"APOY"
ni iam_jasonUmaga pa lamang ngunit nagdidilim ang kalangitan na kahit mainit ay may nagbabadyang ulan. Mga puting tela'y sa puno'y nakasabit, sa gitna ng damuhan ay mayroong mga upuan at sa gitna nito ay may pulang daanan. Ang mga tao'y nakaputi, napakalinis at disente, mayroong mga matatamis na ngiting nakapaskil sa mga labi.
Napadako ang aking tingin sa dulo ng pulang daan, sa ginoong nakangiti sa kinatatayuan, na para bang may hinihintay at kinasasabikan. Tumabi sa akin ang aking kaibigan at sabay na naglakad patungo sa altar, nang malumanay at mabagal.
Habang papalapit ay bumabalik sa akin, ang mga alaalang mahirap burahin, mga alalang hanggang sa kamatayan ay aking dadalhin. Nakangiti kong sinalubong ang kaniyang mga tingin, na 'di man lamang dumako sa akin.
Abot langit ang mga ngiti ngunit may mga luhang ikinukubli, nang iabot ko sa kanyang kamay na nakalahad, ang kamay ng kaibigang minamahal. Pag alis ko sa altar ay siya ring pagbuhos ng ulan, sabay sa pagdaloy ng luhang pinipigilan.
Hindi naman natinag ang kasalan at ang seremonya ay agad na inumpisahan. Ako'y ngumiti ng mapait habang nakatayo sa kalayuan. Walang pag-aalinlangan kong inilapat, ang aking daliri sa mitsa ng itinanim kong galit at poot.
*BOOOOGGGGGSSSSSHHHH!
Nagimbal ang lahat at natinag sa kinatatayuan. Naghalo ang dugo't tubig-ulan sa kanilang kinatitirikan at umalingawngaw ang kanilang pagdaing at pagsigaw.
Dumanak ng dugo at nagkalat ang mga bangkay. Ang espesyal nilang araw ay naging bangungot sa kanilang buhay. Gumuhit ang isang ngiti sa aking mga labi, dahil nasisiyahan sa nasaksihang apoy sa ulan.
Unti-unting naglaho ang eksenang iyon hanggang sa matagpuan ko ang aking sarili na nakaupo sa isang kama dito sa isang puting silid habang pinagmamasdan ang ulan sa labas ng bintana. Muli na namang nanumbalik ang alaala ng malagim na trahedyang iyon.
"Ma'am, inumin niyo na po 'yung gamot niyo", mahinahong sambit ng isang babaeng nakasuot ng puti nang ito'y lumapit sa akin ng may dalang tabletas at isang baso ng tubig. Tumingin ako sa kabuuan ng kuwarto at ang lahat ng nandito ay mga pawang nawawala sa ulirat katulad ko.
#MAYUlanNa
#ForbiddenPoetry2019
BINABASA MO ANG
Apoy (One-shot) (Completed✔)
Short Story"Apoy ng inipong galit at poot" Official entry for #MAYUlanNa