"Ano kaya itsura ng bagong university ko?" Tanong ni Rei Xiu sa kaniyang sarili habang nakaharap sa salamin, tinitingnan ang sarili bago tuyuin ang kaniyang mukha sapagkat ngayon pa lamang niya masisilayan ang bagong unibersidad na kaniyang lilipatan.
Masyadong siyang nananabik na makapag-aral sa bagong unibersidad na kaniyang lilipatan dahil ayon sa kaniyang mga kaibigan na nag-aaral doon ay maganda ang kwalidad ng pagtuturo roon kumpara sa dati niyang unibersidad.
Kakagraduate lamang niya ng high school at ayaw na niyang mag-aral sa eskwelahan niya dati dahil araw lamang ng examinations ang pinapasukan niya roon sapagkat hindi nagtuturo nang maayos ang mga guro roon kaya mas ginusto na lamang niya mag-aral sa bahay nang sarili.
"Sino ba naman kasi ang hindi aalis sa unibersidad na iyon kung sobrang mahal ng matrikula tapos hindi nagtuturo nang maayos?" Reklamo niya sa kaniyang sarili habang nagsisimulang maglagay ng kolorete sa kaniyang mukha.
Sa kaniyang pag-aayos, may narinig siyang mga yapak na galing sa labas ng kaniyang kuwarto dahilan upang mapahinto siya saglit upang kilatisin kung kaninong yapak iyon.
Nakasanayan na niyang hulaan at ipaghambing ang mga yapak ng mga taong nakatira sa kanilang bahay magmula ng pinili niyang mag-aral na lang sa bahay kesa pumasok sa unibersidad niya dahil marami pa siyang natututuhan sa bahay kesa sa paaralan.
"Si yaya siguro ito." Bulong niya sa sarili habang ang mga mata ay naniningkit, matapos niyang hulaan kung sino ang naglalakad papunta sa kaniyang kuwarto ay ipinagpatuloy na niya ang kaniyang ginagawa.
Ilang sandali pa lamang at nakarinig siya ng tatlong katok sa pinto, "Renshu? Iha?" Tawag ng boses ng isang matandang babae, at hindi naman maiwasang mapailing ni Rei Xiu sapagkat namali na naman ng bigkas ang yaya Anna niya sa pangalan niya.
"Nandito po, ya. " Sagot ni Rei Xiu nang marinig ang boses, at tuluyan na ngang bumukas ang pinto kung saan bumungad ang isang babae na nasa 40s na ng kaniyang edad, nakasuot ito ng itim na bestida na may kahabaan—abot tuhod. Ang buhok nito ay nakatali, at walang mababakas na gusot sa kaniyang kasuotan. May dala-dala itong itim na basket na may lamang mga damit.
Nang makapasok si Anna ay panandaliang huminto si Rei Xiu sa kaniyang ginagawa at nilingon ito, sabay kamot sa batok. "Ate Anna naman... Rei Xiu po iyon, REY SHIU po, hindi po Renshu." Reklamo nito na ikinatawa naman ni Anna dahil palagi na lamang nagrereklamo ang alaga niya sa kaniya.
Lumapit naman ito kay Rei Xiu at ibinaba ang dala-dalang basket at iniharap muli si Rei Xiu sa salamin, "Ikaw talagang bata ka, binibiro lamang kita." Ani nito sabay sundot sa pisnge ng kaniyang alaga. Hindi naman mapigilan ni Rei Xiu na mapangiwi dahil sa isinambit ng kaniyang ate Anna.
"Oh, sya, at ikaw ay bumaba na, hinihintay ka na ng iyong magulang sa baba. Ma-la-late na raw kayo." Ani pa ni Anna at marahang tinapik-tapik ang balikat ni Rei Xiu at dinampot ang basket na kaniyang ibinaba at nagtungo sa banyo ng kwarto ni Rei Xiu upang kumuha ng mga damit na marurumi nito. Hindi na lamang sumagot si Rei Xiu at ipinagpatuloy ang kaniyang ginagawa nang matapos na siya.
"Baba ka na ah?" Bilin ni Anna pagkalabas niya sa banyo at nagtungo papunta sa pintuan ng kuwarto ni Rei Xiu. Tanging tango na lamang ang itinugon ng abalang si Rei Xiu.
---
Kasalukuyang binabagtas nila Rei Xiu at nang kaniyang mga magulang ang masukal na daan papunta sa kaniyang unibersidad. Kahit saan man tumingin sa bintana ay puro matatayog na puno ng buko ang makikita roon. Habang ang kalsada na kanilang dinadaanan ay hindi ganoong kasementado kaya't mabagal lamang ang kanilang takbo.
"Hindi ba ako mahuhuli nito?" Pabirong tanong ni Rei Xiu sa kaniyang magulang habang iginuguhit ang nadadaanang mga puno sa kaniyang libro, nang mapansin ang takbo ng kanilang sasakyan, at bahagyang sinulyapan ang kaniyang mga magulang at ibinalik muli ang tingin sa labas.

BINABASA MO ANG
The Cadaver University
FantasyCadaver University, isang pribadong tagong unibersidad ngunit tanyag sa larangan ng pagtuturo ng medisina. Marami ang naeenganyo na mag-aral dito sapagkat bukod sa ito ay tanyag na unibersidad ay hindi rin gaano kamahal ang matrikula na kailangan ba...