, pati na rin ang maduming kulay na nakabalot sa kanya na parang burak sa kanal ang dilim.

Liwanag at DilimTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon