Chapter 8

3.4K 59 0
                                    

GINABI na siya sa pag-uwi dahil nagkatuwaan pa silang mga naiwan na sulitin ang araw na magkakasama sila, pagkatapos kasi niyon babalik na naman sa normal ang lahat, kailangan na namang magtrabaho maliban sa kanya dahil wala na siyang trabaho. Kung minsan nga gusto niyang balikan na ang pagtuturo dahil nabubuwang siya kapag walang magawa sa bahay, tutal ang sabi naman ni Mrs. Vergara noon sa kanya welcome pa rin siya kung maisipan niyang bumalik. Sana pala nag-leave na lang siya at hindi nag-resign.

Patay na ang ilaw sa buong kabahayan nang dumating si Genel, malamang na tulog na ang mama at kapatid niya dahil maagang matulog ang mga ito. Dahan-dahan niyang isinasara ang pinto nang may magsalita sa may likuran niya.

"Bakit ngayon ka lang umuwi, saan ka nanggaling?"

"Ay kabayo!" Dumulas tuloy ang bag na nakasukbit sa balikat niya. Pagpaling ni Genel sa likuran sumalpok naman ang mukha niya sa solido at malapad na dibdib. Nanuot ang amoy ni Earl sa kanyang ilong. Kinapa ng kamay niya ang switch sa dingding at ilang sandali pa ay bumaha na ang liwanag. "What are you doing here?"

"Wala akong nakikitang masama kung dumalaw ako sa aking fiancée."

Wow, ang sarap sanang pakinggan niyon kung naiiba-iba lang ang sitwasyon.

Dahil hindi hamak na mas matangkad sa kanya ang binata kinailangan pang tumingala ni Genel para lang makita ang ekspresyon ng mukha nito, at nakaka-disappoint na hindi man lang niya makitaan ito ng kahit na anong emosyon. Maano ba namang ipakita nitong galit ito sa kanya, matatanggap naman niya iyon dahil siya ang nagkamali. Mas nasasaktan kasi siya na wala man lang itong sinasabi, na ipinaparamdam nitong wala itong nararamdaman o "say" sa mga nangyayari sa pagitan nila. Ano ba ito nagpapanggap na tuod? Mas gugustuhin pa yata niyang yumakap sa rebulto ni Jose Rizal kapag nagkataon!

Pero ano nga ba ang magagawa niya? Sa huli naman kasi isa pa rin ang katotohanang sasampal sa kanya, na wala siyang karapatang mag-demand. Hindi siya ang biktima kundi si Earl. Binale-wala na lang niya ang presensiya ni Earl at sinubukang kalmahin ang kanyang pusong nagwawala. Dadamputin niya sana ang bag pero naunahan siya ni Earl.

"Thanks." Hinawakan niya ang strap ng bag ngunit hindi iyon binitiwan ni Earl. "Earl?"

"Ang laki na ng ipinagbago mo," wika nito.

Sino ba ang hindi magbabago pagkatapos ng lahat gayong paulit-ulit ang sundot ng konsensiya sa kanya?

"Earl..." Huminga siya nang malalim. Nagulat siya nang tumaas ang kamay nito at haplusin ang mukha niya. Napapikit si Genel nang maramdaman ang mainit nitong palad. "May pagkakataon ka pang umurong sa kasal."

Nang muli niyang imulat ang mga mata sinalubong niya ang titig ng binata. And she was surprised to see a flicker of sadness written in his eyes.

"Gusto mong umurong ako sa kasal natin?"

"Habang maaga pa, Earl. Puwede kong kausapin ang mga magulang natin para magpaliwanag."

Hindi umimik ang binata.

"I'm sorry..." Hinawakan ni Genel si Earl sa magkabilang braso. "Dahil sa 'kin kailangan mong gawin ito... Sinira ko ang tiwala ng mommy mo sa 'yo, sinira ko ang magandang pagtitinginan ng mga pamilya natin at higit sa lahat nasira ko ang magandang pagkakaibigan natin..."

At ang lahat ng iyon ay dahil minahal niya ito. Siguro hindi talaga ganoon kabuti ang naidudulot ng pagmamahal. Love can bring you joy and at the same time it can destroy everything good in mankind. And yet, it was love and love alone that can heal all the wounds and teach you how to forgive and move on with life. Therefore, love is ironic.

"Tahan na, Genelyn..." Lalo pang naiyak si Genel nang tawagin siya nito sa buo niyang pangalan. Napakasuyo noon at tila isang kamay na hindi nakikita ang humaplos sa kanyang puso. "You know I hate seeing you like this. Ang Genelyn na gusto kong makita ay 'yong nakangiti at masaya, nakikipag-asaran sa 'kin. Kaya please lang, ibalik mo sa 'kin ang best friend ko."

Chasing Hearts 3: Wicked WayTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon