CHAPTER 1- Pagtugis

2.1K 92 15
                                    

CHAPTER 1

Pagtugis

"MAGHIWA-HIWALAY tayo mga kasama!" Malakas at buong tapang na sigaw ng isa sa grupo ng mga kalalakihang may mga dalang ilawan, itak, buho at sibat. Matangkad ito, mabulto ang pangangatawan at nasa anyo ang bagsik at otoridad.

"May tama siya kaya siguradong hindi siya makalalayo!" Sinegundahan ng lalaking may dalang kumikinang na jungle bolo ang sigaw na iyon. Pagpapalakas sa loob ng mga kasama ang katumbas na mensahe. Nakaangat pa sa ere ang sandata nito katumbas nang pagsugod. Ang pamarisan ng mga kasama ang kasing kahulugan ng katatagang ipinakikita. Hindi kababakasan ng takot ang anyo nito sa kabila ng taas na lilimang talampakan. Malapad ang pangangatawan kung kaya lalong nagmukhang maliit ngunit malaki at malamig ang boses na nagpapahiwatig ng kakayanang makipagbuno sa kalaban gaano man kalaki. Ang pangambang kung magkakamali'y buhay nito at ng mga kasama ang magiging kapalit ay tila 'di sumasagi sa isip. Determinado itong tapusin ang nasimulan, ang laban.

Wari ba'y nakasambot ng ibayong tapang ang mga kasama ng dalawa. Umangat ang mga dibdib. Waring mga isdang nakatinghas ang palikpik.

"Tayo na!" Matapang na sigaw ng isa pa, na agad namang sinang-ayunan ng iba pa.

Gaya nang unang narinig, naghiwa-hiwalay nga ang grupo. Upang tiyaking ligtas ang isa't isa, dalawa hanggang tatlong kalalakihan ang nagsama-sama patungo sa magkakaibang direksiyon. Lubhang mapanganib ang tinutugis ng mga ito kung kaya't kinakailangan ang lubos na pag-iingat. Nagtungo ang mga ito sa mga hinihinalang tinakbuhan, at maaaring mapagkanlungan ng hinahanap; sa iba't ibang panig ng masukal na kakahuyang tinalunton ng tumatakas.

"Mag-ingat kayo mga kasama!"
Pahabol na bilin ng lalaking nasa unahan, at saka pinangunahan ang paghahanap. Bawat paghakbang ay tila binibilang. Tinatantiya kung may gagalaw. Malilikot ang mga matang nasasanay na sa kakatiting na liwanag. Pinatatalas ang pandinig, ang pakiramdam, at inihahanda ang sarili sa biglaang pag-atake ng kalabang tila bulang naglaho sa dilim. Gano'n din ang naging pagkilos ng mga kasama nito. Maingat, alerto, handa.

SAMANTALA, humihingal sa pagod ang lalaking nakakubli sa katawan ng malaking puno. Taas-baba ang dibdib sa magkahalong damdamin; takot at pag-aalala. Isa lang ang kahihinatnan niya oras na mahuli. Mabuti sana kung papatayin agad siya ng mga ito. Paano kung gamitin pa siyang pain? Hindi siya makapapayag. Tama nang siya na lang!

Palipa-lipat ang tingin niya sa paligid habang nag-iisip kung ano ang dapat gawin. Napapangiwi siya dahil sa iniindang kirot mula sa tagilirang napinsala. Sinapo niya ang bahaging iyon upang pigilin ang walang humpay na pag-alpas ng dugo.

"Aah," impit niyang daing. Mariin niyang nakagat ang pang-ibabang labi nang makapa ang malalim na sugat. Lumusot doon ang dulo ng kanyang mga daliri. Dahil sa ginawa'y bumulwak pa ang mas maraming dugo, lalong umagas ang pulang likido. Iniuko niya ang katawan. Pinaniwalaang kung madidikit ang napilas na laman ay baka sakaling mabawasan ang dugong umaalpas. Ka

Mula sa kinaroroonan ay natatanaw niya ang sariling tirahang unti-unting nilalamon ng apoy. Nagtatagis ang kanyang mga panga. Tumutulo ang masaganang luha mula sa mga matang nagliliyab sa matinding poot at pagkasuklam. Galit siya sa mga taong may gawa niyon. Ngunit nakahihigit ang galit niya sa sarili. Wala siyang nagawa. Hindi man lang nakalaban, at sa halip, tinakasan na lamang. Wala na siyang ibang mapagpipilian. Pagtakbo na lamang ang tanging paraan upang maiwasan ang mas malaking kapahamakan. Nailing siya. Sumasabay sa lagablab na tinatanaw ang pagkatupok ng puso niya. Kuyom ang kanyang kamao. Naglalatang sa dibdib ang matinding poot.

"Bakit?" Gusto niyang isigaw sa mga taong tumutugis sa kanya. Tiningala niya ang langit. Pinahid ng duguang kamay ang luhang humihilam sa mga mata.

Alulong sa Lumang MansionTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon