Chapter 1
Habang nagbabasa ng isa sa mga librong ipinahiram sa kanya ni Grace, hindi niya maiwasang hindi tamaan sa bawat parinig ng may akda. Kung kaya hindi niya maiwasang tanungin ang sarili. Sa mga desisyong nagawa niya nitong mga nakaraang buwan, marami ba siyang nasayang na pagkakataon? Marami ba siyang nagawang mali sa desisyong pinili niya? Sino ang mga naapektuhan ng desisyong iyon? May nasaktan ba siya? O baka siya mismo ang pinapahirapan ng ginawa niya? Marahil tama. Kasi at the end of the day, siya pa rin ang nahihirapan. Siya pa rin ang nasasaktan.
Naipilig niya ang ulo sa hanging tila umalog sa maayos niyang pag iisip. Tapos na iyon kaya dapat na niyang kalimutan. At isa pa, dapat na niyang iwaksi ang isiping balikan dahil halata naman na matagal na siyang nakalimutan.
Ibinaba niya ng kaunti ang hawak na libro para pagmasdan ang lalaki sa di kalayuan. Nakapwesto ito sa pinakadulong Mesa malapit sa pinto ng canteen. Nakangiti ito...Kausap ang isang babae. Kung hindi siya nagkakamali ay si Cheska iyon. Ang cheer leader ng campus.
Ang napapabalitang dini-date nito ngayon.
Umawang ang kanyang bibig ng makita ang sunod na ginawa ng cheskang iyon. She hold his hand. Tila sumikdo ang kanyang puso at nanubig ang mga mata kaya kaagad na napaiwas ng tingin. Nakakapaso. Masakit pa rin sa mata.
Sila na ba? Iyon ang isa sa mga tanong na bumubagabag sa kanya hanggang sa pagpasok sa huling subject nila. PE class.
Napabuntong hininga siya. Kunsabagay, bagay naman talaga ang mga ito. Parehong sports person rin sila pero sporty rin naman siya eh kaya lang pakiramdam niya mas maganda at matangkad sa kanya si Cheska. Mabait din daw sabi ng kaibigan niyang si Cherry kaya lalo siyang naiinggit at nasasaktan.
"Valdez! Ayusin mo naman!" Ang sigaw na iyon ang nagpabalik sa kanya sa kasalukuyan. Tulala ba ako? Kailan pa? Iyon ang nagpakunot sa noo niya.
Tila hindi niya namalayan ang oras. Naglalaro na pala sila at sa kasamaang-palad ay hindi niya mahuli huli ang utak na mataas pa ang lipad kaysa sa bolang nilalaro nila.
"Valdez!" Kung kanina ang sigaw na narinig niya ay may bahid ng galit, pag-aalala naman ngayon.
"Valdez!"
Dinaluhan siya ng mga kalaro maging ng kanilang coach matapos lumagapak sa sahig. Sa malamig na sahig na sumampal sa kanya ng katotohanan. Masakit. Damang dama.
Wala man lang sumalo sa kanya.
"Valdez, saan ang masakit?" Ang coach niya iyon. 'Ang puso ko coach. Pinipiga. Tinutusok habang binubudburan ng sandamakmak na asin. Mahapdi. Masakit. Andaming sugat. Hindi ko na yata kaya I tolerate pa.' Iyon ang gusto niyang isagot. Pero inihip na yata ng hangin ang lahat ng lakas niya. Pati lakas ng loob kaya natahimik na lang siya habang nasa sahig. Pinakikinggan ang mga boses ng mga kaklase niya. Nag aalala sila. Siya kaya?
Napapikit siya.
Unti-unting lumulubog ang lahat. Lumalayo ang lahat. Tumatahimik ang lahat. Pero di nakaligtas ang boses ng isang pamilyar na tao. Na sa mga oras na ito ay ang natatanging taong gusto niyang mapakinggan ang boses. Pero bakit siya nandito? Is he...
"I'll take her."
Bumilis ang tibok ng puso niya ng marinig ang boses nito. Lalo na nang maramdaman ang paghiwalay niya sa malamig na sahig at ang paglalapat ng katawan niya sa taong iyon. And in his arms, she found comfort and peace she needed at this moment. At sa pagkakataong iyon, umaasa na naman siya.
"M-Mark," mahinang tawag niya rito. Kahit nahihilo na siya'y gusto niyang makita kung nag aalala rin ito sa kanya.
"Ako na po ang magdadala sa kanya sa clinic," iyon ang huli niyang narinig bago magsimulang maglakad si Mark. Papuntang clinic siguro. Pero kung papipiliin siya, mas gugustuhin niyang kargahin na lang siya ni Mark kaysa iwan sa clinic. Ang unang ideya ang magdadala ng sandaling kasiyahan sa puso niya. Because at least-nag aalala siya. Kahit ngayon lang- matapos ang mahabang panahon.
Papikit na siya. Pero ginambala siya ng mga salitang ibinulong sa kanya nito.
"Nagsisisi ka na ba sa desisyon mo?"
-writealoud