Bukang-Liwayway at Dapit-hapon

27 3 2
                                    


MARUBDOB ang pag-ibig ni Arturo sa sining. Hindi niya nakikita ang sariling mga kamay na kumikilos ng ibang trabaho bukod sa pagdungis dito ng iba't ibang kulay upang ihatid sa reyalidad ang isinisigaw ng kaniyang emosyon at imahinasyon.

Ang sining ang humubog sa kaniyang kaluluwa at ang tanging laman ng kaniyang puso. Simula nang magkaisip, batid na niya sa kaniyang sarili; ipinanganak siya upang maging isang magaling na pintor at mamamatay siyang pintor. Natuto siyang magpinta noong siya'y walong taong gulang pa lamang. Buhat noon, ang paintbrush na lamang ang naging kaibigan niya. Inilayo niya ang sarili sa totoong mundo. Namuhay sa kaniyang haraya. Nang magkasabay na pumanaw ang mga magulang noong siya'y sampung taong gulang at pinagpasa-pasahan ng mga kamag-anak, naging sandigan niya ang sining. Tumayo siya nang mag-isa. Nagsikap upang maabot ang pangarap na puhunan lamang ay talento at lakas ng loob.

Sa edad na tatlumpu't apat, ang kaniyang mga likha ay nalibot na ang buong mundo. Kandarapa na siyang umakyat sa iba't ibang entablado upang tumanggap ng 'sangkaterbang mga parangal. Tinitingala siya ng marami. Napuno ng kulay ang kaniyang mundo. Nakilala siya bilang "The Emotional Painter," sapagkat ang mga obra niya'y punong-puno ng emosyon. Kung titingnan mo ang isang obra niya ay malulunod ka sa emosyong nakapinta rito-at tunay na kamangha-mangha iyon!

Ngunit, isang payapang dapit-hapon. Nakatayo siya sa harap ng malaking salamin sa kaniyang kuwarto. Pinagmasdan niya ang sariling ngiti. . . at natuklasang salat na ito sa kulay. Matamlay ang ningning sa kaniyang mga mata. Dumako ang paningin niya sa matangkad na estanteng inuukupa ng kaniyang mga tropeyo. Pinakatitigan niya ang kaniyang mga likhang-sining na nakasabit sa bawat kanto ng kaniyang munting tahanan.

Sa huli'y natulala siya sa kulay kahel na kalangitan sa labas ng bintana. At nang oras na iyon, nadama niya ang puwang sa kaniyang puso. Hindi siya kuntento. May kulang. Hindi siya lubusang maligaya.

Hanggang sa tila may sariling buhay na nag-unahan ang mga paa ni Arturo patungo sa tapat ng malaking bintana. Nakatayo roon ang isang blangkong kanbas na may katapat na silya. Sa ibaba nito ay namamahinga ang mga gamit niya sa pagpipinta. Masigasig ang kaniyang mga kamay na naghalo ng iba't ibang kulay. Nag-uumapaw sa mga estrangherong emosyon ang kaniyang dibdib. Pagka-uhaw. Pangungulila. Pananabik. Pag-ibig.

Mabagal at marahang humahaplos sa kanbas ang kaniyang palad habang naglalaro sa isipan ang isang larawan. Paulit-ulit na humalik at nagtalik ang mga kulay at paintbrush. Ang dati'y hungkag na puting espasyo ay unti-unting nabihisan . . nagkabuhay.

Saksi ang araw, buwan at mga bituin sa kung gaano na katagal nakaupo si Arturo sa harap ng silya. Dinatnan na siya roon ng maraming paglitaw ng araw at mga paglubog ng buwan. Umulan. Umaraw. Bumagyo. Nagpapalit-palit ng sumpong ang klima. Ngunit ang mga kamay ni Arturo ay hindi napagod.

Hanggang sa sumapit ang isang maayang bukang-liwayway. Sumibol ang munting ngiti sa maninipis na labi ng binata. Bagama't nangingitim ang ilalim ng mga mata, mababanaag dito ang kakaibang kislap ng galak habang pinagmamasdan ang natapos na obra.

Tumambad sa kaniyang harapan ang isang dalaga.

Ang bilugang mga mata nito ay 'sing kulay at 'sing lalim ng gabi. Gayon din ang itim na buhok na nakapusod. Nakabibighani ang ngiting nakapinta sa mapupula nitong labi. Kayumanggi ang makinis na kutis. Suot ang makalumang puting baro at mahabang pulang saya, habang ang kanang kamay ay hawak nang mahigpit ang isang rosaryo, ang sinumang mapapatingin sa mistulang dalagang Pilipina na ito ay tiyak na mabibihag ang puso.

"Virginia Corazón. . ." malamyos na usal ni Arturo.

Kusang isinambit ng kaniyang labi ang magiging ngalan ng sining-Virginia Corazón. "Virginia" na nangangahulungang "birhen," dahil bukod sa anyo ng dalaga na nagpapakita ng kahinhinan at pagiging puro, alam ni Arturo na hindi kailanman mahahawakan si Virginia ng mapagnasang kamay ng ganid na mundo hangga't siya'y humihinga. "Corazón" na nangangahulugang "puso," sapagkat ang buong pag-ibig na nananahan sa kaniyang dibdib ay ibinuhos niyang lahat kay Virginia Corazón. At isa lang naman ang pinag-aalayan niya ng pag-ibig na iyon; ang sining. Marahil, si Virginia ang mukha ng sining na iyon. Sa ibang kahulugan naman, kung isasalin nang magkasama ang "Virginia Corazón," mangangahulugan ito na "Pure Heart." Kay gandang pangalan.

Corazón LlorandoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon