SINAMAHAN nga ni Genel si Earl sa mall para bumili ng damit nito. Feel na feel ng dalaga ang mga sandaling magkasama sila ng binata. Umangkla pa siya sa hraso nito na animo linta, tinapunan lang siya ng tingin ng binata at bale-walang ipinagpatuloy ang paglalakad.
Pumasok sila ni Earl sa loob ng store kung saan palagi itong bumibili ng damit. Kung makukuha nga lang na modelo ang binata ng clothing line na gumagawa ng mga damit na iyon, natitiyak ni Genel na magsasawa ito sa damit lalo na at makakalibre ito. Ngunit sa kabila ng kaguwapuhang taglay at magandang hubog ng pangangatawan ay wala sa bokabularyo ni Earl ang pumasok sa pagmomodelo. Natatandaan pa niya ang naging sagot sa kanya ng binata noong hinikayat niya itong pumasok sa modelling."I'm too busy. Saka hindi ko na kailangan pang maging modelo para lang dumugin ako ng mga kababaihan!"
Isang saleslady na malapad ang ngiti na animo nasampal ng hangin ang sumalubong sa kanila ni Earl. Ah, hindi na dapat mag-isip pa si Genel kung bakit ganoon na lang makatitig ang babae sa binata. Earl and his undeniable charm! Napabuntong-hininga na lang siya saka binigyan ng nanlilisik na tingin ang saleslady na mukhang madali namang natauhan dahil tila nahihiyang napalis ang malapad na ngiti nito sa binata. Naka-beast mode si Genel sa tuwing may babaeng magtatangkang maglumandi kay Earl. Tama na iyong si Yvette na lang ang karibal niya sa binata. Marami siyang magiging kaso sa hukuman kapag nagkataon!
"Sir, Ma'am, may hinahanap po ba kayo?"
Alam naman ni Genel na trabaho na talaga ng mga saleslady ang ganoon, iyon nga lang kung minsan kinaiinisan niya iyon. Feeling niya wala siyang karapatang mamili ng gusto niyang bilhin, nag-iisip pa lang siya may nag-uusisa na at ang kadalasan buntot pa nang buntot habang namimili. Bumaling siya kay Earl at ibinandera sa harap nito ang mukha niyang nagsasabing ayokong-may-abala-dahil-gusto-ko-tayong-dalawa-lang na mukhang mabilis naman nitong naunawaan.
Nakangiting binalingan nito ang saleslady, apologetic ang ngiti nito. At allergic siya roon dahil kapag nakikita niya ang ngiting iyon ni Earl parang nalagutan siya ng garter ng panty. "Sige lang, Miss. We can manage."
Nakangiting iniwan na sila ng saleslady, pero alam ni Genel na naiinis sa kanya ang babae. Aba, ay di humanap ito ng sariling boylet!
As if naman boylet mo si Earl!
Sa panunumbat na iyon ng alter-ego, napasimangot si Genel. Shut up, ang buwelta niya rito. At bago pa mapansin ng binata ang pagbabago ng timpla niya itinulak na niya ito sa hilera ng mga damit.
Hinalikwat niya ang mga naka-hanger na long-sleeved polo at namili ng kulay na babagay kay Earl. Matapos niyang makakolekta ng limang piraso ay isinalaksak niya iyon sa dibdib ng binata at itinuro rito ang fitting room. Mabilis naman itong tumalima. Nang ganap nang makapasok si Earl ay ang mga necktie naman ang pinagdiskitahan niya.
Nakapili na siya ng mga necktie na babagay sa mga napili niyang long-sleeved shirts nang lumabas si Earl mula sa fitting room suot ang kulay itim na napili niya. Malapad ang naging ngiti ni Genel nang makita itong suot iyon, bumagay sa binata ang itim na kulay at mas lumutang pa ang pagiging maputi nito. Iniabot niya rito ang napiling necktie, stripes ang disenyo niyon at ang kulay ay pinaghalong black at grey. Muling pumasok ang binata sa loob ng fitting room at sa pagbalik nito nakangibit na sa kanya. Natawa naman siya nang makitang basta na lang nitong ibinuhol ang necktie.
Lumakad si Genel palapit sa binata at inayos ang pagkakabuhol ng necktie nito.
"Alam mo namang hindi ako sanay magsuot ng tie, 'di ba?" ani Earl na parang batang nagtatampo dahil nakalimutan itong dalhan ng pasalubong.
"I know..." nakangiti niyang tugon habang pinag-iigi ang pag-aayos ng necktie nito. "There..."
"Kung gano'n bakit ipinili mo pa ako ng tie?"
BINABASA MO ANG
Chasing Hearts 3: Wicked Way
RomanceKapag nagmahal ka, minsan kahit alam mong mali... susugal at susugal ka. Ganoon ang ginawa ni Genel nang magkaroon ng pagkakataon. Gumawa siya ng palabas para paghiwalayin si Earl at ang girlfriend nito, ngunit ang kunwarian ay naging totohanan. Nga...