Isang magandang balita
Ang pagdating mong bigla
Sa amin, kay gandang biyaya
Mga puso'y nagagalak sa tuwa
Kasiyahan ay di matawaran
Sa sinapupunan labis kang iningatan
Sa looban ng siyam na buwan
Ikaw lang siyang pinagtuonan
Balewala ang hirap na pinagdaanan
Sakit na dinanas noong kita'y iniluwal
Maipakita lang sa iyo ang kagandahan
Nitong mundong nilikha ng Maykapal
Walang katumbas ang nadamang kagalakan
Lalo na ng ika'y nahawakan
Pero , bakit kay daya mo naman
Sing bilis ng pagdating ang iyong paglisan
Ang hirap-hirap tanggapin
Na ikaw ay pahiram lang sa amin
Ilang araw na di makakain
Sakit mong dulot di kayang tanggalin
Akala ko, katapusan ko na
Ngunit sa panaginip ika'y nagpakita
Nagsasabing magpatuloy ka ina
Sa takdang panahon muli tayong magkakasama
Salamat, O munti kong anghel
Sa maikling panahong inilagi mo sa amin
Sa puso't isipan di ka lilimutin
Palagi kang kasama sa mga dalangin
Ngayong araw ninyong namayapa na
Hinihiling kong mukha mo'y makita
Sa panaginip masilayan ka sanang muli
Mga ngiti sa labi, kahit sandali
(Dedicated to all moms and dads out there who lost their child )---