Katanghalian ng Linggo.
Maya't maya ang pagtingin ko sa aking relo. Anong oras na kasi diba? Alas-diyes ng umaga ang napagusapan pero tanghali na at nakakaramdam na ako ng gutom. Pero sanay na ako, lagi naman kasing ganito. Walang update update pero ako, kailangang laging updated sa kaniya. Ang unfair. Pucha, hiwalay na nga kami naghihintay pa rin ako ng ganito katagal. Mga babae nga naman talaga 'o.
Oo, masakit na wala na. Pero sa isang banda, kaya ko pa talaga. Gusto ko pang kumapit pero siya, ayaw na. Nakakagago lang ang tadhana. Maayos naman na kami eh. 'Yun nga lang, mas gusto niya ng mas kumportable at mas magandang buhay. Gustuhin ko man siyang itali sa akin pero alam kong lalo lang lalala ang sitwasyon namin.
"Hindi raw magwo-work out ang LDR", sabi niya. May tiwala naman ako sa kaniya pero sa akin daw ay wala siyang tiwala, wala na. Okay, point taken. Napakagago ko naman kasi noon. Inom dito, inom doon; babae rito, babae roon. Alam ko kasing kahit anong mangyari, nandiyan lamang siya at hindi niya ako iiwan. Masyado niya akong mahal to the point na kahit itaboy ko siya ay ayaw pa rin niya akong bitawan. Kaya sa kabila nang lahat ng nangyari sa amin noon, tinanggap niya ako ng buong buo hanggang sa dumating ang panahon na napagbago niya na ako nang tuluyan.
Ewan, tinamaan na rin ata ako. 'Yung feeling na lubog na lubog ka na at hindi na makaahon. 'Yung nakikita mo na siya ang babaeng naglalakad kapag ikakasal ka. 'Yung siya ang nakikita mong magiging ina ng mga anak mo. Magkahawak kamay ninyong lulutasin ang lahat ng problema, maliit man ito o malaki. Pero hindi eh. Dumating na siya sa puntong pagod na pagod na siya. Sabi pa niya, may konti pa naman daw na natira, at para na raw sa sarili niya iyon. Masyado na raw siyang wasak para ibigay pa niya ang sarili niya sa iba.
Hindi naman siguro ako magmamakaawa ng ganito kung hindi ko siya mahal. Tangina, ano ba 'tong mga naiisip ko, ang corny pucha. Pero ang sakit pare, ang sakit sakit.
Mas masakit pa ata ito kaysa sa malaman kong nag-cheat siya sa akin. Mahal na mahal ko siya pero ayoko naman siyang makulong sa akin dahil lamang sa selfishness ko. Kaya pagkatapos ng napakahabang argumento na may halong walang humpay na sigawan (okey, muntik ko nang mabato ang hawak ko noon sa kaniya) ay napaupo siya sa isang tabi.
"Ayoko na, pagod na'ko. Palayain mo na ako", eksaktong pagkakasabi niya kasabay nang pagpatak ng kaniyang mga luha. Hindi ko alam ang aking gagawin, para akong tuod na nakatingin lang sa kaniya. Tangina, lahat ata ng energy ko naubos. Ayoko na rin. Kaya kahit ayaw ko ay napagpasyahan na rin naming itigil na ito.
Mas mabuti na raw ito dahil hindi namin sigurado kung anong mangyayari paglipas ng mga taon lalo pa't milya milya ang pagitan naming sa isa't isa. Kaya okey na rin siguro ito; matatanggap ko rin siguro ito. Ganito siguro kapag nagmamahal ka ng totoo, kahit masaktan ka ayos lang, basta siya, masaya. De joke, narinig ko lang sa mga pelikula 'yan. Pero pucha bakit parang ino-own ko yung ideology na 'yun? At tangina, ito ang malala, bakit umaasa akong babalik siya sa akin pagkatapos ng pag-aaway na ito kagaya ng ginagawa ng mga bidang artista sa pelikula?
Putangina tama na, paulit ulit na. Erase erase!
Speaking of gutom, dapat pala nagbaon ako ng tubig, medyo mainit pa naman ngayon. Buti na lang malilim dito sa kinauupuan ko, ang lugar kung saan una kaming nagkakilala.
Naaalala ko noon, college days, neneng nene pa siya. 'Yung tipong hindi makabasag pinggan. Kahit walang make-up at pawisan nang mga panahon na iyon, maganda pa rin siya sa aking paningin. Kahit nambabae ako noon, siya pa rin ang pinakamagandang babae sa aking mga mata. Kahit na bakas na ang kaunting pagbabago sa mukha niya gawa ng pagtanda ay siya pa rin. Kahit pagtanda ay hinding hindi magbabago ang pagtingin ko sa kaniya.
Pero ang laki na nga ng kaniyang pinagbago. Nakakatuwang isipin pero sana, tayo pa rin hanggang huli.
Tama na, ano ba! May pagdiin ang pagpikit ng mga mata habang umiiling iling.
Nagmulat ng mga mata. Inhale, exhale. Inhale, exhale. Ayan, kumalma na, kahit papaano.
Tamang tama, nandito na rin siya. Hay sa wakas!
Ganito rin ang mga tagpo ng una naming pagkikita. Noon, marami siyang dalang libro't naka backpack siya. Pero ngayon, maliit lang ang bag na kaniyang dala at dalawang malalaking paperbags ang kaniyang dala dala. Alam na alam ko ang nilalaman ng mga iyon.
Nagkatinginan kami. Nginitian ko siya ng tipid samantala'y diretso lang ang kaniyang tingin, walang emosyon. Halata na namamaga pa rin ang kaniyang mata, manhid na sa kakaiyak. Bukod doon ay may pagkairita rin ang kaniyang mukha at alam ko ang rason kung bakit. At alam ko ring ito na ang huli naming pagkikita kaya pinilit ko talaga ito.
Napatayo ako sa aking kinauupuan at lumapit upang tulungan siya kagaya ng dati. Bago ko pa man makuha ang mga bag sa kaniyang mga kamay ay inilapag niya na ito.
Hindi ko na papatagalin 'to. Alam kong gutom na gutom ka na at kung yayayain mo'ko, hindi na puwede. Diyos ko, kung hindi ko pa ipapaalala ang oras---
Siya na mismo ang tumigil sa pagsalita. Napangiti ako nang wala sa oras na bigla ring naglaho nang irapan niya ako.
Salamat sa pagpunta. Iyon na lamang ang nasabi ko.
Patuloy lang siyang nakatingin sa akin at wala pa ring emosyon kaya napayuko ako. Nakita ko ang box pinaliit na bersyon ng aking relo sa ibabaw ng mga gamit. Kinuha ko ito at nang makita ko na nandoon ang relo'y itinapat ko ito sa kaniya. Umiling iling siya at tumingin sa ibaba.
Keep it.
Balak mo na talaga akong kalimutan ah!
Napatawa ako nang mahina at napatingin ako sa kaniyang pulso. Bagong relo 'yan ah!
Matagal na 'yan. 'Di ko lang nakagawiang isuot.
Maikling katahimikan, parehong hinahanap ang gustong sasabihin. Nagkasya na lamang sa pagtitinginan.
O siya, aalis na ako. Marami pa akong ieempake.
Tumalikod na siya. Tatawagin ko ba siya o hindi? Puta, bahala na.
Isinigaw ko ang pangalan niya. Napatigil lang siya sa paglalakad pero hindi niya ako nilingon.
Katahimikan. Kasabay ng huni ng mga ibon sa paligid ang kaniyang buntong hininga habang patuloy na nakatalikod sa akin.
Bumagal ata ang takbo ng mundo.
Naumid ata ang aking dila. May luha na ring namumuo sa aking mga mata, sa kaniya kaya?
Hanggang sa tuluyan na siyang umalis. Makikita ang pagpunas niya sa kaniyang mga mata at maririnig ang mahina niyang pagsinghot. Wala akong nagawa kundi tignan lamang siya hanggang sa makasakay na siya ng kaniyang sasakyan.
Tuluyan na akong napako sa aking kinatatayuan. Ang mga luhang kanina pang nagbabadyang tumulo'y natuyo na.
Ayoko na siyang pigilan. Alam kong nakapagpasya na siya at wala ng makakapigil doon.
Sa wakas ay nagkaroon na ako ng lakas na dalhin ang mga paperbag.
Huling sulyap muna bago tuluyang umalis sa lugar na iyon nang may mapait na ngiti sa aking labi.
Hinding hindi kita makakalimutan. Alam kong tayo pa rin hanggang sa huli.
Sana nga.
----
Hi, may binago lang akong kaunti at balak kong dagdagan ng isa pang chapter para masaya tayong lahat. Sana magustuhan ninyo. Maraming maraming salamat sa pagtangkilik.