ISANG dalaga ang nakahiga sa bubong ng bahay at malayang nakatunghay sa nagkikislapang bituin. Naka-unan siya sa magka-ekis niyang braso. Siya si Yumi--ang dalagang sagana sa 'sana'. Gumugugol siya ng oras upang kausapin ang mga bituin sa bubong ng kanilang bahay.
"Sana, bukas mayaman na ako. At sana, mahanap ko na ang Prince Charming ko," halos pabulong niyang sambit ngunit mababasa iyon sa pagkibot ng kanyang bibig.
Napangiti ang dalaga nang makitang kumislap ang isa sa malaki at maliwanag na bituin. Wari ba'y hudyat iyon na malapit nang matupad ang kanyang kahilingan.
"Ma, Pa, kumusta na po kayo riyan sa langit? Pakibulong naman po kay God, sana'y tuparin na Niya ang aking kahilingan. Para makabayad na ako ng mga utang natin. At upang sa gayon po'y hindi na magalit sa akin si T'yang Lour--" Naputol ang kanyang pagsasalita nang marinig ang sigaw ng tiyahin.
"Mayummiiii, nasaan ka na naman baaa?"
"Lagot! Hindi pa nga pala ako tapos sa gawain ko!" mabilis na bumangon si Yumi at tinalunton ang bintana ng kanyang silid. Subalit, napalingon muli siya sa kalangitan. "Lord, pagpasensiyahan mo na po ang tiyang ko, ha! Mabait naman po talaga siya." Pagkawika niya'y lumusot na siya sa bintana ng silid.
Inisang hakbang lamang niya ang limang baitang na hagdanan, na yari sa kahoy patungo sa ikalawang palapag. Naabutan niya na nakapamaywang si Lourdes sa harap ng silid nito.
"Natutulog ka na naman ba? Hindi pa oras ng pagtulog, hindi ba?" Naningkit ang mata ni Lourdes habang nagsasalita.
"Hindi po, Tiya. May ginawa lang po ako sa silid ko."
"Hay naku, Ma, sigurado ako na nakahilata na 'yan sa higaan niya."
"Nakita mo ba?"
Umiling ang kanyang tinanong.
"Hindi naman pala eh! Kung makapagsagot ka ng sigurado, wagas!"
"Mama oh! Sinasagot na ako ni Yumi ngayon." Nagpapadyak si Althea na animo'y bata.
"Tumigil ka na nga, Althea! Pumasok ka na ngayon sa kuwarto! Maaga pa tayong aalis bukas!" hiyaw ni Lourdes sa anak. "At ikaw," baling nito kay Yumi. "Tapusin mo na ang gawain sa ibaba. Mamamalantsa ka pa ng isusuot namin bukas."
"Opo, T'yang Lourdes."
Tinungo na niya ang ibabang bahay upang tapusin ang naiwang gawain. Naratnan niyang nakalatag pa ang kinainan ng mag-ina. Napa-iling na lamang siya habang inaayos iyon. Dinala na rin niya sa lababo ang mga pinggan at inumpisahang hugasan.
Dalawangpu't-walong taong gulang na siya at mahigit sampung taon na siyang ina-alila ng mag-ina. Ang buhay niya'y maihahambing sa buhay ni Cinderella subalit may pinagkaiba, wala siyang fairy god mother na sumusubaybay sa kanya. Kung may pagkakaiba, may pagkakapareho rin naman--ang pinsan niyang si Althea. Ang dalagang hindi naman kagandahan pero kung pumapel ay tinalo pa si Angel Locsin. Palaging may hawak na salamin. Makinis at maputi ang balat nito dahil sa sandamakmak na glutathione na itinuturok sa katawan. Anak ito ng Tiyang Lourdes niya--ang tiyahin niyang saksakan ng bait. At kapag ito'y sumigaw, walang binatbat ang haba ng traffic sa EDSA sa sobrang haba at tiyak na mapapatakip ng tainga ang sinumang makaririnig nito. Pihadong matatanggal ang pinaka-tago-tagong tutuli.
Ipinunas ni Yumi ang kamay sa nakasabit na damit. "Thank you, Lord, natapos na ang isang gawa," nawika niya.
Kasunod niyon ay dinampot na ang timba sa gilid ng kusina, nakalagay sa loob niyon ang basahan. Umakyat sa hagdan at simula sa ikalawang palapag ay maingat niyang pinunasan iyon gamit ang basang tela. Pati kasulok-sulokan ng bahay ay pinunasan din niya. Iyon ang bilin sa kanya ng tiyahin at dapat ay pulido ang gawa. Hanggang sa hagdanan at bawat kanto ng bahay ay pinunasan niya. Para raw paggising ng mag-ina kinabukasan ay malinis at mabango ang paligid. Gabi-gabi niyang ginagawa iyon, na noong una ay ikinahina pa ng katawan niya.

BINABASA MO ANG
YUMI and the GOLDEN MANSION(Complete)
RomanceTaga-laba, taga-luto, taga-linis ng bahay, ilan lang ang mga iyan sa naka-atang na gawain kay YUMI. In short, all around maid but no sahod. Magbabago lamang ang takbo ng kanyang buhay nang magkrus ang landas nila ni VINCENT--ang binatang hindi malam...