Para sa inyo.

564 1 0
                                    

(NOTE: This post is dedicated to all teachers, not only to those connected to the author. It was made in commemoration of the National Teachers Month and the World Teachers Day.)

Ma'am. Sir. Titser. 

Ito ang mga salitang madalas kong itinatawag sa mga taong nakasasalubong ko sa paaralan mula unang aralin hanggang uwian. Sila ang mga nagsisilbing pangalawang magulang ng mga tulad ko sa mga taon ng paghahanap sa sarili at sa sariling kakayahan. Bukod pa roon, sila rin ang nagsisilbing gabay sa panahon ng pagtanggap at paggamit ng kaalaman mula sa mga turo ng edukasyon.

Sila ang mga tinatawag nating "guro", "titser", at dapat din, "taga-gabay".

Noong nasa primary education pa lang ako, si Ma'am Ellen ang naging guro ko. Siya ang namamahala sa day care center na pinapasukan ko noon, at siya pa lang ang nagtuturo roon sa mga panahong iyon. Matanda na siya noon - tantiya ko'y mahigit 50 taong gulang - ngunit ang nakatutuwang senaryo ay nandiyan pa rin siya para turuan ako at ang mga kaklase ko.

Hindi kalakihan ang sinusuweldo niya sa paaralan dahil pag-aari iyon ng pamahalaan ng Navotas (na sa mga panahong iyon ay isang munisipalidad pa lamang). Ngunit wala siyang pakialam doon dahil ang mahalaga, kumikita siya. Ang gusto niya lang naman ay turuan ang mga batang tulad ko ng pagbabasa at pagbibilang para maging handa kami sa pagpasok sa elementarya.

Minsan, habang oras ng pagkain, itinanong ko sa kanya,                                                                      

"Ma'am Ellen, wala po ba kayong balak magretiro sa pagtuturo? Tumatanda na rin po kayo. Uso pa naman po sa matatanda ang malulubhang sakit."

Ito ang kanyang isinagot:                                                                              

"Rafael, hangga't kaya ko pang magturo ay gagawin ko. Kaya nakikita mo na malusog ako at kaya ko pa rin hanggang ngayon ang mabibigat na trabaho. Hindi ako katulad ng iba diyan na kung kailan tumanda, saka nag-buhay-bata. Sila, puro bisyo - ngayon, tanong ko sa 'yo: nasaan na ba sila ngayon? Hayun, maaaring nakakulong, nasa mental hospital sa Mandaluyong, o nasa kabaong na.    

Ako, iginugol ko ang aking buhay sa paghubog sa inyong mga bata. Kaya alam kong wala akong dapat ipag-alala sa aking pagtanda. Magtuturo pa rin ako sa abot ng aking makakaya."

Sa aking pagtatapos sa kindergarten, isa ako sa mga pinarangalan bilang pinakamahusay na mag-aaral. Malaking tulong ang pagsusumikap ko. Pati na rin ni Ma'am Ellen - na sa kabila ng katandaan ay laging nandiyan para turuan ang mga mahihirap na kabataan.

Sa ngayon ay nakikita ko pa rin si Ma'am Ellen sa day care center na iyon. Siya rin ang naging guro ng aking dalawang nakababatang kapatid na lalaki. Ang maganda sa kasalukuyang sitwasyon niya, may dalawang guro na siyang kasabay na nagtuturo roon.

Maganda na rin sana ang unang taon ko sa elementarya sa Paaralang Dagat-dagatan, ngunit isang malungkot na pangyayari ang naganap.

Taong 2001 nang maganap iyon. Noon ay alam ko kung gaano ako katalino kaya pursigido akong magtaas ng kamay para tawagin ako ng mga guro. Aminado ako na noong panahong iyon - ako ay may pagka-aburido.

Klase noon sa Filipino at oras na ng recitation. Nagsimulang magtawag ng mga estudyanteng sasagot sa mga katanungan si Ma'am Gina, ang aking titser. Noon ay nakaramdam ako ng pagka-aburido dahil hindi pa niya ako tinatawag. Dahil doon, naihampas ko ang kamay ko sa likod niya nang hindi sinasadya. Mabuti na lang at medyo mahina iyon.

Guro. Titser. Taga-gabay. (A ONE-SHOT FOR TEACHERS)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon