Prologue

78 4 0
                                    

Paano ba natin nakikilala ang pag-ibig? Sa pagbagal ng mga oras? Sa pagiging balisa? 'Yung tipong kapag nandyan siya, kinakabahan ka? 'Yung kapag nakikita mo siya, may mga fireworks sa paligid, may mga puso. Magkakaroon ng paru-paro sa sikmura? 'Yung kapag nakita mo siya na hinahawi ng hangin 'yung buhok niya tapos magsasalubong kayo ng tingin, masasabi mo na bang pag-ibig 'yon? Paano naman kung isang araw habang naglalakad ka sa 'di pamilyar na daanan, magkaka-bungguan kayong dalawa, maglalapat ang inyong mga balikat, mahuhulog ang mga librong hawak mo, sabay niyo itong pupuluting dalawa, magtatagpo ang inyong mga mata, iiwas ka ng tingin, pero hindi mo kayang iwasan ang mabilis na pagkabog ang dibdib mo. Mapapaisip ka tuloy na ito na ba 'yung sinasabi nilang pag-ibig.

                Siguro masyado lang tayong naaapektuhan ng mga napapanood natin sa pelikula, sa mga paborito nating kanta at sa nababasa natin sa mga libro sa kung paano nila ipakilala sa atin ang pag-ibig. Kung kailan 'to maaaring dumating, kung kanino, saan at paano. Kaya kapag tumugma 'yung napanood natin sa pelikula sa kung paano kayo nagkakilala, iisipin mo na siguro ito na 'yon. Kapag tumama 'yung sinasabi ng kanta sa nararamdaman mo, mapapaisip ka kung ito na nga ba talaga 'yon. Kapag tumugma 'yung ginagawa niya sa mga nababasa mo sa libro, kukumbinsihin mo 'yung sarili mo na siya na 'yung taong matagal mong hinihintay. Pipilitin mo 'yung sarili mo na maniwala na siya na nga 'yung inilaan para sa'yo. Hindi tayo maaaring sisihin dahil ganito naman talaga sa atin ipinakilala ang pag-ibig.

                Pero paano kung pwede mo palang makilala ang taong inilaan para sa'yo sa hindi mo inaasahang lugar? Maaaring makasabay mo pala siya  jeep, maaaring itinakda pala kayong magkakilala sa banyo, sa labas ng eskwelahan, sa abangan ng sasakyan. Maaaring nagtagpo na pala kayo sa isang kainan, sa mall, maaaring nakausap mo na pala siya minsan.

                Puwede ring kaklase mo pala siya. Naging teacher mo o maaaring kababata mo noon. Puwede ring ngayon palang siya isinisilang. Maaaring 'yung taong para sa'yo pala ay 'yung lagi kang dinadamayan kapag may problema ka, lagi mong sandalan kapag nasasaktan ka sa taong pinipilit mong siya na.

                Maaaring pareho kayong nagbabasa ng libro ngayon. Maaaring parehas kayong may karelasyon ngayon. Maaaring yung nakalaan pala para sa'yo ay matagal nang patay. Huwag naman sana.

                Malay ba natin kung 'yung nakatakda pala sa'yo ay 'yung ex mo pala. Sabi nga nila, love is sweeter the second time around.

                Maaaring hindi siya pasok sa pamantayan mo, o maaaring siya 'yung tipo ng taong kinaiinisan mo. Maaaring bukas mo pa siya makikilala, sa isang araw, sa isang buwan, pagkatapos ng isang taon, dalawang taon, ng lima. Maaaring makilala mo siya sa trabaho, sa pambublikong lugar, o maaaring makilala mo siya pagkatapos mong ikasal. Kailanman ay hindi magiging huli ang pag-ibig. Gagawa at gagawa ito ng paraan para sa inyong dalawa.

                May iba-iba tayong ideya kung paano natin makikilala ang pag-ibig. 'Yung iba, nakikita nila bilang pasakit, 'yung iba naman bilang biyaya. 'Yung iba nakikilala nila sa gitna ng kaba, 'yung iba naman sa gitna ng saya. May ibang nakakakilala dito sa gitna ng pagkabalisa, 'yung iba naman ay sa gitna ng pagiging payapa. Maaaring dumating 'to sa gitna ng sigwa o sa gitna ng kapanatagan. Maaaring sa gitna ng ulan o sa ilalim ng tirik na araw.

You've reached the end of published parts.

⏰ Last updated: Jul 13, 2019 ⏰

Add this story to your Library to get notified about new parts!

Bisita; mga alaala ng pagkawasakWhere stories live. Discover now