CHAPTER II: What's Next?
Gabi na nang makauwi ako sa apartment. Patay ang mga ilaw nang pumasok ako at tanging tanglaw sa malalim na gabi mula sa terasa ang nagiging gabay ko papasok. Hindi na ako nag-abalang buksan pa ang ilaw dahil baka mapansin pa ni Markus na nakauwi na ako.
Bukas ang pinto papuntang terasa nang makalapit ako.
"Hindi na naman sinara ni Markus 'to. Katamaran lagi pinapairal," paanas kong sabi.
Naglakad ako roon hanggang sa madatnan ko siyang nakatulala sa langit, malalim ang iniisip. Hindi niya pa siguro alam na nakauwi na ako.
"Mag-isa ka 'ata," sambit ko.
"Nand'yan ka na pala," aniya matapos ibuga ang usok mula sa hinihithit niyang sigarilyo.
Tumango lang ako bilang tugon at tinabihan siyang tinatanaw ang kalangitan.
"Mukhang uulan, no'?" saad ko na biglang sinang-ayunan naman niya. "Pang-ilang sigarilyo mo na 'yan ngayong maghapon?" tanong ko.
Tumigil siya sa paghithit at bumilang sa mga daliri. "Mahigit isang kaha na 'ata," walang emosyon niyang sabi.
"Hindi ba't sabi ko sa-" Natigilan ako sa turan ko.
"Na limang stick lang sa isang araw?" pagpapatuloy niya at saka ngumisi.
Naalala ko. Hindi na nga pala kami para pigilan ko pa siya sa mga desisyon niya. Wala na akong kontrol sa mga gusto niyang gawin. Kung ilang sigarilyo ang pwede niyang hithitin sa isang araw. Kung ano'ng dapat na suotin niya sa tuwing aalis kami. Kung sino ang iibabaw sa tuwing magsisiping kami. Wala na. Tapos na nga, 'di ba?
"Payong kaibigan lang naman," pagbawi ko.
"Salamat sa concern mo, friend. Pero I don't care," malumanay niyang sabi at saka pinagpatuloy ang paghithit sa sigarilyo.
Lumunok ako ng laway. Bakit tila 'ata ang lamig niya? Dapat na ba akong masanay? Dapat alam kong magiging ganito siya sa sandaling maghiwalay kami. Pero bakit pakiramdam ko, nabigla ako? 'Di ba dapat ay handa ako?
"Uuwi nga pala ako sa amin. Dalawang araw lang siguro ako roon tapos ay babalik din ako rito," saad ko.
"Okay. Good for you," aniya. Gano'n pa rin. Malamig pa rin siya.
"Wala ka bang balak bumisita sa inyo?" lakas-loob kong tanong sa kanya.
Natigilan siya at saka dinikdik ang upos ng sigarilyong kanina'y hinihithit. Tinalikuran niya ako at saka padabog na pumasok ng kwarto.
Sa tuwing mapag-uusapan talaga ang kanyang pamilya, wala siyang nagiging imik. Nagiging tahimik lang siya at saka iiwan ako sa ere. Sa limang taon naming pagsasama, ni hindi niya nagawang ipakilala ako sa pamilya niya. Tanggap ko naman kung bakit. Tinanggap ko naman sa simula pa lang na hindi magiging madali ang lahat. Pero siguro karapatan ko namang malaman ang detalye ng buhay niya nang mga panahong nagsasama pa kami.
Sa limang taon namin, wala man lang akong alam sa buhay niya.
Hindi na rin ako ginanahan kumain dahil sa nangyari. Mabilis akong nagpalit ng damit at marahang pumasok sa kwarto. Tahimik pero bukas ang lampshade sa tabi niya. Marahil ay tulog na siya.
Napagpasyahan ko na ring itulog ang araw na ito. Nakakapagod pero hindi ko mawari ang dahilan.
Papikit na ako nang bigla siyang magsalita.
"Pasensya pala sa nangyari kanina," paumanhin niya.
Pero sa tuwing mapagtatalunan namin ang tungkol sa pamilya niya, siya ang laging nauunang humingi ng tawad.
"Okay lang. Alam ko namang hindi ko dapat 'yon tinanong pa. Sorry," ani ko.
"Ingat ka na lang pala bukas sa biyahe mo. Ikumusta mo na lang ako kina Tito at Tita," saad niya.
"Ayaw mo bang sumama?" pag-aalok ko kahit alam kong tatanggihan niya.
"Huwag na. Baka ano pang isipin nila Tito."
Napabuntong-hininga ako. "Pero mas lalo silang mag-iisip kung hindi kita kasama. Hindi pa kasi ako handang magpaliwanag sa kanila," paliwanag ko sa kanya.
Naramdaman ko ang yapak ng mga paa niyang papalapit sa kamang hinihigaan ko. Napakunot ako ng noo.
"Ano'ng ginagawa mo?!" bulalas ko nang makitang papalapit siya sa higaan ko habang walang pantaas na suot. "Huwag kang lalapit!"
Umupo siya sa tabi ng kama at saka tiningnan ako sa mga mata. "Para namang hindi ka sanay na makita akong walang suot," aniya at kumindat.
"Akala mo nakakatawa 'yon?" ani ko at ngumiti nang nakakaloko.
Kinuha niya ang kumot at saka pumwesto sa tabi ko. Nanigas ang buo kong katawan nang maramdaman ko ang init ng kanyang katawan nang tabihan niya ako.
"Pumapayag na ako," aniya.
Napakunot ako ng noo at nagtaka. "Ha? Ano'ng sinasabi mo?"
"Pumapayag na akong samahan ka sa pagbisita mo sa mga magulang mo," sagot niya.
"At ano naman ang kinalaman no'n sa pagtabi mo sa akin sa higaan? Alam mo bang masyadong maliit ito para sa dalawa?" iritable kong sabi.
Ngumisi siya. "Kung gusto mo, doon tayo sa kama ko. Doon naman tayo natutulog dati, e'. Kasyang-kasya tayong dalawa roon kahit na maglikot ka," paanas niyang sabi sa huling pangungusap na may halong panloloko.
"Na-miss mo ba 'yung gan'to?" Inilapit niya ang mukha niya sa akin. Nanatili akong nakatingin sa kisame pero ramdam ko ang hinihinga niya dahil sa papalapit na mukha niya sa akin. Kumikiskis rin ang kanyang katawan sa braso ko na nagbibigay ng kakaibang sensasyon.
Bago pa man ako bumigay, itinulak ko siya nang malakas sa dulo ng kama dahilan para malaglag siya.
"Aray ko po!" sigaw niya, himas-himas ang parte ng kanyang katawan na humalik sa sahig. "Ito naman! Parang hindi mabiro."
"Kalimutan mo na ang pagsama sa akin kina Dad at Mom. Nagbago na pala ang isip ko," pagbawi ko.
"Iyan ka na naman. Sasama ako sa ayaw man o gusto mo. Gusto mo bang tawagan ko na sila ngayon?" pang-aasar niya.
"Sige na. Matulog ka na nga roon sa higaan mo. Matutulog na rin ako," utos ko at saka tinalukuran siya, hila-hila ang kumot na nakatalukbong sa akin.
Naramdaman kong tumayo siya mula sa pagkakabagsak at dumiretso sa kanyang kama. Pinatay na rin niya ang ilaw ng nakabukas niyang lampshade.
Sa sandaling tabihan niya ako kanina, naramdaman kong nanumbalik ang lahat sa akin. Nararamdaman ko ang mainit niya katawan na sumasakop sa kaibuturan ko. Hindi siya mawala sa isip ko, ang kakaibang sensasyon na maaaring hindi magpatulog sa akin ngayong gabi.
BINABASA MO ANG
FINDING DAVE (M2M)
RomanceJUNE 15, 2019 Sigurado si Dave na hindi magtatagal ang relasyon nila ni Markus. Ngunit hindi tulad ng ibang relasyon, hindi naging masakit para sa kanila ang maghiwalay. Pero paano sila maghahanap ng kanilang kabiyak kung hiwalay na sila pero nasa i...