Dingas

2 0 0
                                    

    Palubog na ang araw at pauwi na si Andoy sa kanilang munting tahanan, hila-hila ang kanyang kariton na naglalaman ng mga 'di naibentang prutas.

Malayo layo pa siya ngunit natatanaw na niya ang kanyang ama na nakadungaw sa bintana.

'Ayan na naman siya.'

Bulong ng kanyang isipan. Nilagay niya ang kariton sa loob ng maliit nilang kusina. Mamaya na niya aayusin ang mga ito.

Nilapag niya sa mesa ang dala-dalang kalahating kilong bigas at isang de latang pang-ulam. Nagsaing siya pagkatapos at habang hinihintay itong kumulo nag-igib muna siya ng tubig sa balon malapit sa bahay nila. Pagkapuno niya sa malaking balde ay tamang-tama naman na malapit ng kumulo ang sinaing niya.

Habang hinihintay niya ito ay hindi niya mapigilang ikumpara ang sarili sa sinasaing. Kapag sobra-sobra na ang apoy ng galit at umalpas na ang kanyang mga hinanakit, may tao pa kayang magbubukas ng kanyang takip upang mabawasan ang nararamdaman niya at siya'y makahinga ng maluwag? Mayroon kayang magpapahina ng apoy? Marahil wala na.

Sa kanyang pagmumuni-muni ay gumalaw na ang takip ng kaldero. Binuksan niya ito at tinanggal ang ibang umaapoy pang panggatong upang mabawasan at humina ang apoy.

Pagkalipas ng ilang sandali, luto na ang sinaing. Kumuha siya ng dalawang plato para sa kanin at isang mangkok para sa de latang ulam. Pagkatapos niyang maghain, pumanhik na siya sa itaas upang yayaing kumain ang kanyang ama.

Tulala at mugto ang mga mata habang nakatanaw sa bintana ang ama ni Andoy na si Nestor o Nestong kung tawagin ng kanilang kapitbahay.

Nilapitan niya ito at tinapik sa balikat. "Tay kakain na tayo." Ngunit nanatili itong walang kibo. Tinawag niya itong muli. "Tay, tahan na d'yan. Kakain na tayo."

"D-Dalawang a-araw nalang...ika-dalawaput anim na kaarawan na ng kapatid mo" sambit nito kasabay ng paglandas ng mga luha sa maulap na mga mata nito hanggang sa kulubot na pisngi.

Sanay na siya sa paulit-ulit nitong pagdadrama tuwing nalalapit ang pagsapit ng kaarawan ng kuya niyang si Andrei. Limang taon ang pagitan nila ngunit hindi na niya ito natatandaan dahil isang taong gulang pa lamang siya ng ipamigay ito ng kanyang ama kapalit ng pagpapagamot sa kanya.

Ang usapan ay ibabalik din pagkatapos ng isang taon dahil gusto lang maranasan ng mag-asawang Hernandez, kaibigan ng boss ng kanyang ama dati,
ang magkaroon ng anak na lalaki.

Ngunit hindi sila tumupad sa usapan at dahil kapos rin sila, walang nagawa ang tatay niya upang hagilapin ang pamilya. Takot ding lumapit sa pulis ang kanyang ama dahil kilalang tao ang mga ito.

Ito'y isang istoryang paulit-ulit niyang naririnig ngunit tunay na kay saklap kung iyong sinapit.

Walang siyang magawa kung hindi intindihin ang ama.

"Tay--"

"Ang bait-bait niyang anak. Walang araw na hindi niya pinaalala sa amin na mahal na mahal niya kami ng nanay mo...kung sana kasi hindi ko nalang siya pinamigay. Kung sana may sapat akong pera sa panahon na iyon. Kung sana naka-isip ako ng iba pang paraan. Kung sana hindi ko naisip na i-ibenta ang sarili kong anak..." Ayan na naman 'yong mga linyang walang katapusan. Mga linyang walang kamatayan dahil muling nabubuhay tuwing sasapit ang isang kaarawan.

Ngunit napupuno rin siya. Ang kanyang mga tainga'y naririndi na. Sa bawat paglipas ng panahon numinipis ang kanyang pasensya. Umuusbong ang galit sa kanya.

"Kung sana--"

"Tay! Pwede ba!" Hindi na niya napigilan ang sarili. Tila may sariling buhay ang kanyang bibig. "Hindi siya ang unang batang ibinenta para sa nag-aagaw buhay na kapatid!" Mahigpit niyang ikinuyom ang kanyang kamao upang subukang pahupain ang apoy na tumutupok sa kanyang marupok na pagkatao.

Naabot mo na ang dulo ng mga na-publish na parte.

⏰ Huling update: Jun 25, 2019 ⏰

Idagdag ang kuwentong ito sa iyong Library para ma-notify tungkol sa mga bagong parte!

DingasTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon